Story #25 - Life Cycle

162 12 0
                                    


STORY #25: Life Cycle


Hi! Ako nga pala ay isang halaman, halaman na lumaki sa pagmamahal at pag-aalaga mo. Sa tingin ko nga'y ako na yata ang pinaka-special at pinakamasayang halaman na nabuhay sa mundong ito.


Pagdating sa matabang lupa, pagpatay sa mga peste na kumakagat sa akin, at pagdidilig mo sa akin araw-araw ay sino ba namang halaman ang di makakaramdam ng pagmamahal don.

Excited ako palagi sa tuwing lumalapit ka sa akin upang diligan ako at nagseselos minsan sa tuwing inuuna mong diligan at pagtuunan ng pansin ang mga kasamahan kong halaman.

Alam kong di lang naman ako ang inaalagaan mo kundi pati na rin ang iba ko pang kasamahang halaman at alaga mong mga hayop ang inaalagaan mo. Pero sadyang di ko lang mapigilang maramdaman iyon.

Isang araw ng gabi, lubos akong natakot ng biglang umulan ng pagkalakas-lakas at nalunod kami ng mga kasamahan ko sa tubig na dulot ng ulan. Akala ko mamatay na ko pero lumaban pa rin ako para sa sarili ko dahil ayoko pang mamatay.

Kinabukasan nung araw na iyon ay nalungkot ako sa naging resulta ng malakas na ulan kagabi. Nakita ko ang iba kong kasamahan na nalunod sa tubig at patay na. Ang iba naman ay natumba na at nakalabas na ang kanilang mga ugat.

Ako naman ay nakatagilid na tila malapit na ring tumumba at ramdam kong malapit na ring umusli mula sa basang putik ang aking ugat pero mabuti na lamang dumating ka at sinaklolohan mo kami ng mga kasamahan ko pati na rin ang iba pang uri ng mga halaman. Pinagkukuha mo ang mga halamang wala ng pag-asang tumubo muli at itinatanim uli ang mga halamang hindi masyadong naapektuhan ng malakas na ulan at ang mga may pag-asa pang tumubo uli.

Todo ang saya ko nung lumapit ka na sa akin at ibinalik ako muli sa pagkakatayo at inayos ang aking lupa. Di ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon pero ang alam ko ay wala akong dapat na ipag-alala pa dahil nandiyan ka.

Lumipas ang mga araw ay maayos naman kaming tumubo ulit ng mga kasamahan ko at masaya naman ako dun dahil nakabangon ulit kami. Isang araw nakita kong maraming tao ang pumasok sa bahay mo na sa pagkakaalam ko ay pamilya mo.

Mga ilang oras akong nakatingin sa bahay nang makita kong lumabas ka ng bahay mo at lumapit ka sa amin. Akala ko ay didiligan mo kami pero kinuha mo lang pala ang dalawang manok na alaga mo. Kinuha mo ang mga ito sa mga binti nito. Kadalasan kong nakikita na kinukuha mo ito sa katawan nito at hinahaplos pero ngayon ay parang iba ang gagawin mo sa mga ito.

Nakita kong itinali mo ang mga paa nila at nagulat ako pati na rin ang mga manok nang kumuha ka ng itak. Itinutok mo ang itak sa leeg ng isang manok. Dinig ko ang pagmamakaawa ng mga manok na huwag mo daw silang patayin pero alam kong di mo naman sila maiintindihan.

Nanatili akong nakanood sa pag-putol mo sa mga ulo ng mga manok na iyon at malayang sumisirit ang dugo mula rito. Kalmadong-kalmado ka habang ginagawa mo iyon na nagbigay sa akin ng konting takot na agad ko namang iwinaglit. Kiniskisan mo ang mga katawan nila upang mawala ang mga balahibo bago mo nilinis ang mga katawan nila.

Napag-alaman ko na lang na gagawin mo pala silang pananghalian dahil sa paglapit ng asawa mo na dinig kong sabi niyang ' lulutuin na daw niya ang mga manok '. Nang bumalik kayong dalawa sa bahay mo ay bigla kong naisip na
' gagawin mo din ba sa amin ang ginawa mo sa mga manok? '.

Agad ko namang iniwaksi ang naisip kong iyon at kinontra ito na hindi niya iyon gagawin sa amin dahil ramdam ko ang pagmamahal at pag-aalaga mo sa amin. Lalo na't ako ang pinaka-special na halaman na inalagaan mo.

Dumating ang araw na ganap na malulusog at mature na kaming mga halaman. Masaya kami dahil sa lubos na pag-aalaga at pagmamahal mo sa amin ay eto na nga ang naging resulta. Alam kong magiging masaya ka kapag nakita mo na kami at di nga ako nagkakamali masaya mo kaming pinagmasdan ng nakangiti.

Ang kanina kong masayang nararamdaman ay napalitan ng kaba ng bigla kang may kinuhang gunting at malaking basket. Palapit ka ng palapit sa amin habang dala-dala mo ito at ang aking kaba na nararamdaman ay napalitan ng takot. Nung bigla mong ginunting ang isa kong kasamahan at ipinasok mo siya sa dala mong basket.

Dinig ko ang sigaw niya sa sakit ng pag-putol mo sa kaniya na hanggang ngayon ay dinig ko pa rin mula sa loob ng basket. Isa-isa mong ginunting ang mga kasamahan ko at sunod-sunod din ang mga sigawan ng mga ito sa sakit ng pagkawalay sa mga kalahating katawan nito.

Nung nasa harapan ka na ay di ko mapigilang makaramdam ng matinding takot. Takot na mas higit pa sa takot na naramdaman ko nung muntikan na kong mamatay sa malakas na ulan. Nung inilapit mo ang gunting sa aking katawan di ko mapigilang mapatingin sa iyong mga mata na walang bakas ng emosyon na halos iba sa tuwing dinidiligan mo pa kami.

Naging iba ka na, hindi na ikaw yung taong hinahangaan ko. Di na ikaw yung taong puno ng pagmamahal at pag-aalaga sa amin. Naramdaman ko na lang ang matinding sakit nung hinati mo na ang katawan ko gamit ang gunting na iyon.

Kung naririnig mo lang ang sigaw ko ay baka napatakip ka na ng iyong tenga dahil sa lakas nito. Di ko maipaliwanag ang sakit at sigaw ako ng sigaw maibsan man lang ng konti ang matinding sakit na iyon. Di ko na nga nalaman na nasa bahay mo na tayo dala kami ng mga kasamahan ko dahil nakatuon ang aking pansin sa sakit na iniinda ko ngayon na sana matapos na.

Naramdaman kong inisa-isa mong kinuha mula dito sa loob ng basket ang mga kasamahan ko.  Dinig ko ang pagragasa ng tubig na alam kong hinuhugasan mo na ang mga kasamahan ko. Nung ako na ang sunod mong huhugasan ay biglang bumalik ang sakit na nararamdaman ko nung nakita ko ulit ang mga mata mong walang ka-emo-emosyon.

Mahapdi sa aking putol na katawan ang tubig pero mabilis rin naman ang paghugas mo sa akin. Ngayon naman ay alam ko ng katapusan na ng buhay ko at eto ay ang pag-pipiraso-piraso mo sa amin gamit ang kutsilyo. Dinig ko ang pagmamakaawa at pag-sigaw ng mga kasamahan ko na di mo naman maririnig habang pinagpipira-piraso mo sila para maging ulam ng pamilya mo.

Dahil sa senaryong nakikita kong iyon ay bigla akong nakaramdam ng ibayong galit at poot habang pinagpuputol mo ang mga kasamahan ko. Alam kong mga halaman lang kami pero di kami karapat-dapat na maging pagkain niyo lamang. Sawa na ko sa pagsasakripisyo ng mga hayop at halaman na katulad ko upang mapakain lamang kayo.

Sawa na kong palagi na lang kayo ang nasa tuktok ng tinatawag niyong food chain. Sawa na akong kayo palagi ang importanteng nilalang sa mundong ito.

Nung kinuha mo na ko para pag-pira-pirasuhin ay humiling ako sandali ng kahuli-hulihan kong hiling at iyon ay dadating ang panahon na kami namang mga halaman ang nasa taas at kayong namang mga tao ang nasa ibaba. Tandaan niyo yan!

THE END

12:00 A.M. [Compiled Short Scary Stories]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon