Third Person's P.O.V
Nakatulalang naglalakad si Akuji bitbit ang payong na ibinigay ni Sniper sa kanya. Nakasara lang ang payong at wala itong balak na gamitin para ipangsangga sa lakas ng ulan na tuloy-tuloy na bumubuhos sa buong katawan niya.
Sobrang dilim ng kalsada. Tanging mga ilaw ng poste na unti-unti na ring namamatay dahil sa sobrang lakas ng hangin at ang mga nagsasayawang puno ang siya lang makikita mo sa daan. Bawat bahay na nadadaanan ni Akuji ay hindi mo makikitaan ng liwanag. Ang kaninang maingay at maliwanag na daan ay natabunan ng kadiliman na nanggagaling sa madilim na kalangitan-- walang sawa sa pagkulog at kidlat.
Gusot-gusot na ang pulang blusa na suot-suot ni Akuji. May mantsa na ito ng dugo at masangsang na rin ang kanyang amoy. Ang balisong na hawak-hawak niya kanina ay siyang ginawa niyang pantali sa magulo niyang pagkakapusod. Walang awat pa rin sa pagdurugo ang pisngi niya na tapyas-tapyas na, gawa nang isulat niya ang pangalan ni Sniper dito.
Pabago-bago ang ekspresyon ng kanyang mukha. May oras na makikita mo siyang malawak na nakangiti at masayang kinakausap ang kanyang sarili. May mga oras rin na bigla-bigla na lamang itong iiyak at hahanapin ang kanyang lola.
"Saan na nga ba ulit ang bahay namin? Paniguradong hinahanap na ako ni lola dahil pupunta pa kami sa plaza!" binukas-sara niya ang dala niyang payong at paulit-ulit na ginawa yun habang nanlilisik ang mga mata. Ihahagis ito sa malayo at tatakbo ng matulin upang pulutin ang payong na sira-sira na.
Patakbong bumalik muli sa kinatatayuan at inihagis ito sa malayo. Tatakbo na sana siyang muli nang maisipan niyang gumuhit ng maliliit na mga kahon at nagpiko mag-isa habang kasagsagan ng malakas na ulan. Nililipad na ang suot-suot niyang blusa, maging ang buhok niya ay natanggal na mula sa pagkakapusod. Nahulog ang balisong sa may malapit na kanal, kaya napahinto siya sa paglalaro. Pinulot niya ito at tinusok-tusok sa mahapding sugat niya sa may pisngi.
"Nasaktan ka ba aking payong? Gusto mo ba ng milk? You want us to play hide and seek?" pagkausap niya sa kanyang sarili.
"Oh, you want mommy to kill more?" pagkausap niyang muli sa payong.
Hindi tinigilan ni Akuji ang pagkausap sa payong, kaya naman hindi niya napansin ang isang kambing na maligalig na tumatakbo palapit sa direksyon niya. Iyak ito ng iyak dahil tumama ang kanang gilid nito sa isang sanga na nakaharang sa may daan. Patuloy pa rin sa paghiyaw ang nakakaawang kambing habang pilit na inaabot ang natamong sugat.
Natigilan si Akuji sa pagsasalita at mabilis na nilingon ang kambing na papalapit sa pwesto niya. Pinaikot-ikot nito ang hawak niyang balisong at ibinuka ang dalawang braso upang salubungin ang humihiyaw na kambing. Sa paglapat ng kanilang mga balat, bigla na lamang bumagsak ang nanghihinang kambing sa maputik na daan. Nanginginig ito at napatirik ang mata habang palakas na palakas ang hiyaw. Tila nasiyahan si Akuji sa sinapit ng kambing, kaya mas lalo niyang idiniin ang balisong sa parte na may sugat ng katawan nito at ipinaikot-ikot ang balisong hanggang sa hindi na niya marinig ang hiyaw ng kambing.
"Napakaingay mo kasi... ayan tuloy narinig kita."
Umupo sa putikan si Akuji at pinagmasdan ang kambing na nakabulagta sa daan. Lumapit siya rito at hinalikan ang kambing sa may noo. Bigla itong umiyak na parang isang bata habang nakalabas ang dila't natatawa. May nakita siyang bato at agad itong kinuha upang malakas na ihampas sa ulo ng kambing. Hindi niya tinigilan ang paghampas, kahit na naliligo na ang kambing sa sarili nitong dugo. Pulang-pula na ang palad nito at nagsugat-sugat na, pero patuloy pa rin siya sa paghampas.
"Pagmamay-ari ko si Sniper! Akin siya! Akin siya! Akin siya sabi!"
Nagtalsikan na sa buong mukha niya ang dugo na nagmumula sa kambing. Mabilis itong yumuko at ininom ang sariwang dugo ng kambing. Pinaikot-ikot nito ang dila sa may parteng may sugat ng hayop, kinagatan at nginuya ang kapirasong laman na may kasamang balahibo. Napahalakhak ito at tuluyang kinain ang kambing, binali ang buto at sinipsip na ang bawat parte na para bang gutom na gutom ito.
"Gusto ko pa... gusto ko pang kumain... sariwang laman at dugo!" nanginginig na sambit ni Akuji habang umiiyak na nilalantakan ang lamang-loob ng kambing.
Nakamasid lamang si Sniper sa may likod ng puno. Nakapikit na pinakikinggan si Akuji na masayang nilalantakan ang patay na kambing.
Dinala ni Sniper ang lola ni Akuji sa hospital at mabilis itong umalis upang siguraduhin na nakauwi ito ng ligtas. Hindi niya hinahayaan ang kanyang sarili na makita ni Akuji. Gusto lang niya na bantayan si Akuji mula sa malayo. Napatakip siya ng bibig at nasuka nang makita niya kung paanong patayin at kainin ni Akuji ang kambing na nanggaling sa kagubatan. Hindi siya makapaniwala na ang malambing at magalang na si Akuji ay may tinatagong malagim na katauhan.
"A-Anong... bakit n-nagkaganyan ka?" bulong ni Sniper sa sarili habang nakatitig pa rin kay Akuji na nagsimulang maglakad muli.
Nanigas sa kinatatayuan si Sniper nang makita niyang napahinto si Akuji sa paglalakad. Bumaligtad ang ulo at mga kamay nito na ngayon ay nakasayad sa may maputik na sahig. Nakatingin sa direksyon niya ang mga mata niyang nakabalitad rin at duguan ang bibig. Laking pasasalamat ni Sniper at agad siyang nakapagtago sa likuran ng puno bago pa siya makita nito.
Napabuga siya ng hininga at hinihingal na bumalik sa pagkakasandal sa puno at mariin na pumikit. Pinipilit ang kanyang sarili na makalimutan ang senaryo na akala niya ay sa isang palabas niya lang mapapanood. Hindi niya akalain na sa kabila ng natuklasan niya, nakakayanan pa rin niyang ngumiti sa tuwing lalabas ang imahe ni Akuji sa kanyang isipan.
Nang idilat ni Sniper ang kanyang mga mata, napagpasyahan niyang tignan muli kung naglakad na nga ba pauwi si Akuji. Nang lumabas siya mula sa pagkakatago sa puno, ay siya namang pagsalubong ni Akuji kay Sniper. Nakangiti itong nakatayo malapit sa kinatatayuan niya at nakalagay ang dalawang kamay sa likuran nito. Gulat na iginala ni Sniper ang kanyang mga mata sa kabuuan ni Akuji. Malinis na ito, wala na ang mantsa ng dugo na nanggaling sa kambing, at maayos na rin ang kanyang itsura.
Hindi mo mahahalata na pumatay ito...
"Hi, kuya Flynn! Ano pong ginagawa niyo sa likuran ng puno?" nakangiting tanong ni Akuji.
"Uh, ehem-- naglalaro ako... Tama! Naglalaro ako ng tagu-taguan!" pilit na tumawa si Sniper at napaiwas ng tingin.
"Ang lakas po ng ulan. Kaya, sino naman po ang makikipaglaro sa inyo?" nagtatakang tanong ni Akuji.
"Oo nga no? Alam mo na ngang malakas ang ulan, pero hindi mo pa rin ginamit ang ipinahiram kong payong!" pag-iiba ni Sniper ng topic.
Nabigla si Akuji sa biglaang pagtaas ng boses ni Sniper, kaya naman malungkot itong napayuko.
"Hindi niyo naman po ako pinahiram ng payong."
Nagtatakang napatingin si Sniper sa mga kamay ni Akuji. Wala itong dalang payong.
"Nasaan na ang ibinigay ko sayo kanina sa plaza kung gano'n?"
Napaangat ng tingin si Akuji at naguluhan.
"Nagkita po tayo sa plaza?"
"Oo! Hindi mo naaalala?"
Napailing-iling si Akuji at pinilit na inalala ang mga nangyari kanina. Wala siyang maalala na nagpunta siya ng plaza. Hindi niya rin alam kung bakit naglalakad siyang mag-isa sa daan habang malakas na umuulan.
"W-Wala po akong maalala..." kumunot ang noo ni Akuji at tumingin sa daan na pinanggalingan niya.
"Hindi ko rin po alam kung bakit nando'n ako kanina," turo niya sa madilim na daan, kung saan siya nakatayo kanina at pinatay ang kambing.
Tinignan rin ni Sniper ang direksyon na itinuro ni Akuji. Naguguluhan na tinignan ang pinangyarihan ng pagpatay niya sa kambing pabalik sa kanya na sobrang linis ng itsura.
"Huwag mo ng isipin yun. Tara na, iuuwi na kita."
Hinawakan niya ang palapulsuhan ni Akuji at mabilis silang tumakbo papalayo sa lugar na iyon. Kapwa nakangiti sa isa't isa at dinaramdam ang malakas na ulan, hindi alintana ang malamig na tubig na dumadausdos sa kanilang mga katawan.
YOU ARE READING
One Shot of Yesterday's Candlelight
Mistério / SuspenseA Psychological Romance - Mystery/Thriller Novel Monopolize Antidote is a kind of drug that can melt someone's body who will be inject by the use of it. It was made by the shrouded family of Balenciaga who experiment a lot of drugs and illegal medic...