Masakit na masakit ang ulo ni Tadhana dahil sa limang araw nila sa bahay nina Keanu, hindi siya makatulog nang maayos dahil nagloloko si Sarki. Nahihirapan itong makatulog at panay ang ikot sa kama. Hindi naman niya magising si Keanu dahil sa tuwing uuwi ito, pagod na pagod at inaantok kaya hinahayaan niyang matulog.
Nakaupo si Tadhana sa sofa ng kuwarto ni Keanu at tahimik na nilalaro si Sarki nang marinig niyang gising na ito. Kaagad naman itong dumeretso sa kanila at sumalampak sa carpet para halikan ang anak.
"Gusto ko nang umuwi ng Baguio, Keanu," deretsong sabi ni Tadhana. "Kung may work ka, puwede naman kaming mag-commute. Marami namang bus pauwi ng Baguio. Sorry, gusto ko na talagang umuwi."
Nakakunot ang noo ni Keanu habang nakatingin sa kaniya. "Bakit? Nahihirapan ka na rito?"
"Medyo namamahay kasi ako. Hindi ako sanay na natutulog sa ibang bahay," pagsisinungaling niya kahit wala namang ganoong nangyayari. "May work ka pa, e. Kaya ko naman si Saki."
"Wait na lang, babalik na tayo sa Baguio." Humiga si Keanu at niyakap si Sarki. "Saglit na lang, iuuwi ko na kayo. Sorry, tiis lang nang kaunti."
Walang alam si Keanu sa araw-araw na dinaranas ni Tadhana sa mommy nito. Mga masakit na salita at mayroon pang kasamang insulto. Madalas ding nagpupunta si Jessica at nilalaro si Sarki.
"Okay ka naman ba rito sa bahay?" tanong ni Keanu habang nakapikit sa kaniya.
Matipid na tumango si Tadhana at tumayo. "Maliligo na muna ako sandali para bago ka umalis papuntang work, maayos na ako. Baka hindi na naman ako makaligo dahil nagloloko si Sarki. Ayaw pa namang magpababa."
Nararamdaman ni Keanu na umiiwas sa kaniya si Tadhana. Nagtatanong naman siya kung ano ang nararamdaman nito, pero palaging sinasabing maayos ang lahat. Naiintindihan din niya na malamang ay homesick na ito kaya gusto nang umuwi sa Baguio.
It was already seven in the morning. Naka-topless na lumabas si Keanu ng kuwarto para dalhin sa ibaba si Sarki. Malamang ay nakaayos na rin ang almusal, pero nagulat siya nang marinig habang nasa hagdan ang pamilyar na boses ni Jessica.
"Good morning," nakangiting bati nito sa kaniya nang magtama ang mga mata nila habang kaharap nito ang mommy niya.
"I invited her for breakfast," nakangiting sagot naman ng mommy niya. "She also brought your favorite pancakes na palagi mong ipinaluluto sa kaniya noon tuwing nandito siya sa bahay."
Keanu bit his lower lip. It was too late for him to go back to his room to even put a shirt on. Sanay naman siya noon pa na natutulog nang walang pang-itaas, except sa Baguio na malamig.
"Natutulog pa ba si Tadhana?" tanong ng mommy niya.
Umiling si Keanu at naupo sa dining table habang buhat si Sarki at pinakain ito ng apple. "Nope, naliligo lang sandali."
Alam ni Keanu na walang issue si Tadhana kay Jessica. Ni hindi nila napagtutuunan ng pansin na pag-usapan ang ex-girlfriend niya, but for some reason, siya na mismo ang nakakaramdam ng pagkailang. Not because he was still into his ex, but because he wanted to respect Tadhana.
Walang sila, wala silang relasyon, pero nanay pa rin ito ng anak niya.
Napalingon si Keanu nang maaninag sa peripheral view niyang bumababa si Tadhana ng hagdan. This time, she was wearing a simple, loose shirt na medyo lousy sa may boob area at ripped shorts.
Tadhana's long legs were flaunting, and the sight wasn't new to Keanu. Sanay na sanay na siya dahil kahit sa Baguio, walang pakialam si Tadhana sa damit. Kahit na malamig ay naka-shorts pa nga ito.
"Good morning," nakangiting bati ni Tadhana sa mommy ni Keanu at kay Jessica na kausap nito bago dumeretso kay Keanu. "Ako na'ng bahala sa kaniya, maligo ka na rin. Ilalabas ko muna sandali."