Boy, Meron Akong K'wento | PAPA ERAN

23 2 1
                                    

Title: Boy, Meron Akong K'wento!


- - -




Boy, meron akong k'wento!

Ang k'wento nating dalawa,
Na malayang tumatawa
Sa mausok na kalsada;
Naghahabulan, nagtatayaan,
Nagkakasaya at hindi natataranta,

Dahil wala pang iniisip na pandemya.




Boy, meron akong k'wento!

Ang k'wento ni mamang magtataho,
Na pinaglalaanan natin ng limang piso, noong mga bata pa tayo.
Tanaw agad sa malayo, dahil kahit mabigat ang kan'yang dalang taho, mabilis s'yang nakakalayo-
Pero, sa pagkakataong ito,

Bakit parang tuluyan na s'yang naglaho?




Boy, meron akong k'wento!

Ang k'wento ni teacher at ng silid-aralan na puno ng buhay.
Ang section na palaging nasasaway dahil sa sobra nilang ingay.
Ang hampasan, ang yakapan, ang walang humpay na talumbuhay na punong-puno ng kulay
Ang siksikan sa jeepney,
Ang pagtakbo sa labas na parang mga bayani,
Ang walang sawang pagtitipon,
Mga galang nakaka-ubos ng ipon at ng baon,
Ang masasayang tambay pagkatapos ng klase sa hapon...

Pero ang lahat nga ba ng mga iyon,
ay mananataili na lang na alaala ng kahapon?









Boy, kanina pa 'ko nagku-k'wento.
Gusto ko naman marinig ang tinig mo.
Miss ko na 'yung dati kong kalaro.
Ang ngiti na hindi pa natatakpan, ng tela sa'yong muk'a bilang sanggalang,
Laban sa lumalaganap na karamdaman.
Ang kamayan na hindi hinahaluuan ng takot at 'di kasiguraduhan.
Ang samahan na wala pang binabadyang hawahan,
Ang malasakit at kalinga sa kapwa sambahayan,
Ang Kahinahunan, dahil wala pa ang pangib na dala ng kalaban,
Ang Ugnayan ng ating mga kababayan, noong hindi pa takot ang nararamdaman ng halos karamihan.



Matagal-tagal na rin kase ang ganitong kalagayan.
Nakakabingi rin palang pakinggan, ang napakahabang tunog ng katahimikan.



Pero hindi bale, matiyaga akong maghihintay sa oras,
Na hindi na isang panganib ang paglabas.
Sa araw, na ang sambitla ng lahat ay 'Sa Wakas.'
Kung kailan maayos na ang lahat,
Muling manunumbalik ang sigla ng mga bagong kuwentong sisikat.




Boy, ito ang aking k'wento.
Nagmamahal, ang kapwa mo Pilipino.

Mga Tula Ni Papa EranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon