Kinakabahan ako. Hindi ko alam kung sisiputin ako ni Avi. Ipinaubaya ko kay Clarisse ang lahat ng paghahanda sa araw na 'to. Simula sa mga equations at formulas, sa pagpapadala ng morse code at pagpapapunta kay Avi dito. Simple lang naman para sa akin ang lahat ng 'yon. Alam kong matalino si Avi kaya masasagutan niya lahat ng pinadala ko. Sa totoo lang, kahit sinong makakuha ng ipapadala ko ay makakukuha ng sagot. Maliban na lang siguro sa morse code. Ang paraan kung paano kaming mag-usap na kaming dalawa lang ang nakakaalam. Patagal ng patagal, palala ng palala ang kabang nararamdaman ko. Kapag hindi nakarating si Avi dito, isa lang ang ibig sabihin noon. Kailangan ko ng pigilan ang nararamdaman ko.
“Alis na ko, Pa.” hindi ako mapakali. Dati naman ay madali lang sabihin ang 'papasok na po ako', hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko masabi iyon ngayon. Napatingin ako sa hinahalungkat ni Papa. “Ano 'yan, Pa?”
“Ah, ito? Mga gamit ng Mama mo. Nakatabi ito sa kwarto ng ate mo, ibinigay niya sa akin kanina. Na-miss kong bigla ang mama mo, 'nak.” tumabi ako ng upo kay Papa. “Hindi ka ba male-late?”
“Hindi po,” hindi kasi ako papasok, Pa. “gusto kong makita mga gamit ni mama.” Hindi ko masyadong maalala si Mama. Siguro dahil masyado pa rin akong bata ng mawala siya. Si Ate Gab na kasi ang nakagisnan kong nag-aalaga sa akin. Ang tanging alaala ko kay Mama na hindi ko makalimutan ay ang paghawak niya sa kamay ko sa harap ng matayog na puno ng mangga. Hindi na masyadong malinaw sa alaala ko ang pangyayari pero ang init ng palad ni Mama, ang maingat na paghawak niya sa akin, doon ay naramdaman ko ang pagmamahal niya. Ang paborito kong alaala kasama si Mama.
Napangiti pa ko ng maalala ko 'yon ng may isang litratong pumungaw sa atensyon ko. Ang litratong hawak ni Papa. “'Yan, 'yan 'yong naiisip ko ngayon lang. Puno ng Mangga. Dinala ko dyan ni Mama. Saan 'yan, Pa?”
“Naalala mo ang puno, pero hindi mo maalala ang lugar. Ikaw talaga anak.” tatawa-tawang sabi ni Papa. “Titigan mong maigi, 'nak. Maiisip mo 'yan.”
Pilit kong inalala kung saan ko nakita 'yong puno pero hindi ko talaga mapiga. “Pa, 5 years old lang ako ng mamatay si Mama. Hindi ko talaga maalala.”
“Siya, siya.” huminto ito sa pagtawa. “Lumabas ka ng bahay. Maglakad-lakad ka. Pagdating mo sa kanto ay kumaliwa ka.”
“Sa Eskinita?”
“Lumakad ka roon. Sa bandang dulo, sa gawing kanan, may malaking gate doon. Ikatlong bahay sa dulo. Tignan mo kung nandoon pa.”
Nagmamadali akong tumakbo palabas. Bigla kong naalala si Papa nang narinig ko ang halakhak niya. Nagmano ako at nagpaalam na aalis. Tinakbo ko ang papunta sa puno ng mangga. Dito yata ako dapat magpunta.
“Ingat, 'nak. Dahan-dahan ka lang. Hindi naman aalis 'yan. Nagawa ka nga hintayin ng dalawang dekada.”
Hingal na hingal ako ng makarating ako sa lugar na kinatatayuan ng puno. Nandoon nga ito, malapit lang sa amin. Sa ikatlong bahay sa dulo makalampas sa Eskinita. Makalipas ang dalawampung taon, ganoon pa rin ang puno. Matayog, hitik ang mga bunga, matatag sa kabila ng lahat ng pagsubok na pinagdaanan nito.
Ma, binantayan mo ba 'tong puno para sa araw na 'to? Naramdaman ko ang pagdampi ng hangin sa mukha ko. Pakiramdam ko hinaplos ako ni Mama. Naiiyak ako. Dito nagsimula ang lahat. Dito kami dapat magkita. Dito kami unang nagtagpo.
“Avi?” napangiti ako. Ang sarap pakinggan ng pangalan ko kapag siya ang nagbabanggit. Nakatayo siya sa likuran ng puno. Nakatago sa kung sinuman ang mapapadaan sa lugar na 'to. Baka kaya hindi ko siya napansin agad kanina.
“Oo, Case. Nandito na ko. Nakarating ako sa lugar na sinabi mo. Napuntahan na kita.”
Pinipigilan ko ang sarili kong takbuhin siya. Hindi ako makapaniwala na nandito siya ngayon. Sa harap ko. Dumating si Avi. Dumating ang babaeng mahal ko.
BINABASA MO ANG
Real Sisters Trilogy: The Second Best
Romance"Sige, Mavis. Pangalawa ka na naman? Lagi na lang." ×××××××××××××××××××××× Kapag sinabi mong second best, si Mavis Colleen ang unang-una na papasok sa isip mo. Kung hindi ba naman talaga sobrang mapagbiro ng tadhana, lagi na lang siyang number two...