Akuji's P.O.V
September 23, 2018.
Isang maulan na Linggo na naman! Nanggaling ako kanina sa may sinehan dito lang malapit kila Kyla para silipin kung nag-uumpisa na ba ang inaabangan kong film na pinamagatang "One Shot of Yesterday's Candlelight" na ipapalabas na sa araw na ito. Buong araw ata akong naligo sa ulan para masiguro kong wala nang matitirang libag sa buong katawan ko, kasi tiyak na pagkakamalan akong pulubi ng guard sa sinehan kung haharap ako sa kanila na ganito ang itsura ko. Ang mas masaklap pa ay palabasin ako sa sinehan.
"Tsk! Nagpaalam naman ako kay Satanas na kukunin ko yung ticket sa bulsa nung guard ha," napa make face ako nang maalala ko na naman yung pagpapahiya sa akin ni manong guard.
Grabe ang galit kanina ni manong guard nang malaman niyang kinuha ko lang ang ipinuslit niyang ticket na nakalagay sa may bulsa niya.
Pinukaw ng pelikulang ito ang interes ko sapagkat grupo ng mga bata ang writer, producer, at director ng nasabing pelikula. Sila pa lang ata ang kauna-unahang nakagawa ng film at naipalabas ito sa buong mundo sa edad na sampu. Ang pelikula ay tungkol sa mga taong may ikinakaharap na disorder sa utak na ninirahan sa isang bayan na may sumpa. Dahil sa sakit na kanilang tinataglay, kung ano-ano na ang mga inilikha nilang tao, bagay, lugar, maging mga gamot na siyang nagpagulo lalo sa bayang tinitirhan nila. Napakaraming tao ang nasawi sa bayang iyon at hindi na nabigyan ng lunas ang iba't ibang uri ng sakit nila sa utak.
"Balang araw mapapanood at malalaman ko rin ang buong kwento ng pelikulang 'yon!" napahagikgik ako nang inimagine ko ang sarili kong isa sa mga character sa "One Shot of Yesterday's Candlelight". Itinabi ko na ang poster ng pelikula na bigay ng guard kanina sa akin bago ako palabasin ng sinehan at pumasok na sa loob ng bahay namin.
Kaarawan ngayon ni lola Josefina, parehong araw ng pagkamatay ni lola Herlitta.
Isinuot ko ang pulang blusa na iniregalo sa akin ni lola Herlitta nung nabubuhay pa siya. Siya mismo ang nagtahi nito, upang iregalo sa mismong graduation ko kaya naman sobrang iningatan ko ito. Sampung taon na rin ang lumipas simula nang mangyari ang bangungot na gabi-gabi ko na lamang napapanaginipan. Ang pangyayari na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan. Ang pangyayari na basta na lamang nilang ibinasura at kinalimutan.
Hustisya? Kalokohan.
Pinagmasdan ko ang aming larawan na pinasadya kong ipaukit sa isang kaibigan na malapit sa akin at napagpasyahan ko itong ilagay malapit sa aking tinutulugan. Kasabay nang pagpatak ng aking mga luha ang hangin na bigla na lamang umihip, nakakapangilabot. Nagpatay sindi ang ilaw sa may kusina at bigla akong nakaamoy ng masangsang na dugo, kaparehong amoy noong gabing binaril si lola Herlitta.
Napalingon ako sa may pintuan na gawa lamang sa plywood na napulot ko sa kalakal kahapon. Bigla na lamang itong lumangitngit na para bang may taong bumukas nito at padarag na sinarado, dahilan nang pagbagsak ng mga dekorasyon na aking pinaghirapang kunin sa dump site. Lalapit na sana ako sa may pintuan nang bigla na lamang namatay ang ilaw na kanina pa nagpapatay sindi.
"Tangina, ang dilim!" napayakap ako sa dalawa kong braso at tahimik na nagdasal, ".... l-lola naman, ako lang mag-isa dito-- huwag naman kayong m-manakot, oh!" nanginginig kong sambit.
Malas naman oh! Bigay nga lang ni Rowena yung ilaw na 'to eh. Kailangan ko na sigurong mag-ipon para makabili ako kahit yung mumurahin na ilaw sa may palengke. Hindi bale na, aagahan ko ang pagbaba ng bundok bukas upang mangolekta ng mga basura nang sa gayo'y hindi ako mamatay sa takot dito. Ni hindi ko nga alam kung brownout ba o dala lang ito ng malakas na hangin, dahil sa may bagyo ngayon.
Simula nang mamatay si lola Herlitta ay lumayo ako sa lugar na iyon at naging isang ganap na palaboy dito sa Maynila. Walong taong gulang ako nung naging ulila ako. Walang bahay na masisilungan, walang pagkain na pupunan ang tyan kong segu-segundo na lamang kumakalam, walang laruan na magpapasaya sa akin kahit panandalian lang, walang kaibigan na malalapitan sa oras na binabagabag ako ng takot at pangamba. Ngunit, maswerte na siguro ako at nakatagpo ako ng isang tao na nagparamdam sa akin kung paano mahalin at alagaan muli. Mga bagay na akala ko ay hindi ko na kailanman pang mararamdaman.
Lola Josefina...
Ang nagbigay sa akin ng tirahan dito sa itaas ng bundok. Ang nagsikap magtrabaho maituwid lang ako sa gutom. Tinulungan niya rin akong makalimot at unti-unting tanggapin ang hamon ng kasalukuyan. Ang naging sandalan ko sa tuwing ipinapaalala sa akin ng nakaraan ang lahat ng mga paghihirap ko sa panahong iyon.
Kaarawan...
Oo nga pala! Kailangan ko pang bumaba ng bundok para mabisita ko muli si lola Josefina. Kaso, hindi ko maigalaw ang mga paa ko. Para bang may pumupigil sa akin upang hindi makakilos.
"Patawarin mo na siya apo," boses ng isang matanda ang lumukob sa kaliwa kong tenga. "Ang lalaking nakaitim na sumbrero," pagpapatuloy niya.
Nanlamig ako. Hindi ko magawang ihakbang ang aking mga paa para abutin ang switch ng ilaw na ilang hakbang nalang ay mapipindot ko na.
Kilala ko ang boses na yun.
Paglingon ko sa may kaliwa ko ay siyang pagbukas naman ng ilaw. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang larawan namin ni lola Herlitta na unti-unting nilalamon ng apoy.
"Pa-paanong nasunog itong larawan namin ni l-lola?" mahinang bulong ko sa hangin, hindi makapaniwala sa nakikita.
Wala kaming mga kagamitan dito na ginagamitan ng kuryente, kaya naman hindi nagkakasunog dito. Ang ipinagtataka ko pa ay kung bakit bigla na lamang umapoy ang larawan namin ni lola.
Kumuha ako ng kapirasong tela sa may plastic at agaran ko itong ipinagpag, para mamatay ang apoy. Ngunit, kahit anong pagpatay ko sa apoy ay hindi pa rin ito namamatay. Bagkus, mas lalo pa itong umapoy hanggang sa tuluyan na itong naging abo.
Anong ibig sabihin nito?
YOU ARE READING
One Shot of Yesterday's Candlelight
Misteri / ThrillerA Psychological Romance - Mystery/Thriller Novel Monopolize Antidote is a kind of drug that can melt someone's body who will be inject by the use of it. It was made by the shrouded family of Balenciaga who experiment a lot of drugs and illegal medic...