Kabanata 27

323 30 1
                                    

Kabanata 27

"Magmadali kayo mga Binibini! Ang pagtatanghal ay magsisimula na!" hiyaw iyon ni Madame Racelita at halos mapatalon ako sa pagkagulat dahil doon.

"Mira, huwag kang malikot aking inaayos ang iyong buhok," suway sa akin ni Maria na nauna nang nakatapos sa pag-a-ayos. Mag-a-ala-sais na nang hapon at tiyak na magsisimula na ang prosisyon bago susundan ng pagtatanghal sa harapan ng bagong patayong simbahan. Kasalukuyan kaming nasa harapan ng salamin sa likod ng entablado. Tapos na rin halos sina Laura at Paulita, ako na lamang talaga ang hindi. "Hayan, tapos na!" Dali-dali na kaming nagtatakbo palabas nang matapos. Tiyak na hindi magugustuhan ni Madame Racelita kung kami ay mahuhuli.

Tradisyon na raw talaga ng San Fernando ang prosisyon sa pagsapit ng kapaskuhan. Nakapagtatakang wala nang gumagawa nito sa hinaharap, na tila nakalimutan na ang lahat ng may kaugnayan sa bayang ito. Na ultimo ang existence nito ay hindi man lang nailathala sa kahit anong libro.

Nakapagtataka talaga.

Nagkibit-balikat na lang ako sa isiping iyon at dali-dali nang sumakay sa kalesa. Agad iyong umandar patungo sa simbahan. Doon ay hihintayin naming makarating ang prosisyon bago kami magsimula.

Sa daan pa lamang ay kita ko na ang napakaraming taong nakidalo sa prosisyon. Ang ilang mga matatanda ay nagsisimula nang dasalan ang mga santong kanilang sinusundan. Ang mga ito ay mga nakaputi at may mga belong suot. Kasama nila ang mga madre at mga ka-parian. Naroon sa unahan ang mga batang may hawak na kandilang nagtutuluan habang hatak ang lubid na nagsisilbing harang sa mga pilit na dumadagsang tao. Naroon ang mga mayayamang Espanyol na panay ang paypay na tila iritado na sa nangyayari. May mga gwardya sibil sa gilid ng lubid na harang na kung saan ay hinahagupit nila ang mga taong nawawala sa pila. Napapikit na lang ako nang makitang hampasin ng isang gwardya sibil ang musmos na batang hindi makasabay sa mga kapwa bata dahil sa kaliitan.

Mali ito! Kawawa ang bata. Nasaan na ba ang mga magulang niya? Ganito ba talaga rito?

Bigla ay parang naluha ako.

"Tila hindi ka yata sanay na makakita ng karahasan Mira." Nabaling ang tingin ko kay Paulita dahil doon.

"Huwag mo na lamang tingnan kung hindi mo masikmura. Pikit mata mong iwasan upang hindi ka mapahamak," seryosong turan ni Maria na agad namang sinang-ayunan ni Laura.

"Wala tayong magagawa, Mira." Mas lalo ay parang gusto ko na lang maiyak sa naririnig sa kanila. Tila ba sanay na sanay na sila sa ganitong patakaran.

Nang muling mabaling ang tingin ko sa labas ay isang matanda naman ang nilatigo ng gwardya sibil. Sa pagkakataong iyon ay mabilis nang isinara ni Laura ang bintana kaya naman hindi ko na nasaksihan ang sumunod na nangyari. Tuluyang tumulo ang luha ko nang mapapikit ako. Hindi talaga ito tama, hindi dapat ganito. Paanong pinagmamalupitan ng katulong ang may ari ng bahay? Paanong pinagmamalupitan ng dayuhan ang siyang mga taong may-ari ng bansa? Iyon ang hindi ko makuha.

Sa pagtigil ng kalesa ay siyang pagmulat ko rin. Pinunasan ko ang mga mata ko't bumaba na. Kailangan nang matapos ito, masyado na talaga akong napapagod.

Nang makarating doon ay agad nang nag-ayos ang mga trabahador ng aliwan. Ang bawat props ay hinanda na rin nila. Hindi naman nagtagal at dumating na ang mga Santo kasabay ng prosisyon. Napakaliwanag, dala na rin ng bawat kandilang sinindihan ng mga tao sa prosisyon. Kasabay ang biglang pagsisimula ng pagtatanghal sa harapan ng simbahan kung saan naroon ang mga aktor na pinoportray sina Maria at Jose. Kung papaanong isinilang si Jesus sa mundo. Nakaaaliw iyon dahil napakagaling ng mga aktor. Nang tuluyan nang hipan ang flauta ay nagsimula na kaming kumanta.

♪Papuri sa Diyos
Papuri sa Diyos
Papuri sa Diyos
Sa kaitaasan

Halos mapagaw ang boses namin sa pag-awit dahil hindi naman kami gumamit ng mikropono at talagang sariling boses naming apat ang ginamit para sa pag-awit.

Nang matapos ang successful na pagtatanghal ay nagsimula naman ang misa. Dumalo ako at doon ko nakita muli sina Leonardo. Siya agad ang una kong nakita dahil sa angking tangkad at kisig niya na halos mabali na ang leeg ng mga Espanyolang kadalagahan. Napairap nalang ako.

Kahabagan nawa sila ng may kapal.

Nagsimula ang misa at Espanyol ang salita kaya hindi ko rin lubos maintindihan. Gayunpaman ay pinilit ko ang sariling manahimik at makinig na lang.

Matapos ang misa ay akmang lalabas na ako para roon hanapin sina Carlos at Agnes upang maka-uwi na o di kaya ay magpaalam muna kila Laura at Madame Racelita. Pagod na pagod na talaga ako at gusto ko nang magpahinga. Subalit, 'di ko na iyon nagawa nang bigla ay may humila sa akin patungo sa likod ng simbahan. Magpupumiglas pa sana ako subalit nang makitang ito ang sakristan ay agad na akong natigilan.

"Paumanhin sa aking kapangahasan, binibini. Subalit, mayroon akong importanteng sasabihin sa iyo." Agad na panimula niya.

"Kagaya mo ay marami rin akong tanong." Nagugulumihanan na talaga ako sa nangyayari. Bagama't wala namang masamang nangyari ngayong araw ay pakiramdam ko nakagawa ako ng napakalaking pagkakamali. Kinabahan na ako nang hawakan niya ng mahigpit ang kamay ko.

"Makinig ka, Laveinna. Sa pagdating mo rito ay walang nakilalang Aling Pasita si Olivia bagkus ay ako ang nakilala mo. Isang malaking pagkakamali na hindi na natin mababago. Ngayon ay nakuha kayo nang atensyon na hindi niyo sinasadya. Maghanda ka, darating na ang sakuna." Tuluyan na akong kinilabutan sa salitang binitawan niya. Tuloy, tila lahat ng buhok ko sa katawan ay nagsitayuan. Sinabayan pa iyon nang dalisay subalit napakalamig na hampas ng hangin. Maging ang puno ng makopa sa tabi namin ay nagagalawan sa lakas ng hangin.

"Olivia?" Boses iyon ni Agnes kaya naman agad na nabaling ang tingin ko sa kaniya. Subalit, nang ibalik ko iyon sa sakristan ay para na lamang itong nawala na parang bula. "Olivia, anong ginagawa mo riyan?"

I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon