Sa Mundong Ito... | PAPA ERAN

33 2 1
                                    

Title: Sa Mundong Ito

- - -



Masyadong maingay.
Masyadong magulo.
Masyadong maraming pagkakaiba-iba.
Masyado nang nakakapagod.

Kaya't halika na't tumigil ka.
Halika na't huminto ka muna.
Sa mundong ito na ang lahat ay gustong marinig,
Sama-sama tayong makinig.
Sama-sama nating pakinggan,
Ang malayang tunog ng katahimikan.

Ang mundo ay masyado nang maingay.
Napakaraming sumusuway.
Kaya't sa kabila ng mga bangayan at ingay,
Sa pagitan ng mga pagtatalo't pag-aaway,
Matuto kang umintindi ng tunay.
Sa buhay, mahirap na nga ang pamumuhay,
Babatikusin ka pa ng mga mata at problema, na para bang sa'yo ay unti-unting sumasalakay,
Na para bang kahit kailan hindi ka na masasanay.

Ang paligid ay masyado nang mainit.
Puno ng bahid ng mga pagpapasakit,
Mga pighati at balakid na tila baga'y sunod-sunod at magkakadikit,
Mga karamdamang hindi nagpapahinga na sa'yo ay para bang pipilipit,
Mga tanong na guguhit sa iyong kaluluwa dahil sa walang katapusang mga bakit-
Mga bagay na mapapapikit ka na lang dahil sa sobrang sakit...

Ang mundo, ay masyado nang magulo.
Wala ka pa ngang ginagawa, pero bakit parang talo na agad ako?
Sino? Ano? Paano?
Lumalaban tayo para kahit papa'no, sa huli, tayo naman ang manalo-
Pero kahit maglatag ka pa ng sandamakmak na plano,
Pagdating sa dulo ay tayo pa rin ang palaging natatalo.
Wasak na wasak na tayo...

Nakakapagod.
Pero ang mas masakit...
KAPAG SINABI MONG PAGOD KA NA,
AGAD SASABIHIN NG MUNDO NA MAHINA KA PALA!

Kaya, BABANGON TAYO.





Halika na't tumigil ka.
Halika na't huminto ka muna.
Hayaan mong ang anumang bumabagabag sayo'y saglit na mapawi-
Hayaang tunay na ngiti, ang sa matamis na labi mo ngayon ay mamuthawi...
Dahil hindi nararapat ang lungkot, na mangibabaw sa iyong sarili-
Ano mang gumugulo sa iyo ay huwag mong pahintulutang magwagi.

Sa mundong ito na ang lahat ay gusto ng sumuko,
Sama-sama tayong maging buo.
Sa mundong ito na puno ng sakit at galit, piliin mong magpagaling...
Dahil sa mundong ito, na kahit ang isip mo ay nagagawa na ring kontrolin,
Pillin mo palagi... ang manalangin.

Dahil kahit gaano pa tayo nilalampaso ng mundo,
bumulong ka lang, at sabihin mong:

SA TULONG NG DIYOS...
KAYA. NATIN. ITO.

_ _ _

Author's Note: Please listen to the recorded version of this Spoken Poetry on Spotify.

Spotify Name: Papa Talks
(Search under Podcasts and Shows)

Link:


https://open.spotify.com/episode/6x4vQJf8sTA0IJncfu6eke?si=MFJLYdGyShWqXRtrZwayhQ&utm_source=copy-link

Mga Tula Ni Papa EranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon