Kabanata 12

555 38 7
                                    

May masasaya mang mga araw sa aming dalawa, may mga panahon din na nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan at tampuhan.

"Wala ka bang balak matulog, irog?"

Ito ang tanong ko kay Hannah nang maabutan ko siya sa aming dining table isang gabi. Nakaharap siya sa kanyang laptop at mukhang abala sa mga presentation slides na kanyang inaayos.

"May pitch kami bukas para sa isang major client," sagot ni Hannah sabay inat ng mga braso.

"Makakapaghintay iyan. Tignan mo ang oras, halos hatinggabi na." Sinulyapan ko ang wall clock sa may kitchen.

"Matatapos na ako, EJ," hikab ni Hannah.

Lumapit ako sa kanya at napayakap. "Mula nang ma-promote ka bilang manager ng team niyo, mas naging abala ka kaysa dati."

"Marami kasing ginagawa eh," dahilan niya. "Lalo na ngayon, we can't afford to lose this pitch."

"Sa totoo lang, napapansin ko na di na tayo sabay nahihiga sa kama," ika ko. "Sa dalawang taon natin ng pagsasama, ngayon lang kita nakita na sobrang busy at halos wala na sa oras kung matulog pati ang pag-uwi."

Nanigas si Hannah sa kanyang pwesto habang napalayo ako sa kanya. Lumingon siya sa akin na masama ang tingin.

"Ginagawa ko lang ito para sa kinabukasan natin," buntong-hininga niya. "Paano 'pag nagka-baby tayo isang araw?"

"Walang masama sa pagiging masipag sa trabaho, pero iyang ginagawa mo, halos magpakamatay ka na sa kakatrabaho," mariin kong sinabi. "Hindi mo ba napapansin ang sarili mo? Namumugto na ang mga mata mo at nangangayayat ka na. Mukhang di ka kumakain sa oras kapag nasa opisina ka."

"EJ, nasa digital marketing at advertising firm ako, normal lang ito sa amin na magpuyat at magpakasubsob sa trabaho," rason nito. "Manager ako at dapat kong magawa ang aking trabaho nang maayos."

"Maayos nga trabaho mo, pero sarili mo napapabayaan mo. Pati ang relasyon natin."

Binalot kami ng nakabibinging katahimikan. Tumayo si Hannah sa kanyang pwesto at sinabing:

"Alam mo, kung wala kang magandang sasabihin, mauna ka na. Susunod na ako sa kama."

"Hannah, concerned lang ako sa iyo bilang asawa mo."

"Hindi mo yata ako naiintindihan," giit niya.  "Kailangan kong patunayan ang sarili ko doon sa kumpanya namin. I have to show that I'm worthy of being their manager pati na rin ang compensation na binibigay nila sa akin."

"Ah, kailangan mo ng pera nila kaya ka nagpapakapagod," singhal ko.

"Siyempre, kailangan natin ng pera! Lalo na ako ang mas mataas ang sahod kaysa sa iyo!" Sigaw niya.

Natigilan ako sa aking narinig. Gusto ko siyang sampalin pero pinigilan ko ang sarili.

"Kailangan bang sabihin mo iyan?" Tanong ko. "Issue pala sa iyo ang sahod ko sa university! Porke't di six-digits gaya sa iyo, di pa rin sapat sa iyo, sa atin?"

Walang patutunguhan ang usapang ito.

Tinalikuran ko siya at naglakad na papalayo. Di ko siya nilingon nang sabihin niyang, "Sorry, EJ!"

Bumalik ako sa higaan na mabigat ang kalooban. Ayoko siyang lingunin kahit narinig ko ang isang munting hikbi mula sa kanya.

Kaya pala siya nagpapakasubsob sa trabaho, dahil mas mataas ang kinikita niya kumpara sa akin? Dahil mababa ang tingin niya sa trabaho ko bilang isa sa mga head researchers ng unibersidad?

Aba, naging mayabang na porke't na-promote. Hindi ba niya makita na dapat din siyang magpahinga para rin sa sarili niya?

Walang masamang maging masipag sa trabaho pero sa ginagawa niyang iyon, halos kainin na ang buong araw at gabi niya sa kanyang ginagawa.

My Destiny and ITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon