Kabanata 17

516 36 3
                                    

Emilio! Kunin mo ako dito! Tulungan mo ako!

Naalimpungatan ako mula sa aking pagkakatulog. Naramdaman ko ang pagkamulat ng aking inaantok na diwa. Unti-unti kong binuksan ang mabibigat na talukap ng aking mga mata.

Hannah, napaginipan kita. Narinig ko ang iyong boses mula sa kadiliman. Takot at pangamba ang bumabalot, hindi kita maaninag. Hinihingi mo ang aking tulong.

Bumangon ako at ibinaon ko ang mukha sa aking mga palad. Sumambit ako ng isang dasal na sana ay matagpuan na si Hannah sa lalong madaling panahon. Kung nandito man siya ngayon sa nakaraan, sa panahon ng Amerikano, sana ay ituro ng kapalaran kung saan siya tinago at makuha ko siya mula sa kung sino man ang dumakip sa kanya.

Huminga ako nang malalim at pinatatag ang aking kalooban. Dapat ay harapin ko ang pagsubok na ito. Hindi ako babalik sa panahon naming dalawa kung wala si Hannah.

Ginawa ko ang aking nakagawian tuwing umaga, pero sa ibang panahon. Pagkatapos ng kinse minutos, bihis na ako at lumabas sa nasabing kwarto. Suot ko ulit ang damit ko kahapon, pero naglagay na ako ng sumbrero sa aking ulo.

Pagkalabas ko sa quarters, agad kong nasalubong si Lieutenant Craig Daniels.

"Emilio! Good morning!" Magiliw niyang bati.

"Good morning too, Lieutenant," matipid kong ngiti.

"Ready for tonight's trip to the mountains?" bulong niya.

"Yes."

"Good, just see you at the meeting spot. For now, feel free to roam around the town the whole day."

"Surely. Goodbye!"

Naghiwalay na kami ng landas ni Lieutenant.

Nagtungo ako sa may fountain sa plaza at naupo doon sa gilid ng fountain. Naramdaman ko ang pagkalam ng aking sikmura, senyales na kailangan ko nang kumain ng agahan. Buti na lang ay may munting kainan sa kabilang dako ng kalye.

Lumakad ako doon at natuwa nang malaman kong kapihan pala ito. Naamoy ko ang aroma ng bagong lutong tinapay pati na rin ang bagong giling na kape. Naupo ako sa isang sulok at tinanggal ko ang aking sumbrero. May lumapit sa akin, at tinanong kung ano ang aking nais kainin.

Binanggit ko na gusto ko yung bagong lutong tinapay at isang tasa ng kape. Tumango ito, umalis, at bumalik siya na dala ang aking hinihiling: isang platito na may tatlong piraso ng pandesal, may isang maliit na hiwa ng mantikilya na may kasamang pampahid nito sa tinapay, at isang tasa ng umuusok na kape.

"Gracias," wika ko.

Ngumiti ang binata at iniwan na niya ako mag-isa.

Tahimik akong nag-agahan. Kahit mapayapa ang kapihan na ito, wala masyadong mga tao, at napapalibutan ng mga munting paintings ng mga bukid na nakasabit sa dingding, hindi ako iniwan ng aking mga alalahanin tungkol kay Hannah.

Nabusog man ako, ngunit mas lalong nanaig ang gutom ng aking isipan na masagot ang aking mga katanungan.

Kung may kumuha kay Hannah, anong pakay nito at bakit?

Bakit sa nakaraan pa ako (o kami) napunta? Maiintindihan ko pa kung sa modernong panahon ito, dahil anak ng mayamang negosyante si Hannah.

At may kinalaman ba ang lahat ng pangyayari tungkol sa aking nakaraang pagkatao?

Buong araw lang akong namalagi sa bayan. Buti ay may natagpuan akong munting aklatan, kung saan muna ako nagpalipas ng oras. May tahimik na sulok doon at dito ko ginugol ang aking mga aklat na nakita sa wikang Ingles. Ang isang libro ay tungkol sa kasaysayan ng Amerika at ang isa naman ay kopya ng The Adventures of Tom Sawyer ni Mark Twain.

My Destiny and ITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon