CHAPTER TWELVE

6 1 0
                                    

"L-Lola..."

Napahalakhak ako nang makapasok sa kwarto ni Reese. Ilang sandali lang kaming nag-usap ng mama niya at mabait naman pala siya. Nagpaalam din ako na bibisitahin si Reese pero pagkapasok ko, mukha pa siyang nagulat. Nilagay ko ang kamay ko sa bulsa ng jacket ko at pinagmasdan siya habang nakahilata sa higaan niya. Hindi pa rin makapaniwala ang mukha niya.

"Hindi ka daw kumakain sabi ng mama mo. Bakit hindi ka kumakain?" Tanong ko at hinila ang upuan palapit sa higaan niya. Bumuntong-hininga naman siya saka umiwas ng tingin.

"May sakit siguro ako kaya wala akong ganang kumain."

Pilosopo amputa. Hindi ka sana gumaling.

"Ayan, kaka-computer mo 'yan, animal ka. Punta ka ulit do'n kapag magaling ka na, ha? Oo, samahan pa kita. Ako pa magpukpok ng keyboard sa mukha mo." Nakakainis kasi. Parati na lang computer at cellphone ang inaatupag. Ayan, nagkasakit! Paalagain.

"Hindi na nga. Gagalit ka na agad, Nanay Lola." Ngumisi pa siya na ikinasama ng mukha ko.

"Tangina mo ka. Maghintay ka d'yan, manghihingi lang ako ng pagkain sa baba. Kapag hindi mo kinain 'yun, isusungalngal ko sa'yo 'yung mangkok, makita mo." Mahina lang itong tumawa saka tumango.

Lumabas ako ng kwarto niya saka pumunta sa baba. Sinabi lang sa'kin ng mama niya na kapag may kailangan daw, kuhanin ko na lang sa baba. Naabutan kong nagluluto ang mama niya sa kusina at nang makita ako nito, inaya niya pa akong tikman ang niluto niya.

"How is it?" Tanong niya. Hindi ko alam kung sasabihin ko bang medyo maalat kasi baka magalit. "Kulang ba sa alat?"

"Ah, hehe, m-medyo maalat po." Ang awkward naman. "Pero ayos naman po!" Bawi ko agad. Narinig ko naman ang mahinang pagtawa niya.

"You think so?" Ngumiti pa siya sa'kin saka dinagdagan na lang ng tubig ang niluluto niya.

Sa totoo lang, ngiti lang ata ang nakuha ni Reese sa kanya. Saka mata. Kapag tiningnan mo sa malayo, hindi mo mahahalatang mag-nanay sila kasi hindi naman sila magkamukha. Pero siguro kapag nakangiti sila, may pagkahawig namin.

Nang matapos ang niluluto, nagpresenta ako na ako na lang ang maghahatid kay Reese na hindi niya naman tinanggihan. Pakiramdam ko tuloy, nakikisawsaw ako sa pamilya ni Reese. I mean, dapat mother niya ang nag-aalaga sa kanya para magkaroon sila ng bonding.

Wow, ginawang bonding ang pagkakasakit, sana all.

"Mama mo nagluto na 'to kaya ubusin mo." 'Yun agad ang binungad ko kay Reese pagkapasok ko sa loob. Naabutan ko siyang nakasandal sa headboard ng kama niya habang nakatakip ang kalahati ng katawan.

"Nagluto si Mama?"

"Paulit-ulit?" Tinaasan ko siya ng kilay na ikinatawa niya ng mahina. Nilapag ko sa side table ang pagkain at gamot niya. Sosyal naman talaga ni BFF. "Ayan, kainin mo 'yan. Dapat bukas magaling ka na para pwede ka nang pumasok sa susunod na araw. Hihingiin ko na lang mamaya sa mama mo 'yung excuse letter mo. Dalian mo kumain para makauwi na ako."

"Hihintayin mo'kong matapos?" Inabot nito ang pagkain niya.

"Oo, kaya dalian mo at ayaw kong nagugutom." Saad ko at pinagkrus ang mga braso. "At gusto ko ding makita na inubos mo talaga ang ginawa ng mama mo. Kapag hindi mo inubos 'yan..." Pinanliitan ko siya ng mata. "...edi wow sa'yo."

Tumawa na lang siya saka sinimulang kainin ang binigay ko. Ako naman ay nilibot ang paningin sa kwarto niya. Para namang hospital room 'tong kwarto niya. Kulay white ang dingding, cream naman ang kulay ng kurtina niya. Brown naman ang mga cabinets at table, tapos kulay dirty white ang sofa. Kulay puti din ang mattress ng higaan niya, mga unan at kumot. Ang linis ng tingnan ng kwarto niya pero siya — nevermind.

Chos. Sama naman ng ugali ko kay Reese.

Nagpatuloy lang ako sa paglilibot ng kwarto niya habang siya ay patuloy lang sa pagkain. Sinusundan niya lang ako ng tingin na akala mo naman ay may nanakawin ako sa kwarto. FYI! Hindi ko kailangan ng mga 'to sa bahay.

Napatingin ako sa kanya nang ilapag niya ang pinagkainan niya sa table niya. Hindi siya nakatingin sa'kin kaya malaya kong mapagmasdan ang mga kilos niya. Ininom niya lang 'yung gamot na binigay ko sa kanya kanina.

"Oh, tapos ka na?" Tanong ko. Tumingin naman ito sa'kin saka tumango. "Sige, matulog ka na. Magpahinga ka, hihingi na lang ako sa mama mo ng excuse letter. Ibababa ko na 'to. Uuwi na din ako. 'Wag kang papasok bukas, ha? Ipapasampal kita kay Xia, makita mo."

"Para namang kaya akong sampalin n'on. Ang guwapo ko lang para sampalin." Inirapan ko lang siya.

"Kaka-computer mo lang 'yan."

Pagkatapos kong ibaba ang pinagkainan ni Reese, nagpaalam na ako na uuwi na't bibisita na lang bukas. Sinabi pa ng mama niya na do'n na ako kumain pero ang sabi ko'y hinihintay ako ni Papa kasi sabay kaming kakain.

Pagdating ko sa bahay, naghihintay si Papa sa akin sa balkonahe. Tinanong ko siya kung kumain na siya pero tinawanan niya na naman. Siraulo talaga si Papa kahit kailan kapag tinatanong. Alam ko na tuloy kung kanino ako nagmana.

"Kumusta si Reese?" Pagkaupo ko pa lang, si Reese agad ang hinahanap. Inisip ko naman ang kalagayan niya kanina.

"Medyo maayos naman na siya, Pa. Nakalimutan ko palang kuhanin 'yung excuse letter niya." Napatampal ako ng noo nang maalala ko ang letter.

"Daanan mo na lang bukas, gabi na, 'nak." Tumango na lang ako sa kanya at nagpatuloy sa pagkain.

Pagkatapos ay nagpresinta na akong maglinis at pinagpahinga na si Papa. Sa ngayon, 'yun palang ang kaya kong gawin, ang tulungan siya sa mga gawaing bahay.

Kung nandito lang sana ni Mama, malamang ay ibang-iba ang buhay namin ngayon ni Papa. Hindi ko nga alam kung nasa'n na siya ngayon. Hindi ko na rin tinanong kay Papa kung nasa'n siya. Basta ang huli kong naaalala, iniwan niya akong mag-isa. Walang rason, walang bilin. Walang paalam.

Dahil ba napagod siyang mag-alaga sa'kin? Baka naman ayaw niya sa'kin? O baka hindi niya naman talaga gustong magkaroon ng anak.

Minsan nga iniisip kong patay na ang tunay kong nanay dahil mas madaling tanggapin 'yun kesa sa katotohanang buhay pa siya pero never ko siyang makakasama dahil in the first place, ayaw niya akong kasama.

Nang matapos ang paglilinis ko sa kusina, napagdesisyunan kong umakyat na sa kwarto ko. Malamang naman ay nai-lock na ni Papa ang mga pinto.

Pagkapasok ko pa lang sa kwarto ko ay tinalon ko kaagad ang higaan ko. Wala naman akong ginawa pero nakakapagod sa pakiramdam. Panahon na siguro para maging carrots.

"Joke ba 'yan?"

Minulat ko ang mata ko at nakita ko ang grade 7 na Reese na nasa harapan ko. Nakangiti siya sa'kin pero magkasalubong ang kilay niya.

"H-Hindi. Totoo 'yun. Crush talaga." Pakiramdam ko ay umakyat lahat ng dugo ko sa katawan nang tumawa siya.

"Lola, alam mong kapatid na ang turing ko sa'yo. Baka naguguluhan ka lang." Tinapik niya pa ang ulo ko. "Hindi mo ako crush. Nasanay ka lang na kasama ako."

"Gan'on?" Tanong ko sa kanya.

"Oo naman! Minsan nga nararamdaman ko din 'yan pero hinahayaan ko lang kasi bestfriend tayo. At ang bestfriend, hindi talo!" Awkward lang akong sumabay sa tawa niya.

Pinikit ko ang mata ko at nang muling magmulat, bumungad sa'kin ang kisame. Tinitigan ko lang ito habang paulit-ulit na sinasabi sa sarili na hindi ako pwedeng mahulog sa bestfriend ko. Lalo na kay Reese.

Pero hindi ko kaya. Dahil hindi totoong naguguluhan ako. Dahil hindi totoong nasanay ako na lagi siyang nasa tabi ko. Dahil ang totoo, sinanay ko ang sarili kong nandiyan siya.

Dahil mahal ko siya.

HS3: Bestfriend Rule No. 1Where stories live. Discover now