"Iyon po pala si Destin." Itinuro ng kasama nilang madre ang isang batang nakaupo sa gilid ng plant box. "Mabait naman po 'yang si Destin, pero walang gustong umampon."
Nakakunot ang noo ni Virgie habang nakatingin sa bata. Napakaganda ng mukha at halatang hindi purong Pilipino. May pagka-brown ang nakatali nitong buhok, maputi ang balat, makinis ang kutis, ngunit may katarayan ang mukha.
"Bakit naman?"
Napangiwi ang madreng mukhang kaedaran lang din niya. "Medyo maldita po kasi. Mabait naman po, pero matabil ang dila. Medyo . . . masungit."
"Bata 'yan, e." Ngumiti si Virgie. "Napakaganda ng mukha."
"Opo." Tumango-tango ang madre. "Anak po siya ng . . . sex worker sa isang Amerikano na umalis din kaagad ng bansa. Hindi naman niya kayang buhayin itong si Destin kasi panlimang anak na yata, hindi ko na ho maalala. Sanggol pa lang, iniwanan na rito."
Umiling si Virgie. "Mabuti naman at hindi niya ipinalaglag. Mas makabubuti ngang iniwan na lang niya rito kaysa patayin ang sariling anak. Maraming gustong magkaanak, pero hindi nabibiyayaan. Samantalang ang iba, ipinamimigay pa." Huminga siya nang malalim. "I don't mean to say this, it's just that . . . inggit na inggit ako sa kanila. Sorry."
Ngumiti ang madre at hinawakan ang kamay ni Virgie. "Naiintindihan ko po at naniniwala po kami na para sa inyo ang mga batang iniwan." Ibinalik nito ang tingin sa bata. "Six years old na po siya. Mayroon nang umampon noon kay Destin, pero isang linggo lang ang itinagal. Palasagot kasi kahit na napagsasabihan namin. Isa pa, hindi nakasundo ni Destin ang totoong anak ng umampon."
Pinanood nila ni Gani ang batang naglalaro ng maliit na manika. Gutay-gutay na ang buhok ng manika, sira ang damit, at maitim na.
Ngumiti siya nang magsalita ito na para bang pinagagalitang anak ang manikang hawak. Nakaramdam siya ng awa habang nakatingin sa paslit. Masyado pa itong bata para maranasang mag-isa. Kung sakali mang walang ibang aampon, siya na ang kukuha.
Alam ni Virgie na hindi naman sagot ang anak para mas sumaya sila ni Gani. Dalawampung taon na silang kasal ngunit walang anak dahil pareho silang may problema. Hindi sila nagbigyan ng pagkakataong magkaroon supling.
Matanda na sila ni Gani. Oo nga at maayos naman ang buhay nila, pero mayroon pa ring kulang.
"Gusto ko rin talagang magkaroon ng anak." Ngumiti si Virgie at tiningnan ang asawa. "At the age of forty-seven, gusto ko ring maging mommy. G-Gusto kong magkaroon ng inaalagaan."
Gani smiled as Virgie walked towards the little kid. Kita niya ang ngiti sa labi ng asawa. Matagal nilang pinag-usapan kung itutuloy ba nila ang pag-aampon. Financially, kaya nila. Physically, oo nga at may-edad na sila, malakas pa rin naman. Emotionally and mentally, they were ready. Hindi lang talaga sila nabiyayaan.
"Hello," bati ni Virgie sa bata. "Hi, kumusta ka?"
"Okay lang naman." Nagkibit-balikat ito at ibinaling ang tingin sa manika. "Mag-aampon kayo?"
Narinig ni Virgie na huminga nang malalim ang madre. "Destin, 'di ba, sabi ko, palagi dapat may po at opo?"
Ngumuso ang bata na ikinangiti ni Virgie. "Ano ba naman 'yan . . . po." Umiling pa ang bata. "Ayan po . . . may po na po."
Virgie pressed her lips together to contain the laughter. Even Gani had to turn around because of how the child talked. May pagkakataon pang tumataas ang kilay nito at umiirap.
"Kung hindi n'yo po ako aampunin, huwag na po tayo usap," anito na tumalikod. "Ayaw ko punta sa house tapos balik na naman ako rito. Ayaw ko gano'n."
Sa pagkakataong iyon, naramdaman ni Virgie ang hinanakit ng bata. Paslit ito, anim na taong gulang, ngunit mayroon nang ganoong pag-iisip. Nagpatuloy ito sa paglalaro ng sirang manikang.