Malaki ang aking pasasalamat sa Maykapal at bumubuti na ang lahat. Nagsisikap na akong magpagaling mula sa aking aksidente.Normal ang resulta ng aking MRI, CT scan, at iba pang tests na ginawa nila sa akin. Sumailalim na rin ako sa physical therapy. Kailangan ko ulit matutong lumakad at tumayo. Buti na lang ay di ko pa nalilimutan ang mga ito. Noong unang subok ko na humakbang, mabigat pa ang aking mga binti ngunit nasanay rin ako.
"Ayan, EJ, nakakapaglakad ka na ulit!"
Nag-cheer ang aking physical therapist na si Ma'am Era. Siya yung asawa ng isa sa mga senador na tumulong sa akin.
Inangat ko ang aking paningin sa kanya at ngumiti. Nakakapit pa rin ang aking mga kamay sa magkabilang bakal ng parallel bars kung saan ko ginagawa ang walking exercises.
"Buti di po ako naging Apolinario Mabini," biro ko.
"Para kang baby na nag-aaral maglakad. Siyempre gagaling ka, Utak ng Katipunan!" tawa ni Ma'am Era sa akin.
Tinapos ko ang aking mga exercises hanggang sa sinundo na ako ni Papa.
"Nakakatuwang malaman na paggaling na ang anak ko," ika ni Papa na nakatayo sa aking tabi. May gamit akong tungkod para magabayan ang aking pagtayo at paglakad.
"Katipunero ata iyan eh," wika ni Ma'am Era. "Next week ulit, EJ!"
"Sige po."
Nagpaalam na kami kay Ma'am Era. Sumakay kami ni Papa sa kanyang second- hand car na pulang 1980s Mitsubishi Lancer. Buti ay nasa maayos pa ito na kondisyon. Mahilig si Papa sa vintage items, mula sa mga damit, sapatos, kasangkapan sa bahay, at kahit sa kotse.
Habang nasa byahe ay nag-uusap kami ni Papa.
"Itutuloy ko po ang MA ko. Sabi sa akin ng adviser ko, final exams na lang tapos pwede na akong maging second year next sem," kwento ko.
"Basta huwag mo nang papagurin ang sarili mo. Bawal ka nang magpuyat, dahil nagkaroon ka ng head injury," paalala ni Papa. "Mas importante na gumaling ka nang tuluyan."
"Opo, di na ako magpupuyat," pangako ko.
"Apektado ba ang iyong paningin?"
"Minsan lumalabo po. Mukhang kailangan kong magpa-eye check-up."
"Iyan ang susunod nating aasikasuhin," pagsang-ayon ni Papa. "Ay, sabi sa akin ni Randy, kahit isang buwan ka muna hindi pumasok, baka mapagod ka. At nag-aalala nanay mo sa iyo."
"Dad, ayoko maging tamad sa bahay," ika ko.
"Batang ito! Baka gusto mong matuluyan." Nakita ko ang kunwaring ngiti ni Papa habang nagmamaneho, na napalitan ng malalim na kunot ng noo.
"Ayaw namin na mapahamak kang muli, kaya kailangan mong makinig," dagdag nito.
"Okay po, di ako magiging pasaway."
BINABASA MO ANG
My Destiny and I
Fantasy(SEQUEL TO THE KATIPUNERO AND I) Hindi mapaghihiwalay ng panahon at oras, Ang dalawang pusong nag-iibigan nang wagas. Matutupad ang isang pagmamahalan sa pagitan ng dalawang magsing-irog mula sa magkabilang mundo at magkaibang panahon. Ito na ba an...