12

40 4 9
                                    

“Ms. Colleen, buti bumalik na kayo. Ang dami pong tao sa office ninyo.” natatarantang sinalubong siya ng intern nilang si Megan. Si Megan ay nakatoka bilang assistant secretary niya ngayong linggo. Wala kasing mapalagyan dito kaya kung ano-ano lang ang pinupwestuhan nito para lang matapos ang working hours na requirement nito for OJT. “Sinubukan ko naman po silang pigilan pero ayaw po nilang lumabas. Naka-lock naman po office ni Sir Julian kaya po nag-iingay po sila sa labas para po makita si Sir Julian.”

“Nasaan si Case?” tanong niya rito. Rinig na rinig ang nagtatalong boses ng dalawang babae sa labas ng opisina niya. Sigurado siyang may magrereklamo sa HR mamaya dahil sa ingay na nagmumula sa mga ito. Nagmamadali siyang pumasok sa opisina niya at tumambad sa kanya ang sampung nagtatangkarang hipon. Ay, babae pala.

“Megan, nasaan si Case?”

“Hindi ko po alam, Ms. Colleen. Sorry po. Huli ko pong nakita si Sir Julian kasunod niyo. Noong lumabas po kayo, nasa likuran niyo po siya. Sinundan po kayo. Akala ko nga po may meeting kayo.” natatakot na sagot nito sa kanya.

“Case? Case, buksan mo 'yong pinto. Julian Case Dionisio!” kinalampag ni Avi ang pinto nito pero wala siyang naririnig ni mahinang kaluskos sa loob ng opisina nito. “Huwag mo kong bwisitin, Dionisio. Buksan mo na 'to.”

“Nasaan si Julian, miss?”

“Huwag niyo na itago si Julian. Ilabas niyo na siya.”

“Sino ba kayo? Bakit hinahanap niyo 'yong boyfriend ko?”

“Excuse me?! Sa itsura mong 'yan, tingin mo papatulan ka ng 'boyfriend' ko?”

“Ms. Colleen, wala po talaga dyan si Sir Julian. Lumabas po talaga siya. Sumunod siya sa inyo.” nanginginig na sabi ni Megan sa kanya.

“Bakit hindi mo pinigilan, Megan?” naiinis niyang sagot dito. Napapikit siya bago humugot ng napakalalim na buntong-hininga. “Sorry, Megan. Saan mo nakita si Case pagkatapos niya sumunod sa akin?”

“Sino ba 'to? Bakit naman siya susundan ng Julian ko?!”

“Ang feeling, ah? Itsura pa lang, hindi ka na tatapunan ng tingin ni Julian. Huwag kang mag-maganda.”

Hindi pinansin ni Avi ang mga komento ng mga ito sa kanya. Dali-dali siyang lumapit sa mesa niya para kunin sana ang susi ng opisina ni Julian ng may isang babaeng humarang sa kanya.

“Sino ka ba sa tingin mo, ha? Akala mo ba maganda ka? Bakit mo tinatago si Julian sa amin?”

“Oo nga. Tignan mo nga 'yang itsura mo. Mukha kang cheap. Hinding-hindi ka papatulan ni Julian. Wake up!”

“Girls, baka akala niya maganda siya. Hayaan niyo na lang. Si Julian lang naman ang ipinunta natin dito.”

“Mga ma'am, baka po pwedeng lumabas na po sila dito. Mapapagalitan po kami ng HR. Masyado na po tayong nakakagulo sa mga nagta-trabaho.” pakiusap ni Megan sa mga ito. Ang kaso, si Megan naman ang pinagbuntunan ng mga ito.

“Ikaw, bata... salingkit ka lang dito. Matuto kang lumugar kung nasaan ka. Hindi ka dapat sumasabat sa usapan ng may usapan.” sabi nung hipon na naka-pulang bestida na hapit na hapit sa katawan nito. Itinulak pa nito si Megan paupo sa sofa na nagsisilbing waiting area ng opisina niya.

“Pwede bang huwag niyo idamay si Megan sa ka-cheap-an niyo? Pati 'yong batang nagta-trabaho pine-perwisyo niyo.”

“Hoy, babaeng tingting! Kung sino ka mang feelingera ka na makasigaw ng pangalan ni Julian, hindi ka maganda. Nakakairita 'yang mukha mo. Kung ayaw niyo ng maingay dito ilabas niyo si Julian. Hindi 'yong itatago niyo siya ng alalay mo.”

“Kapal ng blush on mo! Kasing kapal ng mukha mo.” sigaw niya sa sobrang bwisit dito.

“Aba't, walang hiya ka—”

“Bitawan mo siya, Helga.” dumagundong ang boses ni Case sa buong opisina. Parang napapaso na binitiwan siya ni hipon na makapal ang blush on. “Julian, it's not what you think.”

“Babe, ayos ka lang.” napanganga si Avi ng deretsong lumapit sa kanya si Julian. Hinawakan nito ang mukha niya. Pati na rin mga braso niya. Sinisipat nito ang buong katawan niya. Pakiramdam niya ay sobrang pula na ng mukha niya. Hindi niya maintindihan kung bakit parang naiilang siya kay Julian. “May masakit ba sa 'yo, sinaktan ka ba nila?”

Ang bilis ng tibok ng puso niya. Nakatanga lang siya sa gwapong mukha nito. Ibinuka niya ang bibig niya pero walang lumabas ni isang salita sa bibig niya.

Ang gwapo ni Julian. Ang ganda ng mga mata niya. Bagay sa kapal ng kilay niya. Ang tangos tangos pa ng ilong niya. Tapos 'yong lips niya... bakit ganoon? Bakit parang gusto niya kong halikan? Bakit parang ang lambot ng labi niya?

“Babe, bakit ka umiiyak? Tahan na.” hinigit siya nito payakap. Ang higpit ng yakap ni Julian ay kasabay ng pagsinghap ng hindi lang yata sampung tao. Pati yata siya?

Bwisit! Bakit ang sarap sa pakiramdam ng yakap niya?

Naramdaman ni Avi ang panginginig ng katawan niya. Hindi niya napigilan ang sarili niyang umiyak. Umiyak siya habang yakap yakap siya ni Julian.

“Ssshh. Stop, babe. Ayaw kong nakikita kang umiiyak.”

“Hindi mo naman ako nakikita. Nakayakap ka kaya sa akin.”

Narinig niya ang mahinang pagtawa nito. Bumitaw ito sa pagkakayakap sa kanya. Gusto pa sanang habulin ni Avi ng yakap si Julian ng bigla nitong pinahid ang mga luha niya. Wala nang pakialam si Avi kahit gaano karaming babae ang nakatingin sa kanila ngayon. Ang naiisip niya lang ay si Julian. Ito at ang mabilis na pagtibok ng puso niya.

“Umalis na kayo. Hindi niyo dapat sinaktan si Mavis. Hindi niyo dapat sinaktan ang girlfriend ko.” narinig ni Avi si Megan na biglang napahiyaw ng 'OMG!'. Pero kahit napakarami ng reaksyon na naririnig niya sa paligid, wala siyang ibang pinagtuunan ng pansin maliban sa gwapong mukha ni Julian na nakatitig pa rin sa kanya hanggang ngayon.

“Wala kayong karapatan na laitin o insultuhin si Mavis kasi girlfriend ko siya. Maganda siya. Mas maganda pa kaysa sa inyo. Kaya umalis na kayo. Huwag na kayong babalik dito.”

“Are you blind? Nasaan ang maganda?”

“Nandito.”

Nanigas ang buong katawan ni Avi.

Hinahalikan niya ko!!!

Real Sisters Trilogy: The Second BestTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon