Kabanata 30

330 39 5
                                    

Kabanata 30

"Tila malalim ang iyong iniisip at ilang beses ka nitong napabubuntong hininga." Biglang usisa ni Paulita. Binalingan ko siya ng tingin. Hindi naman siguro kalabisan kung aking sasabihin ng pahapyaw sa kaniya ang aking pinoproblema.

"Noong ako ay bata pa, may isang binata ang nagligtas sa aking buhay. Kaya naman, ipinangako ko na hahanapin ko siya at siya ang aking pakakasalan sa hinaharap, subalit ngayong araw ay may napagtanto ako na kakilala ko pala ang binata at malapit lang kami sa isa't-isa. Sa tingin mo Paulita, ano ang gagawin ko?" Nagulat na lamang ako nang mamalayang hindi na lang pala si Paulita ang nakikinig. Maging si Maria at Laura ay nakikiusisa na rin. Tumawa silang tatlo na tila kinikilig sa aking sitwasyon. Napakamot na lamang ako nang aking sintido. Kanina lamang ay abala ang dalawa sa pagtingin ng mga kasuotan sa loob ng kubo.

"Kung ganon naman pala ay napakapalad mo, Mira!" Hinawakan pa ni Maria ang balikat ko. Nagulat man ay napangiti na lamang ako sa huli. Mapalad nga yata ako.

"Subalit, tanging hinala pa lamang ito." Napapayukong saad ko.

"Bakit hindi mo subukang kompirmahin?" Gusto ko sanang sabihin na iyon talaga ang aking balak bago nila ako ayain, subalit ayaw ko namang malaman nila na si Ginoong Leonardo ang aking tinutukoy. Kaya naman huminga na lang ako nang malalim at tinanguan sila. Sa nangyari ay mas naging buo ang loob kong kausapin ang Ginoo tungkol doon.

Kaya naman, bago pa humaba ang usapan namin ay nagdesisyon na akong muli kaming bumalik sa pagliliwaliw sa plaza. Naroon at kay sigla nito at napakaraming mapagpipilian lalo nang sumapit ang dilim. Marami kaming napamili, higit sa aming nabili kahapon.

"Hali na kayo, galing Maynilad ang aming mga kagamitan dito!" sigaw pa nang isang matanda kaya naman na-engganyo kaming apat na tingnan iyon. Subalit, ganon na lamang ang aming pagkadismaya nang mapansing mga luma na iyon. Mula sa mga palamuti sa buhok hanggang sa mga palamuti sa saya at maging sa saya ay kababakasan na ng kalumaan. Hindi naman na iyon bago sa paningin.

"Kay rami na talaga ng manloloko ngayon," mariing reklamo ni Laura. Simangot na simangot siya na siyang ikinatawa ko.

"Hindi na yata iyon maiiwasan ng mga nagnenegosyo," sagot ko na lamang sa kaniya. Kasalukuyan kaming naglalakad ngayon pabalik. Wala nang gaanong kalesa ngayon kaya naman wala na kaming nagawa kundi ang maglakad.

"Kahit na, hindi nararapat ang ganoon. Masama ang manloko!" segunda naman ni Maria. Tumango-tango si Paulita. Napatawa nalang lalo ako.

"Hayaan niyo na. Ang mainam ay hindi tayo nagpaloko." Sa puntong iyon ay sumang-ayon sila sa akin. Namahagi na lamang ako nang suman na binili ko kanina para naman may makain kami habang naglalakad pabalik. Saglit pa kaming nag-kwentuhan, nag-asaran at nagkatawanan. Subalit sabay-sabay na lamang kaming natigilan nang makaramdam ng pagkaluskos.

"Naririnig niyo ba iyon?" nagtatakang tanong ni Maria. Halos panabay kaming napatango sa puntong mas lumakas na ang pagkaluskos. Lalo nang marinig na namin ang kakaibang yabag ng mga kabayong tila paparating.

Madilim ang lugar na kinalulugaran namin at ang tanging tanglaw namin ngayon ay maliwanag na sinag ng buwan. Sa hindi maintindihang dahilan ay bigla akong kinabahan. Hindi iyon maganda, kailan ma'y hindi ako kinabahan para sa wala lamang. Napapikit na lang ako at nang muling magmulat ay agad ko na silang nahilang tatlo.

"Bilisan na natin!" mahina kong hiyaw. Doon na bumakas sa mukha nila Laura ang takot. Kahit ako ay natatakot din, hindi ko alam kung ano ang nangyayaring ito. Subalit, malakas ang aking kutob na hindi lamang padaan ang mga kabayong aming naririnig. Nangyari na ito, nangyari na ito nang makita ko si Agnes sa kagubatan. Napapikit na lamang ako. Hindi ito pwede.

"Hulihin sila!" Sa sigaw na iyon nang isang Gwardya Sibil ay mas lalo na kaming napatakbo.

"Ano bang nangyayari?" mariing sigaw ni Laura. Sa puntong iyon ay tuluyan na kaming nakapasok sa liblib na kagubatan. Wala kaming ibang maisip na paraan kung hindi ay tumakbo. Walang tigil na pagtakbo para sa kaligtasan.

"Tumakbo lang kayo! Walang titigil!" Halos mabitawan na namin ang aming nga napamili. Nagkakanda tisod at nadadapa na rin. Naririnig ko na rin ang marahang paghikbi ni Laura at Paulita, ganon pa man ay desidido kami ni Maria na mailigtas ang bawat isa sa amin. Kaya naman, bagama't nahihirapan ay pilit naming hinihila ang dalawa at kung minsan ay nakakaladkad na namin sila.

Subalit, mukhang hindi sumang-ayon ang tadhana. Mas mabilis sila.

"Ayoko na.. tumakbo na kayo.. Iligtas niyo ang sarili niyo.." Hinihingal-hingal pa si Paulita habang nakadapa sa gitna ng masukal na kagubatan. 'Di kalayuan ay namamasid na namin ang mga liwanag mula sa sulo (bamboo torch) nila.

"Magtigil ka, Paulita! Hindi ka namin magagawang iwan dito! Hindi natin alam kung ano ang kailangan nila sa atin!" marahas na sigaw ko sa kaniya. Bagama't tagaktak na ang mga pawis at talagang 'di na maawat ang malalalim na paghinga ay hindi ko ititigil ang pagtakbo.

"Subalit—" Hindi na natapos ni Paulita ang sasabihin nang bigla na lamang siyang sampalin ni Maria. Tahimik na naiyak na lang si Laura na siyang hawak-hawak ko.

"Gumising ka! Hindi ngayon ang oras para tumigil tayo sa pagtakbo! Mahaba na ang ating pinagsamahan! Malayo na ang narating natin nang magkakasama! Malaki na ang ating naisakripisyo! Ngayon pa ba tayo titigil? Paulita, kailangan tayo nang mga pamilya natin!" Sa puntong iyon, bagama't naiiyak man ay isinawalang bahala ko na. Kumilos ako nang mabilis para matulungan sila. Sabay naming hinila si Paulita subalit mukhang huli na ang lahat.

Sa isang iglap ay nabitawan ko na lang si Laura.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon