Pagod na sumandal si Keanu sa living room ng bahay ng parents ni Tadhana dahil nasa bahay ng mga ito ang mag-ina niya. Tatlong araw siyang wala dahil kinailangan niyang mag-report sa Manila. He had to fix some things.
Nag-usap din sila ni Tadhana na noong mga araw na wala siya, tutuloy ang mag-ina niya sa bahay ng mga magulang nito para mayroong kasama.
Inabutan ni Tadhana si Keanu ng kape. Nagulat siya nang bigla itong tumawag na parating na sa bahay nila dahil hindi niya inaasahan dahil noong umalis, wala itong sinabi na araw na darating.
"Akala ko, magtatagal ka pa roon. Akala ko ba, kailangan mo nang pumasok sa office?" tanong ni Tadhana at naupo sa sofa kung nasaan din si Keanu. "Matulog ka na muna sa itaas. Doon na muna ako sa guest room."
Kinuha ni Keanu ang hawak niyang kape at hinipan na muna bago humigop. "Hindi ako makatulog, e. Nasanay na akong katabi ko si Sarki."
Walang sinabi si Tadhana. Nakatingin lang siya kay Keanu na naka-long-sleeved polo pa at nabanggit na galing ito ng opisina bago nag-decide na lumuwas papuntang Baguio.
"Maglinis ka na muna ng katawan mo. Kukuha ako ng damit mo sa kabilang bahay para makapagpahinga ka na. Bukas na lang tayo lumipat doon." Tumayo si Tadhana.
Akmang lalabas na ng bahay si Tadhana nang hawakan ni Keanu ang kamay niya. "Sama na 'ko," anito at nauna pang lumabas. "Kumusta pala kayo ni Sarki nitong mga nakaraan?"
"Para namang hindi kayo gabi-gabi magka-video call na mag-ama!" natatawang sabi ni Tadhana. "Okay naman si Saki. Normal routine pa rin naman. Wala namang problema."
Nakapamulsang naglalakad si Keanu at bahagyang lumingon kay Tadhana. "E ikaw? Kumusta ka?"
"Okay naman, normal," sabi ni Tadhana habang kasabay na naglalakad ni Keanu. "Sembreak ko na rin simula next week kaya wala ka nang dapat ipag-alala kay Sarki. Ako na ang mag-aalaga sa kaniya."
Hindi na ulit nagtanong si Keanu nang makarating sila sa bahay. Nag-stay na lang si Tadhana sa balcony at naupo habang hinihintay ito na kumuha ng damit. Panay na rin ang hikab niya dahil nakatulog na talaga siya, tumawag lang si Keanu.
Maya-maya, lumabas si Keanu at tumabi ng upo sa kaniya sa unang baitang ng hagdan ng apartment nila.
"Ano'ng gusto mong lunch bukas? Balak ko kasing pumunta sa palengke bukas para bumili ng gulay para kay Sarki, total wala naman akong gagawin. Magpapaluto ako kina manang," ani Tadhana. "Kumakain ka ba ng beef na may broccoli? Favorite ko 'yon, e."
"Samahan kita bukas." Tumayo si Keanu. "Tara na, inaantok na ako, promise. Sorry din, nagising kita."
Tadhana snorted and stood up. "Parang bago nang bago," sagot niya sabay hikab. "Doon ka na lang sa tabi ni Saki."
Nahiga na muna si Tadhana sa tabi ni Sarki dahil maliligo pa si Keanu. Ilang araw siyang walang tulog dahil nagloloko ang anak nila at hinahanap ang ama, pero hindi niya iyon sasabihin kay Keanu.
Nagmadaling maligo si Keanu dahil sa antok. Panay ang hikab niya habang nagmamaneho at pilit na lang nilabanan iyon makauwi lang sa mag-ina niya. Paglabas niya naman ng bathroom, naabutan niya si Tadhana na nakatagilid ng higa sa may paanan ng kama.
Tinitingnan niya ito at halatang antok na antok tulad niya.
Keanu didn't have the courage to wake her up. Kaya inayos niya ng higa si Sarki habang nasa gitna nila ni Tadhana at nahiga sa may bandang headboard. Hindi niya alam kung ilang araw siyang magtatagal sa Baguio dahil kailangan niyang bumalik kaagad ng Manila.
Hindi lang talaga niya matiis na hindi makita ang anak kaya kahit inaantok, nagmadali siyang magmaneho.
Maraming tumatakbo sa isip ni Keanu, pero alam na niya sa sarili ang priority.