Kabanata 10

606 47 7
                                    

Kabanata 10

IKATLONG KABANATA
Filipinas 1869
Ika-19 ng Desyembre

"Señor Ramiro pinapatawag po kayo ni Señor Carlos sa hapagkainan, gumising na po kayo." Ilan pang mga pagkatok at pagtawag ang narinig ni Olivia o ni Ramiro mula sa Mayor Doma ng Hacienda Laong na si Manang Lucia bago niya napagdesisyunang sagutin ang mga pagtawag.

"Opo, Manang Lucia pakisabi po na paparoon na ako!" sagot na lang nito. Bagama't inaantok pa ay bumangon na ito mula sa pagkakahiga.

Limang taon ang lumipas at ngayon kilala na siya bilang kapatid ng isang negosyanteng inhenyero. Ang dating buhay ni Olivia Cartello Ignacio ay binago nang maging si Ramiro Laong siya. Mahirap para sa isang binibining tulad niya ang magpanggap na lalaki subalit sa pagtagal ng panahon ay kaniya itong nakasanayan.

Matapos maligo ay agad niyang binalutan ng tela ang kaniyang dibdib upang hindi ito mahalata bago suotin ang barong na kagabi pa niya pinahanda. Sinuklay na rin niya ang may kahabaan niyang buhok bago ito ipuyod at tinakluban ng sumbrerong bigay sa kaniya ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Carlos nang bumalik ito noong isang araw mula sa Europa. Presentable ang kaniyang hitsura nang lumabas siya ng kaniyang silid. 

Limang taon ang lumipas at mas lalong dumami ang mga Parokyanong dumarayo sa San Fernando para manood ng pagtatanghal sa Bahay Aliwan na pagmamayari ni Carlos. Kung kaya't lumakas ang kita nito at dahil doon ay naipagawa ang Hacienda Laong. Bumili rin ito ng sariling kalesa. 

Kung titingnan ang loob ng bahay ay masasabi mong kakaiba ito sapagkat pinaghalong estilyo ng Europa at Tsina ang Hacienda na gawa sa mga materyales na galing din sa mga nasabing lugar. Mamahalin ang mga kagamitan at marmol ang mga banga na makikita sa bawat sulok ng mansyon.

Nakarating si Ramiro sa hapag kainan at bumungad sa kaniya ang kapatid na halos maglaway na sa pagkaing nasa kaniyang harapan. Napatawa na lang ng mahina si Ramiro ng dahil sa asal ng kapatid. Napansin naman iyon ng mga katulong na nasa gilid lang at napahagikhik din subalit agad silang sinuway ng Mayor Doma.

"Señor Carlos narito na po si Señor Ramiro. Huwag ninyo na pong pakatitigan ang pagkain," saad ni Manang Lucia. 

Tila ba ay nagbalik sa katinuan ang Señor at umayos pa ng pagkakaupo. Bago hinarap si Ramiro na ngayon ay nakasandal sa isang sulok habang pinagmamasdan siya.

Singkit ang mata ni Señor Carlos, matangkad ito at matangos ang ilong, makisig at nagtataglay ito ng angking kagwapuhan. Ayon sa bali-balita ang Ina ng Señor ay isang Tsinay subalit maaga itong lumisan sa mundong ibabaw dahilan sa hindi mapangalanang sakit at ang kaniyang Ama naman ay isang may mataas na katungkulan sa Europa. Kung kaya't tanging siya lamang ang mag-isang namumuhay sa Pilipinas. 

Ayaw ng kaniyang ama na papuntahin siya sa Pilipinas. Subalit sadyang matigas ang ulo ng Señor. Hilig nito ay ang paglilibot at pagnenegosyo. Noong una ay galit na galit dito ang kaniyang Ama at hindi suportado ang Bahay Aliwang ipinatayo ni Carlos sa murang edad. Gayunpaman, kalaunan ay natanggap din nito iyon ng dahil sa laki ng tagumpay ng Aliwan. Iyon ang usap-usapan na siyang pinaniniwalaan din ni Olivia.

"Nariyan kana pala, mahal kong kapatid. Halika at tayo'y kumain na, kanina pa akong pinatatakam ng kare-kare mo," magiliw na bulalas nito.

"Nakikita ko nga Hermano. Napansin ko ang iyong paglalaway kani-kanina lang." 

Nagluto kagabi si Ramiro ng kaniyang pinagdalubhasaan kare-kare na hinaluan ng hipon at pampalasang galing pa sa Europa at mukhang pinainit ito ng mga katulong. Nagbago ang ekspresyon ni Señor Carlos.

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon