Ikaw at Ang Pag-ibig | PAPA ERAN

11 0 0
                                    

Title: Ikaw at ang Pag-ibig

...


Wala na 'kong maisip.
Naubusan na ata ako ng mga salita.
Ang sabi kase ay kung kaya ko raw bang lumikha pa ng tula,
Na pag-ibig ang s'yang magiging tema.


Hindi ko alam kung nagkamali ba ako ng dinig,
O sadyang masyado lang akong lutang sa pag-ibig.
Dahil baka ang ibig nilang sabihin,
Ay kung kaya kong lumikha ng tula,
Na ikaw ang s'yang magiging paksa.
Ano bang pinagkaiba ng pag-ibig at ikaw?
Siguro hindi lang nila alam na ang tanging dahilan kung bakit nakilala ko ang pag-ibig,
Ay dahil nakilala kita.
Kaya para sa akin, ikaw at ang pag-ibig ay hindi naman magkaiba.
Ikaw at ang pag-ibig, para sa puso ko... ay iisa.





Hindi mo kase napapansin kung paano kita pagmasdan.
Lahat ng sinasabi mong pangit sa'yo ay tanggap ko naman.
Marahil takot ka lang na hindi matanggap ng iba-
Pero hayaan mo na sila,
Andito ako para sa'yo kaya't wala kang dapat ipangamba.



Sino ba namang hindi mahuhulog sa ngiti mong kay ganda?
Pasensya na nga pala kung napapatigil ako kapag kausap ka,
Mahirap kaseng hindi maantig,
Itong puso kong ikaw lamang ang pinipintig.
Hindi mo dinig ang tambol sa aking dibdib,
Ngunit kung nagkataong nagkaroon ito ng tinig,
Pangalan mo ang iyong maririnig.
Pero teka, teka, teka-
Ano nga ba ulit 'yung pangalan mo?
Ang tanging alam ko na lang kase ay "mahal ko".


Hindi mo rin pala nakikita ang ligaya sa iyong mga mata,
Sa mga sandaling nakikita kitang tumatawa.
Kaya nga nais ko pa na sa tuwi-tuwina na,
Ay patawanin ka.
Nais kong maging bahagi sa bubuo ng mga araw mo.
Gusto kong maging dahilan ng paghalakhak mo.
Pangarap kong salubungin ang hinaharap
Na ikaw pa rin ang aking kaharap.



Naisip ko nga,
Kung kaya mo lang makita kung paano kita nakikita,
Gugustuhin mo sigurong maging ako.
Para natatanaw mo ang kagandahang nakikita ko.
Mas mahahalin mo pa ang sarili mo.
Dahil maganda ka sa panahong maganda ka.
Maganda ka lalo sa mga pagkakataong masaya ka.
Maganda ka kahit sa mga sandaling pakiramdam mo ay hindi.
Ngunit lalong higit na pinakamaganda ka,
Sa tuwing alam mo kung anong dapat unahin:
Ang paglilingkod, ang pangarap, ang pamilya.


Simple lang pala ang mithiin ko.
Iparamdam ang pagmamahal na nararapat sa'yo.
Pero kahit ilang tula o salita pa
Ang pilit kong ilathala,
Walang papantay
Sa kung gaano
Kadalisay
Kabusilak
At tunay,
Ang puso kong kailanman
Ay hindi masasanay
Na hangarin ka.


Sapagkat ikaw at ang pag-iibig ay hindi nga naman pala magkaiba.
Ikaw at ang pag-iibig para sa akin ay iisa.
Ikaw ang pag-ibig ng buhay ko.
Kaya't ikaw rin ang buhay ko.

Mga Tula Ni Papa EranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon