Chapter 10

74.8K 3.7K 1.9K
                                    

"Ang tigas talaga ng ulo ni Tadhana!"

Nilingon ni Tadhana ang mommy niya na nagmamadaling lumapit dahil nagsasampay siya ng damit na katatapos lang niyang labhan. Nagsisimula na rin kasi siyang mag-ayos ng mga gamit ng anak dahil malapit na itong lumabas.

"Sinabi ko sa 'yong huwag kang magsusuot ng shorts, malalamigan ka! Napakatigas ng ulo mo, Tadhana Destin!" singhal ni Virgie.

Natatawang isinampay ni Tadhana ang huling lampin at tumingin sa mommy niya. "Mommy naman, kompleto talaga? Last na, papasok na ako. Ang init ng katawan ko kaya nga ako naka-shorts, e!"

"Mahahamugan ka!"

"Mommy, ang aga-aga. Ten pa lang ng umaga, hamog kaagad?" Naupo siya sa swing na nasa labas ng bahay nila. "Malapit na akong manganak, Mommy. Kinakabahan ako."

Ngumiti ang mommy niya at naupo sa katabing swing. "Huwag kang matakot, nandito naman kami ng daddy mo, e. At saka excited na tayong lahat para sa baby. Kung sakali mang kinakabahan ka, let me know. May gusto ka bang kainin?"

"Gusto ko lang ng sabaw, Mommy. Parang habang papalapit ang paglabas, para akong nasusuka na hindi ko maintindihan. Dahil ba kinakabahan ako o ano?" Nilingon niya ang mommy niya.

"Hindi ko alam, e." Umiling ang mommy niya na nakatingin sa kawalan at parang mayroong inaalala. "Gustong-gusto kong maranasang magbuntis, kaso hindi talaga ako pinalad. Mabuti na lang din at mabait si Gani. Hindi niya ako iniwanan kahit na siya, gusto ng sampung anak."

Nanlaki ang mga mata ni Tadhana sa sinabi ng mommy niya. "Shet, Mommy! Ano ka, inahing baboy?"

"Sabi ko nga noon . . ." Ngumiti ang mommy niya at tumingin sa kaniya. ". . . kung kinakailangan kong maging inahing baboy magkaroon lang ng anak, kahit isa, tatanggapin ko. Kahit na ilan pa, kahit mahirap, magbubuntis ako. Kaso, wala talaga, e."

Hindi alam ni Tadhana ang sasabihin. Nag-iisip siya kung tama ba ang oras para sa punchline o mananahimik siya dahil seryoso ang sinasabi ng mommy niya. Gusto niya itong biruin, pero nakikita niya ang lungkot sa mga mata nito.

Tadhana was about to say something when her mom looked at her. "Siguro, hindi talaga para sa akin iyon, kasi naisip ko rin naman na kung nagkaanak kami ni Gani, baka hindi kita naging anak. Kung hindi kita naging anak, e 'di boring ang buhay ko at hindi masakit palagi ang ulo ko."

Malakas na natawa si Tadhana at hinaplos ang tiyan. Wala siyang ibang masabi, pero naiiyak siya. Pregnancy made her emotional. Hindi naman siya iyakin noon, pero nang magbuntis, kahit na commercial ng Nido, iniiyakan niya. 'Apakagago.

"Ikaw ang sakit sa ulo na hinding-hindi ko pinagsisihan." Ngumiti si Virgie habang nakatingin kay Tadhana. "Hindi ko pa rin makalimutan ang unang conversation natin. Naisip ko noon, bakit? Bakit ka iniwanan? Bakit ka ibinalik? At bakit walang kumukuha sa 'yo?"

"E kasi nga, maganda ako masyado. Nasasapawan daw ang mga totoong anak nila." Tadhana tried to lighten up the mood. "At saka hindi nila ako kaya. Duh, ako pa ba? Destin lang malakas."

Ngumiti ang mommy niya at tumayo. "Bilisan mo na riyan sa ginagawa mo. Nagluto ako roon ng sotanghon. Sinabi sa akin ni Imelda, naghahanap ka raw kanina kaso wala na sa canteen. Nilagyan ko 'yon ng maraming manok."

"Sige, 'My." Sinundan ni Tadhana ng tingin ang mommy niya hanggang sa makapasok ito sa loob ng bahay. "Mahal kita, 'My," bulong niya.

Kinahapunan, natuyo na rin ang mga damit na nilabhan ni Tadhana. Ang iba roon ay regalo ng mga kaibigan niya, pero mas natawa siya sa regalo nina Ezekiel at Fidel dahil may pa-crib ang mga ito at stroller. Iba pa ang regalo ni Ezekiel na rocker para sa baby.

Made in BaguioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon