Ang Nadaya Sa Laro | PAPA ERAN

0 0 0
                                    

Nanupalpal na naman ang katotohanan na parang manlalaro sa basketball na gigil manalo.

Tapos ako, ako iyong mula kanina ay hindi na pinagpahinga dahil kailangan buhatin ang buong kuponan para sa kampeonato.

Pagod na ako. Hindi n'yo ba napapansin? Wala bang may pakialam? Nananalaytay ang sandamakmak na pawis at imbis na abutan ako ng panyong pamunas o tubig pantawid ng uhaw ay tinawaran n'yo po ang aking kakayahan na kung ito na lamang ba ang kaya kong ibigay?

Galit ako sa laro. Bakit walang tumatawag ng time-out? Bakit palaging ako ang naglalaro? Mali! Bakit palaging ako ang pinaglalaruan? Hindi na tama ito. Hindi na patas ito.

Sa oras na maitali na ang mga sintas at tumapak na ang sapatos sa palaruan ay nagiging ibang anyo ako. Buhos kung buhos. Bigay kung bigay. Husay kung husay. Kaya naubos.

Galit akong naglalaro dahil palaging ako ang ipinapasok, palibhasay hindi nagmimintis, liksi at talas nitong abilidad, pero sandali lang naman po, napuputol na ang pisi nitong taong inyong sinasagad.

Galit ako dahil hindi n'yo magawa ang kaya kong ibigay. Maibigay ang hangad kong pahinga, pahinga na sa inyo ko rin makukuha, makukuha ninyo sa akin ang pahinga, ang kumpiyensa, ang talento, pero isipin ninyo sanang magtira, o bumawi, dahil ang taong nagpapakatirapa maiangat ang grupo ay nangangailangan din ng masasandalan upang makaupo at maghabol ng hininga.

Galit ako, oo.
Pero ang totoong galit ko ay para sa sarili ko. Tama na naman kayo. Kasalanan ko ito. Dahil wala akong matatag na hangganan kung hanggang saan n'yo lamang ako p'wedeng paglaruan. Hangga't tumatalbog ang bola, buong p'wersa itong iingatan at ipapanalo, at sa huli, madadapa ako at magtatanong: wala man lang nakapansin ng dugo na kanina pa pala dumadaloy mula sa aking katawan?

Kasalanan kong hindi tumanggi at palaging sumipot. Kasalalan kong hinayaan kong malamangan ako ng pabor ninyo kumpara sa isipin ang kapakanan ng nakangangang sapatos at nanlalambot na mga tuhod. Kasalan ko ito dahil hindi ko na naman inuna ang sarili ko.

Galit ako sa inyo dahil hindi ninyo ibinabalik ang kaya ko. Pero pawang pagtatakip lamang ito. Dahil ang totoong galit na nanunoot sa aking buto ay ang katotohanan na hindi ko mahindian ang tawag ng pangangailangan.

Ang nadaya sa laro ay ako dahil kahit ilang puntos ang maiambag ko, kulang pa rin para mapahalagahan.

Inubos n'yo ako, pero ako rin ang dapat sisihin sa galit at pagkaubos kong ito. Ang nadaya sa laro ay ako at ako rin ang puno't dulo nito.

S'ya nga pala, alam kong alam mo: Hindi ito tungkol sa Basketball.

Mga Tula Ni Papa EranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon