Kabanata 13

236 19 0
                                    

Kabanata 13

IKA-ANIM NA KABANATA
Filipinas 1869
Ika-19 ng Gabi ng Disyembre

"Magandang Gabi sa inyong lahat. Aking namamasid ang kagalak-galak na kasiyahan sa buong paligid, subalit amin itong dadagdagan kasama ang aming inihandang pagtatanghal para sa inyong lahat. Sana ay magustuhan ninyo." Namatay ang sinindihang pailaw sa entablado matapos sabihin iyon ni Madame Racelita.

Sa muling pagbubukas ng ilaw ay bumulaga sa lahat ang isang napakagandang binibini na nakasuot ng malarosas na saya. Ang kaniyang buhok ay kulot na kulot, may korona rin itong rosas. Bumabagay ang kolorete nito sa mukha sa kaputian niya. Halos lahat ng mga Ginoo sa loob ng pagdiriwang ay natigilan at siya ay kinalingunan. Maging si Leonardo at Carlos ay ganun din.

Noong una ay manghang-mangha ang dalawa sa binibining natatanaw, na umabot sa puntong pinlano na nilang magpakilala rito mamaya. Subalit, nang mag-angat ng tingin ang dilag ay doon napagtanto ng dalawang Ginoo na kilala na nila ang binibini sa entablado.

"Olivia." Magkasabay na naibulong ng dalawa.

Nagsimula na ang pagpapatunog ng ilang mga batingaw at instrumento na talaga namang makapagpapaindak sa mga bisita. Simula pa lamang ito subalit mababakas na ang kagalakan sa kanila.

Magbalik tayo sa babaeng nasa unahan at kabadong hawak ang mikropono na galing pa sa Espanya na dala mismo ni Carlos nang umuwi ito sa Pilipinas. Kabado si Olivia subalit kapag napapasulyap siya kay Agnes na hawak ang isa sa mga instrumentong pang-aliw ay pinipilit niyang labanan ang kaba. Ayaw niyang mapahiya ang matalik na kaibigan at mas lalong ayaw niyang kagalitan ito ni Madame Racelita. Nagugunita pa niya ang isang eksena kung saan ay nasaksihan niya kung papaanong magalit ang tagapamahala ng bahay aliwan na ikinabubuhay ng kanyang kapatid–umano. Hindi niya masikmura ang sakit ng pananalita nito na may kasama pang latay gamit ang latigong ginagamit sa pagpapatakbo ng kabayo. Ayaw niyang sapitin din iyon ni Agnes kaya naman mas pinili niyang kalimutan ang kabang nararamdaman.

♪Oh, desearía haber aceptado.
Es un tiempo de secreto♪

Nang siya ay magsimula ng umawit ay agad na natahimik ang bulwagan. Tila ba ay binisita ng isang anghel ang kasiyahan at namutawi ang katahimikan. Nagdagdag iyon sa kaba ni Olivia subalit imbis na huminto ay nagpatuloy lamang siya. Isang sikat na sikat na awitin sa panahong iyon ang inawit niya. Ang liriko nito ay banyagang salita na mas lalong pinagaganda ng malumanay at makapanindig balahibong pag-awit ni Olivia.

♪Mi oración
Es notable
Es notable
Es notable♪

Ang kanta ay unti-unting nagiging masigla at nang dumating ang puntong iyon ay kagulat-gulat na nagsitayuan ang lahat at pinalakpakan ang binibining nasa harapan. Dahil doon ay nabigyang lakas si Olivia at nagkaroon ng kompyansa. Kaya naman mas lalong naging maganda ang pagtatanghal. Maging si Agnes ay ginanahan sa pagpapatunog ng instrumento na talagang naging kagila-gilalas sa pandinig.

♪Querida, querida, querida
Esta canción es para ti.
Por favor, genial, mi amor.
Todo se hará por ti.
Solo Amame.♪

Hindi napigilan ni Ginoong Leonardo na mapangisi sa kaniyang nasasaksihan. Ang makitang ang batang iniligtas niya noon ay isa nang ganap na dalaga ngayon ay talagang kamangha-mangha. Hindi lamang iyon, dahil talaga namang kaakit-akit ang hitsura nito maging ang tinig ay wala kang maipipintas dito. Manghang-mangha siya subalit hindi niya iyon nais ipahalata.

♪Querida, querida, querida
Esta canción es para ti.
Por favor, sé genial, mi amor.
Todo se hará por ti.
Solo Amame.♪

♪Querida, querida, querida
Esta canción es para ti.
Por favor, sé genial, mi amor.
Todo se hará por ti.
Solo Amame.Mi oración.
Es notable.♪

"Hindi ko akalain na may ganitong surpresa sa atin si Olivia, kaibigan." Masayang bulalas ni Señor Carlos. Hindi siya tinugon ng Ginoo sa halip ay kinuha nito ang kupita mula sa lamesa at ininom ang natira niyang alak doon. "Sabihin mo nga kaibigan, kay rikit ba ni Olivia ngayon?" Bakas ang pangbubuska sa tono ng pagsasalita ng Señor. Subalit isang ngisi lamang ang nakuha nyang sagot mula kay Leonardo.

Nang matapos ang pagtatanghal ay agad na naglaho na parang bula si Agnes at si Olivia. Ang tuwang-tuwang si Madame Racelita ay pinahanap sila sa ilang Gwardya Sibil sa paligid subalit hindi nila ito natagpuan. Sa kabilang banda ay masaya ang dalawang magkaibigan sa loob ng isa sa mga silid ng hacienda.

"Olivia kung alam mo lamang kung gaano kalakas ang kabog ng aking dibdib kanina ng dahil sa kaba. Pakiramdam ko ay lalabas ang puso ko sa aking dibdib!" bulalas ni Agnes na walang tigil ang paggulong sa kama ng dalaga.

"Ganon din naman ako, Agnes. Bukod doon ay napakasaya ko, ito ang unang beses na magsuot ako ng ganitong damit at alahas. Maging ang kumanta sa entablado ay ito ang unang beses. Talagang galak na galak ang aking kalooban, mahal kong kaibigan." Masayang humarap si Olivia sa may kaliitan niyang salamin at doon pinagmasdan ang sarili. Bahagya pa siyang umikot at kinatitigan ang ilang palamuting nakasuot sa kaniyang buhok. "Ito rin ang unang beses na suotin ko ang palamuti sa buhok na mula pa mismo sa namayapa kong Ina." Doon natigil si Agnes at napa-upo na lamang sa kama. Hindi niya alam ang sasabihin. Kung may isang bagay na hindi kayang gawin ni Agnes, iyon ay ang magpayo bilang isang kaibigan. Kaya naman, mas pinili na lamang niyang manahimik.

Agad naman iyong napansin ni Olivia kaya nilingon niya si Agnes at nginitian ito. "Subalit huwag kang mabahala kaibigan. Masaya talaga ako. Masayang-masaya ako." Matapos sabihin ni Olivia iyon ay lumapit siya sa kaibigan at palundag na ibinagsak sa kama ang katawan. "Hay! Napakahaba naman ng araw na ito, hindi ba Agnes?" Ang boses na ginamit ni Olivia ay katulad na lamang ng boses na ginagamit niya sa tuwing siya ay nagpapanggap na lalaki. Natatawang humiga si Agnes sa tabi niya.

"Ganoon nga rin po ang palagay ko Ginoong Ramiro." Nagkatinginan pa sila at muling nilamon ng masasayang hagikhikan ang buong silid. Nauwi sa kwentuhan na halos hindi na nila namalayang sila ay nakatulog na.



I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon