Chapter 8

71.7K 3.5K 2.8K
                                    

Hindi mapakali si Tadhana habang nakatingin sa daanan at binabaybay ang Session Road. Gusto niyang umuwi, pero hindi puwede dahil magtatanong ang mommy at daddy niya.

"Sure ka bang okay lang sa bahay mo?" tanong ni Tadhana kay Ezekiel. "Kung hindi naman, uuwi na lang talaga ako. Sasabihin ko na lang kina Mommy na masakit ang ulo ko."

Tahimik lang si Fidel na nakaupo sa likod ng kotse ni Ezekiel at hindi naman mapakali si Tadhana lalo nang tumigil sila sa harapan ng isang sikat na pharmacy para bilhin ang kailangang bilhin.

"Paspasam!" Bilisan mo, singhal ni Fidel. "Kailangan na nating malaman kung may laman ba 'yan, Tadhana Destin. Kung ano-ano pa naman ang kinakain mo nitong mga nakaraan, uminom pa tayo noong isang araw, ukininam!"

Ilang beses munang huminga nang malalim si Tadhana bago siya nagkalakas-loob na lumabas ng kotse ni Ezekiel at pumasok sa nasabing botika. Good thing na walang masyadong tao sa loob at baka mayroong Marites na tumingin sa kaniya, dukutin pa niya ang mga mata.

Hindi na kailangang magtanong ni Hana sa pharmacist dahil nasa counter na kaagad ang iba't ibang klase ng pregnancy test kit. Sobrang dami na hindi niya alam kung ano ang bibilhin. May mga naka-sachet, mayroong naka-box.

"Ano kaya rito ang magbibigay ng negative result?" mahinang sambit ni Tadhana.

"Kung may laman, kahit ang pinakamura, magiging positive." Nilingon ni Tadhana ang nagsalita at babaeng pharmacist iyon na nag-aayos ng mga sabon sa isang aisle. "Pare-pareho namang accurate 'yan. Mapamura o mahal, kung may laman, may laman."

Hindi pinansin ni Tadhana ang sinabi ng babae. Kumuha na lang siya ng dalawang mumurahin at isang mamahalin. Tama rin naman ang babae. Kung may laman, may laman. Pero sana ay wala dahil nag-aaral pa siya.

Dumaan na rin muna si Tadhana sa may drinking water at bumili ng isang maliit na Toblerone. Pakiramdam niya, nasusuka siya, hindi naman siguro dahil buntis siya kundi dahil sa kaba.

Kaagad silang dumeretso sa bahay nina Ezekiel. Maganda ang bahay nito dahil may-kaya lalo na at police ang ama. Ilang beses na rin namang napunta si Tadhana sa nasabing bahay lalo na at palagi namang wala ang mga magulang nito.

Dumeretso sila sa kuwarto ni Ezekiel at mayroon itong sariling bathroom. Tatlong klase ng pregnancy test ang hawak niya habang nakatingin sa salamin. Mabilis na mabilis ang kabog ng dibdib niya dahil hindi siya puwedeng magbuntis. Ayaw niyang magkatotoo ang mga sinasabi ng basher niya na mabubuntis siya nang maaga at hindi makatatapos ng pag-aaral dahil nga malandi raw siya.

Sinunod ni Tadhana ang instruction na nasa likod ng packaging. Umihi siya sa cup na kasama sa mamahaling kit at pinatakan ang mga puting stick.

"Negative, negative, negative," mahinang bulong ni Tadhana habang unti-unting nababasa ang puting strip. "Ukininam, ah. Negative ka."

Tadhana tried to chant. Kung ano-anong kanta na ang sinasambit niya at tinalikuran ang lababo dahil ayaw niyang makita ang resulta. She was too afraid to face the truth that she might be pregnant.

Paulit-ulit niyang iniisip na posible ba, hanggang sa bumalik siya sa umpisa kung saan lasing sila ni Keanu at parehong hindi alam ang nangyari kinagabihan. Kung sakali mang buntis siya dahil doon, gusto niyang sabihin kay Keanu na napakagaling. Sharpshooter, hayop!

Dahan-dahang humarap si Tadhana sa lababo at tumingin sa tatlong test kits bago lumabas ng banyo.

Nakaupo si Ezekiel sa gaming chair at nakaharap sa pintuan ng bathroom habang naka-Indian sit naman si Fidel sa kama habang naghihintay kay Tadhana.

"Anya?" Ano? Fidel asked.

Sumandal si Tadhana sa hamba ng pinto hawak ang mga puting stick at kinagat ang labi. "Positive, gago."

Made in BaguioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon