CHAPTER THIRTEEN

7 2 1
                                    

"Akin!"

Hinabol ko ang bola na pinasa sa'kin ng kakampi ko. Mabuti na lang at nasalo ko 'yun at nailipat sa kalaban. Nandito kami ngayon sa field dahil pinaglaro kami ng PE teacher namin ng volleyball.

Nagtawag ng pahinga ang mga kalaban kaya kanya-kanya kaming silong sa ilalim ng puno. Pumalit sa'min ang mga kaklase naming hindi pa nakakapaglaro.

"Oh, tubig." Ngumiti ako kay Reese nang abutan niya ako ng bottled water. Ininom ko 'yun habang nilalagyan niya ng towel ang likod ko. "Ang lakas mo pala maglaro ng volleyball, bakit hindi ka naglaro nung elementary?"

"Tingin mo?" Umupo ako sa wooden bench at agad naman siyang tumabi sa'kin.

"Oo. Ang lakas mo ngang pumalo kanina. Hindi ba namumula ang wrist mo?" Tiningnan niya pa 'yun. Medyo namumula lang naman 'yun kaya hindi masyadong masakit.

"Wala naman akong benefits na makukuha do'n. Saka gastos lang sa oras ko," paliwanag ko. Nakita ko naman ang pagtango niya.

Napabuntong hininga ako't pinaglaruan ang paa ko sa lupa, nasa malayo ang paningin. Alam kong nasa malayo din ang paningin niya kahit hindi ko siya tingnan. Ang tahimik namin pero hindi 'yun 'yung uri ng katahimikan na awkward. Basta lang kaming naka-upo do'n at nag-iisip.

"Ah, kami na ang maglalaro." Napatingin ako sa kanya nang tumango siya. Tumingin pa siya sa'kin saka ngumiti at kumaway.

"Galingan mo! Bano ka pa naman." Hindi niya pinansin ang pang-aasar ko, sa halip ay nakisama na siya sa mga kakampi niya.

Mula sa kinauupuan ko, pinanood ko kung paano siya maglaro. Mukhang nahihirapan siya sa teamwork kapag sports ang usapan. Unpredictable naman kasi ang pagbigay ng bola kaya dapat mabilis lang kayong mag-isip ng strategies kung pa'no ito ibabalik.

Natawa lang ako ng mahina nang madapa siya dahil hinabol niya ang bola kahit pa-out na. Mabuti na lang hindi niya na-touch. Bumangon ulit siya saka pinulot ang bola.

Pinanood ko lang ang katangahan niya sa paglalaro. Kahit na gan'on, hindi ko pa rin maiwasang hangaan siya ng palihim. Kapag ngumingiti siya, napapangiti din ako sa isip ko. Masyado na atang malalim ang nararamdaman ko para umahon pa. Wala din naman akong planong umahon.

Masaya na akong nakikita at nahahawakan siya sa malapit.

Natawa ako nang mahina nang bumalik siya sa upuan habang kinakamot ang ulo. Napatingin naman ako sa tuhod niyang may gasgsas.

"May sugat ka. Saglit, maghahanap akong gamot. Ay, sa clinic na lang pala." Kinuha ko ang bag namin saka siya inaya sa clinic.

"Ayos lang. Hindi naman malala."

"Dali na! Gusto kong pumunta sa clinic, 'yan na lang i-dahilan natin." Pinaningkitan niya ako ng mata dahil sa sinabi ko. Mahina lang akong natawa sa reaksyon niya saka siya hinila.

Sasama din pala, nagpa-bebe pa.

Puro siya reklamo tungkol sa laro habang naglalakad kami. Ako naman ay tahimik lang na pinakikinggan lahat ng sinasabi niya. Minsan, tumatawa din kapag may nakakatawa siyang sinasabi. Tama nga sila, masaya ang magkaroon ng kaibigan.

Pero nakakatakot din lalo na sa sitwasyon ko. Hindi niyo naman ako masisisi kung mahuhulog ako kay Reese. Sa ilang taon naming magkasama, puro kabutihan lang ang pinakita niya kaya gan'on ang nangyari.

Ang mali ko lang, umasa ako. Na iba ang pakikitungo niya sa'kin kesa sa iba. Na mas importante ako kesa sa iba. Umasa akong magkakaroon ng kami. Na hindi lang kami magkaibigan.

Pero hindi ko sasabihin sa kanya ang nararamdaman ko. Nakakahiya at nakakatakot. Na baka mawala ang pagkakaibigan namin dahil lang sa kagagahan ko.

Hindi ko namalayan na nakarating na pala kami sa clinic. Hindi ko nga namalayan na nakaupo na pala ako sa tabi ni Reese habang ginagamot siya. Ang higpit pa ng kapit sa balikat ko kapag pinupunasan ng alcohol ang sugat.

"Ah..." Napakunot ang noo ko dahil hindi naman mukhang masakit ang ginagawa sa kanya pero mukha siyang tang kung maka-react.

"Magdo-doctor ka tapos gaganyan-ganyan ka?" Tanong ko sa kanya at inalis ang kapit niya sa'kin.

"Masakit kaya! Saka kapag doctor na ako, ako ang gagamot, hindi ako ang gagamutin." Sinimangutan niya lang ako.

"Ako na lang po ang maggagamot. Sorry, natural talaga ang kaingayan niyan sa katawan." Bumaba ako sa bed saka inabot ang binigay na gamot ng nurse.

"Huy, baka idiin mo 'yan, Lola, lagot ka kay Pap---aray!"

"Ang dami mong kuda. Ayan, manahimik ka d'yan at ididiin ko talaga 'tong bulak na 'to."

Mabuti na lang at hindi na siya masyadong nag-ingay at pinanood na lang ako sa ginagawa ko. Pero mas gusto ko atang madaldal siya kesa titigan niya lang ako. Nakakailang kaya ang ginagawa niya, kung alam niya lang.

"Aray! Bakit mo naman diniin?" Napatingin ako sa kanya at ang sama niya makatingin.

"Sorry," sabi ko na lang saka siya inirapan.

Nang matapos ay iniligpit ko na ang ginamit ko para sa sugat niya. Tinanong ko pa siya kung kaya niyang maglakad pero nang sinabi niyang hindi, ako ang magdesisyon na kaya niya. Oo, desisyon ako.

Bumalik na rin naman kami sa classroom matapos 'yun. Muntik ko pang makalimutan 'yung assignment ko! Buti na lang nagawa ko 'yon kaninang umaga. Syempre, tamang kopya lang ako kat Reese kapag may time.

Dumaan ang araw na wala namang masyadong nangyayari. Sabay na naman kaming umuwi ni Reese at syempre, dapat pumunta muna siyang bahay bago bumalik sa bahay nila. Nakikikain lang naman ng mangga na nakalagay sa lamesa.

"Lola, makikigamit lang ako ng cr. Pabantay no'ng gamit ko." Tinanguan ko lang siya habang nagwawalis.

"Hindi ko naman nanakawan 'yan, ang kapal ng mukha mo," sagot ko na para bang may sinabi siya. Hindi ko na narinig ang sagot niya, malamang kasi ay pumunta na sa CR.

Habang nagwawalis ay biglang tumunog ang cellphone ni Reese. Pinigilan kong tingnan kung sino ang nagtext dahil alam kong hindi naman para sa'kin 'yun.

"Reese, may nagtext sa'yo. Baka si Mama mo na 'yan, hinahanap ka na. Bakit kasi dumederetso ka dito, eh." Napakamot ako sa ulo ko nang walang matanggap na sagot mula sa kanya. Wow, taeng-tae, Reese?

Hindi ko na napigilan ang sarili ko at tiningnan kung sino ang nagchat. Agad kumunot ang noo ko nang mabasa ang isang hindi pamilyar na pangalan.

Stephany:
Hahaha. Sige. Mamaya na lang.

"Uy, ano 'yan?"

Inagaw ni Reese ang cellphone niya sa'kin. Napatingin ako sa kanya at nakita ko ang pagsilip ng ngiti sa labi niya habang binabasa ang chat na nasa cellphone. Nakita ko pa ang pagtipa niya sa cellphone habang kinukuha ang bag.

"Ikaw ha. Stephany pa nga." Tumawa pa ako para asarin siya. Tinawanan niya lang ako saka kinutusan. "Tangina mo ka."

"Sige na. Mauna na ako. Pakisabi kay Papa, dumaan ako dito. Pupunta na lang ako bukas ng maaga para matulungan ko siya." Sinabi niya 'yun nang hindi man lang ako tinatapunan ng tingin. Pinakyuhan ko tuloy siya ng palihim.

"Sige, Stephany." Hindi niya ako pinansin at umalis na lang. Pikon naman.

Nang makaalis siya ay napabuntong hininga ako. Ilang beses ko pang prinoseso sa utak ko ang nakita at nabasa ko kanina. Kahit na iilan lang 'yon, ramdam ko 'yung saya nila kapag magkausap. At kahit ayaw ko, nakaramdam ako ng kung ano sa dibdib ko. Hindi naman kasi dapat ako makaramdam ng ganito kasi sino ba naman ako? Bestfriend niya lang naman ako.

Bestfriend niya lang naman ako.

HS3: Bestfriend Rule No. 1Where stories live. Discover now