Story #66 - Strange Phenomenon

165 5 1
                                    


STORY #66: Strange Phenomenon

"Ayon sa NASA ay mararanasan natin ang isang kakaibang phenomenon na mamayang hatinggabi lang natin mararanasan. Eto ay may kinalaman sa ating buwan na kung saan ay inaasahan daw itong liliwanag ng kulay asul" dinig kong sabi ng newscaster sa TV habang inalalagay ko ang nilutong maruya ni mama sa tupperware upang ihatid sa bahay ni lola.

"Oh anak ihahatid mo na ba ang maruya sa lola mo?" sabi ni mama na nakaupo sa sofa kaharap ang TV nang makita niyang handa na akong ihatid ito kay lola. "Opo ma" tugon ko. "Ah sige sige, paki-kamusta na lang ako sa lola mo ha" sumagot naman ako ng "opo" at lumabas na ng bahay.

Malapit lang ang bahay ng lola ko kaya pwede mo lang itong lakarin. "Lola? Papasok po ako" sabi ko pagkabukas ko ng pinto ng bahay nito. Ilalapag ko sana ang dala kong tupperware sa lamesa sa sala nang marinig ko ang sigaw ni lola. Nagmula ang sigaw na iyon sa kaniyang kwarto.

"Lola!? Ano pong nangyari?" Tanong ko nang makapasok ako sa kaniyang kwarto. Nakaupo ito sa kaniyang kama at sa tingin ko ay bagong gising lamang ito.

Napatingin naman siya sa akin "Apo, may masama akong napanaginipan" hinawakan nito ang aking kamay at tinapik-tapik ang gilid niya bilang senyas na maupo ako sa tabi niya na aking ginawa.

"Ano pong napanaginipan niyo la?" Tanong ko. "Nanaginip ako na naging mga halimaw ang mga tao dito sa lugar natin at dulot iyon ng isang maliwanag na buwan, at bigla na lang akong sinugod ng isa sa mga halimaw na iyon" dama ko ang pagkatakot ng aking lola sa pagkwe-kwento niya sa kaniyang panaginip.

Napaisip ako bigla. Dahil simula nung namatay si lolo ay doon nagsimula ang madalas na pagdalaw ng masasamang panaginip ni lola. Para itong nagsisilbing premonisyon sa mga mangyayari sa hinaharap. Nasasabi ko iyon dahil palaging nagkakatotoo ang nangyayari sa mga panaginip na iyon.

Hindi lang mga masasamang panaginip ang nararanasan ni lola pati na rin ang mga misteryosong bulong na naririnig din daw niya. Ang mga bulong daw na iyon ay mga babala din sa mangyayari sa hinaharap.

Natakot tuloy ako sa mangyayari mamayang gabi. Dahil ibinalita pa naman na magkukulay asul ang buwan.

Bigla ulit hinawakan ni lola ang aking kamay "At apo may bumulong din sa akin na huwag ka daw titingin sa buwan kahit ano mang mangyari" puno ng babala ang mga mata ni lola nang sabihin niya iyon na ikinataas ng aking mga balahibo.

***

Nakahiga ako sa aking kama at nakatingin sa kisame ng aking kwarto habang iniisip pa rin ang sinabi ni lola. "Huwag kang titingin sa buwan kahit ano mang mangyari" pag-ulit ko sa sinabi ni lola sa akin. Nasa ganoong posisyon ako nang maramdaman ko na ang unti-unting pagpikit ng aking mata hanggang sa tuluyan akong nakatulog.

Bigla na lamang akong nagising nang maramdaman ko ang sunod-sunod na pag-vibrate ng cellphone ko. Nang kunin ko ito ay saka ko lang napansin ang kulay asul na liwanag na tumatanglaw sa maliliit na espasyo sa pagitan ng mga kurtina na tumatakip sa bintana.

Napakunot ako ng noo habang tintitigan ang liwanag na iyon. Naramdaman ko muli sa aking kamay ang pag-vibrate ng cellphone ko.

12:15 na ang oras at tadtad ng mga message iyon ng tingnan ko. Pero mas lalong kumunot ang noo ko nang lahat ng message na iyon ay nagsasabing tingnan ko daw ang buwan dahil ang ganda daw nito. Galing ang mga message na iyon sa aking mga kaibigan, relatives, pero mas naka-agaw ng atensyon ko ay ang message nila mama at papa.

"Huwag mong sabihing tumingin sila sa buwan" gulat kong bulong sabay ng pagtingin ko sa aking bintana. Napatingin ako sa pintuan ng kwarto ko nang makarinig ako ng ingay mula sa kusina. Ewan ko pero nagsitayuan ang balahibo ko dahil doon.

"Ma? Pa?" Pagtawag ko sa aking mga magulang habang dahan-dahan akong lumalabas ng aking kwarto. Madilim sa sala no'n kaya in-on ko ang switch ng ilaw pero hindi ito gumana. Brownout?

Napatingin ako sa kinaroroonan ng kusina at may asul na liwanag doon.
Napatingin din ako sa kwarto nila mama na katabi lang ng kusina. Nang tingnan ko ang loob ay hindi ko sila nakita.

Nakarinig na naman ako ng kakaibang tunog mula sa kusina. Nagaalangan tuloy akong sumilip sa kusina dahil sa takot pero kalauna'y ginawa ko na lang din dahil sa kuryusidad.

Tahimik akong sumilip at nang gawin ko iyon ay nangilabot at nahintakutan ako sa nakita ko. Deformed ang mga katawan ng mga magulang ko! Parang nilabhang damit na piniga ang mga katawan nila. Nakakatakot din ang porma ng kanilang mukha. Malalaki ang kanilang bunganga na nakatabingi pati rin ang kanilang mga mata at ilong na nakatabingi rin.

Nakatayo sila paharap sa malaking bintana ng kusina. Sigurado akong ang buwan ang kanilang tinitingnan at ang sanhi kung bakit naging ganiyan ang mga itsura nila.

Napatingin ako sa bintana at parang may nagsasabi sa akin na tumingin din doon pero agad ko iyong inalis sa isipan ko. "Huwag kang titingin sa buwan gaga!" Bulong ko sa sarili ko sabay pukpok sa ulo ko.

Napatingin muli ako sa aking mga magulang at nagulat ako ng biglang tumingin sa akin si mama. Napatili na lamang ako dahil sa nakakatakot na mukha nito bago ako dali-daling bumalik sa aking kwarto at ni-lock ang pinto.

Napa-upo na lamang ako habang nakasandal sa pinto kasabay ng aking pagpikit at kinukumbinsi ang sarili na panaginip lang ang nangyayaring iyon. Pero kahit anong gawin ko ay sadyang totoo talaga itong nangyayari.

Nasa ganoong posisyon lang ako, nakatingin sa bintana ng aking kwarto. Hindi ko namalayan ang oras at umaga na pala. Ganoon na pala ako katagal nakatulala sa bintana.

Tumayo ako at unti-unting lumapit sa bintana bago sumilip. Parang ganoon pa rin ang labas ng bahay at walang nagbago pagkatapos noong kakaibang pangyayaring iyon kagabi.

Hinanap ko sila mama at papa sa bahay pero ni anino nila ay hindi ko nakita. Ganoon rin ang ibang mga tao sa baranggay na hindi tumingin sa buwan kagabi nang lumabas ako ng bahay.

Ganoon rin ang mga reaksyon nito, puno ng agam-agam, pagkalito, at pagkatakot ang kanilang mga mukha. Ang mga tao namang tumingin sa buwan ay hindi namin mahagilap. Umabot kami sa puntong lahat kami ay pumunta sa police station at ikinuwento ang nangyari.

Mabuti na lamang ay hindi rin tumingin ang mga police sa buwan bukod sa isa nilang kasamahan na deformed daw ang katawan na nakita nilang nakatingin sa labas ng bintana.

Naglibot pa kami sa buong baranggay sa tulong na rin ng mga pulis na kasama namin sa paghahanap sa mga nawawala naming mahal sa buhay. Sa kalagitnaan ng paghahanap namin ay may tumawag sa isang kasama naming pulis at sabi dito na nahanap na daw sila.

Agad-agad naman kaming nagsipuntahan sa lokasyon na iyon. Nang makarating kami doon ay para akong na-istatuwa sa aking kinatatayuan sa aking nakita. Halo-halo ang aking nararamdaman nung mga oras na iyon at sa tingin ko ay ganoon din ang nararamdaman ng iba.

Sa gitna ng damuhan ay nandoon ang mga taong hinahanap namin. Naging batong istatuwa ang mga ito at nanatiling deformed pa rin ang kanilang mga katawan. Lahat sila ay nakatingala na tila ba nakatingin silang lahat sa buwan na bunga ng kakaibang pangyayari kagabi.

Ang pangyayaring nagsilbi nang malaking bangungot para sa aming lahat.

THE END

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 19, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

12:00 A.M. [Compiled Short Scary Stories]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon