Basta, Andito Lang Ako | PAPA ERAN

0 0 0
                                    

Ano nga bang nararamdaman ko?
Takot? Kaba? Gulo o pagkalito?
Baka, p'wede, siguro. Marahil, oo.
Mahal kita–
Isang tanong, isang sagot:
Hindi mo na ba 'ko mahal?

Baka p'wede nating pag-usapan?
Dahil lahat naman daw ay nadadaan sa mabuting paliwanagan.
Sumugal ka pa sa'kin, ipapanalo ko ito.

O baka kung p'wede, aalagaan kita.
Tapos maaalala mo, na dati, isang gabi nasabi mo sa aking ako pa rin.

O baka kung p'wede yayakapin kita, tapos sa puntong iyon, babalik sa'yo na minsan, isang araw, dumating sa puntong palagi mo akong gustong makita. Na ako ang iyong hinahanap, na hindi mo kaya nang wala ako.

O kung hindi na natin mababago pa ang nabago dahil may nagbago na, p'wede bang dahan-dahanin mo ang pag-alpas? Bagalan mo ang pagbitaw. Alam mo naman 'di bang takot akong maiwan? Kaya 'wag 'yung biglaan, 'wag 'yung isang iglap. Kase magtataka ako, mababaliw, malulugmok, hindi na naman makakabangon.

At kung sakali lang namang hindi ka na magpaparamdam,'wag kang biglang susulpot. 'Wag kang mangangalabit dahil masisira na naman ako. Kung pipiliin mong piliin ang iba, 'wag mo sana akong dalawin para lang hindi mawala sa'yo kahit na hindi mo naman talaga ako pinipili nang buo.

Basta kung ano man ang mga binabalak mong gawin, sasabihin ko sa'yo nang paulit-ulit, andito lang ako para sa'yo. Isang tunog ng kahibangan na masyadong delikado. Tunog ng kahibangan na hindi namumulat sa katotohanan pero hayaan n'yo na, dahil sa puntong sumuko ito, mawawalan na rin naman ako ng pakialam sa lahat.

Pinapadama ko lang na basta habang andito pa ako, hindi ako gagalaw at hindi ako aalis, patuloy na maghihintay sa'yo.

Habang ako ay naririto,
Gamitin mo ako hangga't gusto mo.
Wala akong pakialam kung anong makukuha ko 'pagkatapos nito,
Kung ako ba'y pipiliin mo pa rin dahil mahal mo na,
O baka piliin mo lang ulit dahil mapapakinabangan pa.
Kahit ano, sige– gawin mo!
Hindi ako magdaramdam, hindi ako magtatampo,
Ganito ako kadesperado.
Handa akong ibigay lahat sa'yo!
Sige na, kumuha ka pa. Baka may kulang pa, gagawan ko ng paraan.
Ubusin mo ako kahit ubos na ubos na ako,
Kase baka 'pag dating sa dulo,
Maisip mo,
Na aba, oo nga.
Karapat-dapat pala ako sa'yo.

Habang ako ay naririto,
Na naghihintay na mapasa iyo.
Magbulag-bulagan ako.
Dahil sa oras na mamatay itong alab ng isang dakilang inutil na pag-ibig, matutunan ko nang unahin ang sarili.

Pero sa ngayon, basta andito lang ako.

Mga Tula Ni Papa EranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon