Kabanata 18

510 36 19
                                    

Napalingon kami sa pinanggalingan ng tinig. Isang babae ang papalapit sa amin.

Hindi ko makita ang kanyang itsura ngunit nang makalapit na ito, isa pala siyang mestiza. Pawang nasa edad bente singko pataas o kaya naman ay di hihigit sa trenta'y singko anyos.

Magulo ang kanyang nakapuyod na buhok, suot niya ang isang itim na blusa at saya, at may hawak siyang itak sa kanyang kanang kamay.

May naiiwang bakas ng kagandahan sa kanyang malalim na mga mata at matangos na ilong, ngunit di matatanggi na mas nangibabaw sa kanyang mukha at pagkatao ang poot sa kanyang mga mata, ang nakakuyom na kanyang panga, at ang mahigpit na paghawak niya sa kanyang itak.

"Whoa, lady, what's the problem?" Kaswal na tinanong ni Lieutenant Daniels dito. Ngunit di lang siya pinansin ng babae at sa halip, tumayo ito sa harapan namin ni Hannah. Mas lalong humigpit ang aking pagkakayakap sa aking asawa.

Isang mapangutyang ngiti ang gumihit sa kanyang mga labi. "Sa wakas, nandito na ang magsing-irog, at makukumpleto na ang aking ritwal ngayong kabilugan ng buwan!" Napahalakhak ito.

"Iwan mo kaming dalawa kung ayaw mong mapahamak ka," pagbabanta ko dito.

Napaurong sila Senyor Ismael at Lieutenant Daniels. Nagpatuloy sa pagsasalita ang babae.

"Dahil sa aking kakayahan na makapaglakbay sa pagitan ng mga panahon, nakuha ko ang iyong maybahay para ikaw naman ang mapunta dito," ngiti ng babae. Hinigit niya ako mula sa pagkakayakap kay Hannah at hinawakan niya ako sa aking pangitaas.

"Uunahin ko ang binatang ito. Pagkatapos, ang kanyang asawa. Ang pagdanak ng kanilang dugo ang magbibigay sa akin ng kapangyarihan para maging tagahawak ng panahon at oras! Maisasakatuparan ko na rin ang aking binabalak na maghasik ng lagim! Bawat panahon na aking pupuntahan ay magkakaroon ng hinanakit at delubyo!"

Isang nakakakilabot na halakhak ang pumuno sa buong lugar. Umismid na lang ako sa bruha at sinabing, "Hindi ka magtatagumpay sa iyong binabalak."

"Hindi niyo ako mapipigilan!" Sigaw niya. Tumingin siya kay Senyor Ismael at Lieutenant Daniels. "Kung hindi niyo nais mapahamak ang buong bayan, iwan niyo na kaming tatlo dito! Ang mag-asawang ito ang aking alay kapalit ng katahimikan ng inyong bayan!"

"Labag iyan sa batas, senyora!" Nag-aalalang sinambit ni Senyor Ismael.

Matapang na lumapit si Lieutenant Daniels at sa isang iglap, sinipa niya ang binti ng babae. Agad akong nakawala sa kanya at tumakbo ako papunta kay Hannah, na siyang yumakap sa akin.

"You're a bad woman," tugon ni Lieutenant sa babae, na hawak na niya sa magkabilang braso para di ito makagalaw. "Mali iyan pumatay ng tao," dagdag pa niya sa nauutal na pananagalog.

"Hijo de p*ta, sundalong 'Kano, ano bang binabalak mo?" Nagpupimiglas ang babae, ngunit mas hinigpitan pa ni Daniels ang kanyang hawak dito.

"If you're a witch, mangkukulam, stop that!" sigaw ni Lieutenant Daniels. "That's very wrong!"

"Wala kang pakialam! Lahat kayo, walang pakialam sa aking nararamdaman at pinagdaanan!" sigaw ng babae.

"Paparating ang taong bayan!" Tinuro ni Senyor Ismael ang dulo ng kagubatan gamit ang hawak niyang lampara.

Napanganga ako sa aking nakita. Isang batalyon ng mga tao ang papalapit nang papalapit sa amin. May mga hawak silang sulo na iniilawan ng nagbabagang apoy sa ibabaw nito. Karamihan sa kanila ay mga kalalakihan na naninirahan sa Poblacion. May mga hawak na itak ang iba, at mas kinagulat ko pa na may mga kasama silang sundalong Amerikano. Mayroon din mga matandang babae na sumama sa kumpulan.

My Destiny and ITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon