Kabanata 38

106 13 0
                                    

Kabanata 38

Mabilis ang naging kilos ng mga tauhan nila at sa isang iglap ay naipasok na nila ako sa isang kubo kung saan ngayon ay nakaupo ako sa isang pabilog na lamesa kasama ang tila matataas na tao ng samahang ito. Narito ang dating Kapitan ng San Ignacio na malapit na kaibigan ng aking ama. Naroon din ang ilang opisyales ng San Fernando at maging ng ilang mga karatig bayan. Hindi rin nawala sa paningin ko ang Dating Heneral ng San Fernando na si Don Mariano. Nandito rin ang Madame ng Bahay Aliwan na si Madame Racelita. Gulat man subalit mas malaking gulat ang aking naramdaman nang maging si Agnes ay makita ko rito na ngayon ay kasalukuyang pinagsisilbihan kami ng makakain.

"Magsabi ka ng iyong dahilan sa pagpunta rito," marahang saad iyon ni Don Mariano matapos ang marahang pag-inom ng alak sa kaniyang kupita. Hindi lingid sa aking kaalaman na hindi nila ako bubuhayin sakaling magkamali ako ng isasagot sa kanila. Kahit pa ako ay malapit kay Carlos o kay Leonardo man. Subalit may isang bagay ang labis kong ikinatataka at kanina pa iyon gumugulo sa aking isipan. Natitiyak kong hindi ako mapapanatag kung hindi ko iyon malalaman.

"Sinasabi ninyo bang dating pinuno ng samahang ito ang mga magulang ko?" Malayo sa naging tanong nila ang isinagot ko. Sa puntong iyon ay wala ng umimik sa kanila ni isa. Gayunpaman ay nagmatigas ako. Kailangan ko ng kanilang sagot, wala akong sasabihing kahit ano tungkol sa aking pagpunta rito kung hindi sila aamin. "Sagutin niyo ako," mariing wika ko. Doon na tumikhim si Carlos, nanatili namang tikom ang bibig ng ilan.

"Ang iyong Ama at Ina ang nagpasimula ng alyansang ito. Subalit, nang mapag-alaman ng Gobernadorcillo ng San Ignacio ang ginawa ng kaniyang anak, mabilis niyang pinaligpit ang Ama at Ina mo kasama ka upang hindi madungisan ang kaniyang pangalan. Kalahati sa dating mga myembro ay nasawi sa biglaang paglusob ng Gobernadorcillo, at kalahati ang natira't nakatakas para ipagpatuloy ang kanilang nasimulan." Butas-butas na paliwanag ni Carlos. Iyon pa lang ang kaniyang sinasabi ay napapapikit na ako. Ang mga impormasyong narinig ko ay ni wala man lamang akong kaide-ideya. Hindi ko tuloy malaman kung paano ko sila paniniwalaan. Gayunpaman gusto ko paring marinig ang lahat.

"Carlos, sabihin mo sa akin ngayon din ang lahat." Mahina na ang aking boses sa pagkakataong ito. Masyadong pinanghihina ng impormasyong narinig ko ang aking sistema.

"At bakit naman niya sasabihin sa iyo, kagaya ka lamang din ng iyong Lolo. Ano ang alam namin kung isa ka lamang espiya—" Hindi ko na pinatapos pa ang sinasabi ng isang opisyales ng San Nicolas at malakas ko nang naihampas ang kamay ko sa lamesa na siyang nagpagulat sa lahat liban kay Leonardo at Carlos. Lubos nila akong kilala, lumaki ako bilang si Ramiro kung kaya't hindi ako sanay sa kahinhinan at lalong hindi rin mahaba ang aking pasensya.

"Hindi kita kinakausap! Magtigil ka!" naibulyaw ko na iyon sa kaniya. Hindi naman nakaligtas ang mahinang pagbungisngis ni Carlos kung kaya't muli kong ibinalik sa kaniya ang aking tingin. "Uulitin ko Señor, maaari mo bang sabihin sa akin ang lahat?" Sumipol pa ito na tila sa paraang iyon ay mapapatigil niya ang sarili sa pagtawa bago ito tumango-tango. Umakma ng iimik si Carlos nang bigla namang nagsalita si Leonardo.

"Sa oras na humaba pa ang nalalaman mo tungkol dito ay dalawa lang ang maihahandog naming iyong pagpipilian, Olivia," malamig ang boses at walang ngiting turan niya. Nagtagpo ang aming mga mata at unang tingin ko pa lamang alam ko na na labag sa kaniyang loob ang pagpunta ko rito. Subalit hindi ko naman yata kakayaning isipin na tila ako na lamang ang walang alam sa nangyayari, na sila pala ay mga nagpapatiwakal na para sa kalayaang maging ako ay hinahangad habang ako ay naroon lamang sa hacienda ay nakaupo sa loob ng aking silid. Tila hindi naman yata iyon tama. Ikinukubli nila ako sa dilim, hindi nila ako pinoprotektahan. "Kamatayan o katapatan." Walang pikit mata ko siyang sinagot.

"Katapatan." Doon na tuluyang nagtiim ang kaniyang bagang na tila hindi nagustuhan ang aking sinabi.

"Hindi ako sang-ayon."

"At bakit ginoo, mas pipiliin mo bang ako'y iyong patayin?" Bukod sa kaalaman tungkol sa alyansang ito, isang bagay rin ang inihihimutok ng aking puso. Ang katotohanang si Leonardo ang aking tagapagligtas ng gabing iyon subalit hindi niya iyon inamin sa akin.

"Kung gayon ikaw pala ay nakapagpasya na? Hindi mo man lamang kami—" Hindi ko na pinatapos pa ang Ginoo.

"At nagpapatiwakal na kayong lahat subalit hindi niyo iyon pinaaalam sa akin?" bakas ang panunumbat na saad ko. Natitiyak kong natigilan maging si Carlos at Agnes sa itinuran ko. Mukhang hindi na nakapagpigil pa si Leonardo at tuluyan na siyang tumayo upang lisanin kami.

"Bahala ka." Iyon ang iniwan niyang salita bago lumabas ng kubo. Walang umimik matapos iyon at muli lang din akong napapikit. Tuluyan ko ring naikuyom ang aking kamao.

"Ituloy mo na, Carlos." Nakapikit man ay naituran ko iyon at hinayaang umimik ang Señor.

"Ang Cagabong ay sumisimbolo sa tatlong apelyido na bumuo ng samahan. Ca- bilang Cartello o ang iyong Ina. Gab- bilang Gabrero o ang ama ni Leonardo at Ong- bilang Laong na siyang aking apelyido. Ang mga magulang natin ang bumuo ng samahan na may-i-isang layunin." Tumigil si Carlos at ipinagpatuloy ni Madame Racelita ang pagsasalita.

"Ang imulat ang mga mata ng ating mga kababayan na mag-aklas sa pagpapahirap na ginagawa ng mga dayuhan." Ang sumunod na boses na aking narinig ay mula na sa Dating heneral.

"Tanging adhikain nito ay ang kalayaan sa sarili nating bansa. Isang bansang malaya sa maling pagpatay, hindi makatarungang buwis, panghuhusga at pang-a-alila." Lalong dumiin ang pagkakakuyom ng aking kamao. Pilit kong pinroseso ng mabilis sa aking isip ang aking mga nadinig. Hindi na ako nangangailangan ng pagkagulat, kailangan ko itong maunawaan hindi lamang para sa katarungan ng mga namayapa, maging sa kaligtasan ng mga tao sa hinaharap.

Sa muli kong pagmulat ay wala na ang takot na aking nadarama. Buo ang loob na lalaban sa ngalan ng kalayaan.

"Nasa inyo ang aking katapatan."


I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon