Story #63 - Halloween

85 3 0
                                    


STORY 63: Halloween

Oktubre 31, ang araw kung saan binibisita natin ang mga mahal sa buhay na namayapa na sa sementeryo. Eto rin ang araw na kung saan nakagawian na rin ang pagsu-suot ng mga nakakatakot na kasuotan kasabay ng pagkatok sa mga bawat bahay na nadadaanan upang manghingi ng mga matatamis na kendi. Ang araw na ito ay tinatawag na undas o sa englis na halloween.

At eto ang araw na pinaka-aabangan ko sa bawat taon.

Napangiti ako ng nakakaloko nang makita ko ang maraming tao na naka-suot ng kani-kanilang mga costume na pumapasok na sa isang building na may mga pang-halloween na decorations.

'Mukhang magsisimula na ang halloween party' sa isip-isip ko. Napabungisngis ako sa aking sarili dahil sisiguraduhin kong mas magiging masaya ang party na iyon sa gagawin ko.

Isinuot ko ang aking pang-halloween mask at tumingin-tingin sa aking paligid kung meron bang mga tao sa malapit bago ako pumunta sa likod ng building na iyon. Nang makababa ako mula sa pag-akyat ko sa bakod ay agad akong pumunta sa isang pintuan at pumasok doon.

Mas narinig ko pa ang malakas na musika na pang-party at kita ko ang karamihan sa mga tao na naroroon na busy sa pagsayaw habang ang iba naman ay may iba-ibang ginagawa at ang tanging ilaw na naroroon ay ang mga sumasayaw na iba't ibang kulay na disco lights. Hinanap ko kaagad ang mga pagkain at nakita ko ito sa gilid na malapit lang sa pinasukan kong pinto.

Nangingiti akong lumapit sa pahabang lamesa na may mga iba't ibang pagkain na nilagyan ng mga halloween decorations. Hindi ko mapigilang mapahagikgik muli habang inilalabas ko ang isang tupperware mula sa suot kong backpack. Binuksan ko ang takip ng tupperware at bumungad sa akin ang mga inilagay kong maliliit na bubog, maliliit na uod, thumbtacks, mga hibla ng buhok, at alikabok.

Para akong baliw na nakangiti sa likod ng suot kong mask habang inilalagay at isinusuksok ang mga iyon sa bawat pagkain na nasa lamesa. Lumilingon-lingon pa ko upang masigurong walang makakakita sa ginagawa ko.

Nang matapos ako ay umupo ako sa madilim na lugar at naghintay sa kung sino man ang kukuha ng pagkain doon. Iniisip ko pa lang ang magiging reaksyon ng mga tao ay natatawa na ako.

Napatakip ako ng aking bibig at napahagikgik nang makita kong may lumapit na sa lamesang iyon. Kumuha ito ng isang piraso ng cupcake at agad itong kinain. Ang sumunod na nangyari ay siyang aking ikinahagikgik ng masyado. Nagtitili kasi nitong itinapon ang cupcake sa sahig kasabay ng pagpilit nitong pagsuka sa malapit na basurahan.

Halos maluha ako sa saya habang pinapanood ang mga tao na kumukuha ng pagkain na naroroon. Merong pilit na sumusuka, merong nagtitili, at meron ding umiyak. Iba't ibang mga reaksyon na nagdudulot sa akin upang tumawa ng parang wala ng bukas.

Umupo pa ko roon at nanonood hanggang sa may lumapit ditong isang may katandaang lalake na hindi nakasuot ng costume pang-halloween at pinagiinspeksyunan ang mga pagkain. Napasimangot ako dahil siguro may nagsumbong o nagreklamo tungkol sa mga pagkain. Pero agad din naman akong nagkibit-balikat.

Oras na para sa susunod na prank! Kekekekeke.

***

Itinali ko ang isang garbage bag na naglalaman ng mga iba't ibang insekto sa isang kahoy na sanga. Habang ang dulo ng tali ay hawak ko pa rin at nakatago sa mga halamanan. Naghihintay ako sa mga taong dadaan sa bitag ko. Naiisip ko pa lang ang mangyayari ay natatawa na ako.

Agad kong inihanda ang sarili ko nang may makita akong tatlong bata na paparating dito. "Hahaha nakita niyo mukha ni Diana, buti nga sa kaniya" sabi nung batang babae na nakasuot ng mahabang puting damit na may mga pulang mantsa.

"Oo nga mabuti nakuha natin yung mga kendi niya hahahaha" sabi naman nung isang naka-fairy costume. "Hmm.. hmm.." pagtango naman nung isang kasama nila na naka-manikang costume.

"Hmm.. mukhang makakabiktima ako ng mga pasaway na mga bata ngayon, kekekeke" sabi ko sa aking sarili at hinawakan ko ng mahigpit ang tali. Nang nasa bitag ko na sila ay agad kong binatawan ang tali na naging dahilan ng pagbagsak ng garbage bag sa uluhan ng tatlong batang iyon.

Nagsisigawan naman ang mga ito nang gapangin sila ng mga samut-saring mga insekto kasabay ng pagtakbuhan nila habang umiiyak. Ako naman ay halos mawalan ng hininga sa kakatawa. Nakahiga pa ko sa damuhan habang nakahawak sa aking tiyan at inilalabas ang ligaya sa aking pagtawa.

***

Nasa sementeryo ako ngayon at naghahanap ng susunod na bibiktimahin nang may makita akong dalawang bata na iniwan muna saglit ang mga lalagyan nila na puno ng mga kendi upang umihi. Napangiti ako ng ubod ng laki nang may maisip akong panibagong kalokohan.

Tahimik akong lumapit sa lalagyan ng kendi nila at kinuha iyon. Inilagay ko ang mga laman no'n sa aking bag bago ako kumuha ng mga insektong kinuha ko kanina sa ikalawa kong prank at inilagay lahat nang iyon sa lalagyan nila.

Matapos no'n ay nagtago ako sa likod ng isang puno. Kasabay no'n ay natapos na sa pag-ihi ang dalawang bata. "Tara kainin na natin yung mga kendi" "Sige tara!" Pag-uusap ng dalawa pero pagtingin nila sa lalagyan ay agad silang nagsisigaw. Naihulog tuloy nila ang kanilang mga lalagyan dahil sa gulat at takot.

Naliligayahan naman ako sa panonood habang kinakain ko ang mga kendi sa bag kahit na may mga plastic wrapper pa ito.

Nang mawala na ang dalawang bata ay napahikab ako sa pagod sa aking mga ginawa ngayong gabi. Pero sobrang sulit at saya ang aking nadarama ngayong halloween. Kekekeke.

Papa-uwi na sana ako nang makita ko ang isang pamilya na katatapos lang sa pagdasal sa harap ng isang puntod. Inilapag ng isang babae ang mga pagkain sa harap ng lapida nito. "Eto po pagkain niyo 'lo, at kami ay aalis ho, paalam 'lo" sabi nito bago sila tuluyang umalis.

Dali-dali naman akong lumapit sa puntod na iyon at kinain ang pagkaing iniwan ng babae. 'Wala nang mas sasarap pa sa libreng pagkain' sa isip-isip ko. Enjoy na enjoy ako sa pagkain ng makita ako ng isang bata na kasama nung babae kanina.

Dali-dali naman nitong kinuha ang sumbrero nito na sa tingin ko ay muntik na niyang maiwan habang hindi inaalis ang pagkakatingin nito sa akin. Ginantihan ko naman ito ng tingin at binelatan pa ito na naging dahilan ng pagtakbo nito at pagtawag sa ina nito.

Napahagikgik naman ako dahil doon at naglakad na muli sa tirahan ko. Binuksan ko ang isang puntod na naglalaman ng isang kabaong at ako ay humiga na muli roon.

Nakangiti ako habang unti-unti kong isinarado ang puntod. Mukhang maghihintay na naman akong muli ng isang taon para sa susunod na halloween. Kekekeke.

THE END

12:00 A.M. [Compiled Short Scary Stories]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon