Kabanata 70

105 11 0
                                    

Kabanata 70


Lumipas ang mga araw at doon ko napagtantong nasa isang batang limang taon ang aking katawan nang pilit kong aninagin ang sarili ko sa salamin. Alam kong ako pa rin ito subalit nasa katawan ng limang taong gulang na ako.

Peter din ang tawag nila sa akin. Bagay na hindi ko maipaliwanag ng lubos. Sinubukan kong umimik upang magtanong tungkol doon subalit tila natatawa lamang ang aking Ama sa aking pinagsasasabi. Napagtanto kong ang kaniyang kasama ay ang kaniyang asawa na siyang akin daw Ina at Ama.

"Napansin mo ba hon na parang may kakaiba kay Peter?" Mula sa silid ay rinig ko silang nag-uusap sa tila silid pahingahan ng bahay na batong ito na lubos ko talagang ikinamamangha.

"Guni-guni mo lamang iyon, Melinda. Sadyang madaldal na lamang si Peter dahil limang taon na siya," wika ni ama. Pilit ko pa ring pinagtatagpi-tagpi ang lahat ng nangyari subalit hindi ko pa rin ito maipaliwanag. Naguguluhan at lubos akong nalilito.

"Siya, oo na baka nga guni-guni ko lang. Saglit, ano nga palang petsa ngayon hon?" Patuloy ko lang silang pinakikinggan dahil gusto kong malaman kung bakit ako nandito. Kung ano ang nangyayari at bakit ganito ang aking katawan. Muntik ko na ngang isipin na baka ako ay nababaliw na.

"September 2, 2005." Parang binasag ng salitang iyon ang tenga ko. Hindi ako ganoon kamang-mang upang hindi malaman ang kaniyang sinabing petsa ay ika-dalawa ng Setyembre taong dalawang daan at lima. Halos ilang taon din akong namalagi sa Paris noon at ilan sa kanila ay nakakausap ko sa wikang Ingles. Kung kaya naman madali sa aking maintindihan ang kanilang pinaguusapan.

Kung gayon ay nanggaling ako sa taong isang libo walong daan at pitumpo? Paano nangyaring napunta ako sa taong dalawang libo at lima?

Ang tanong na iyon ay dala-dala ko ng halos ilang taon. Um-edad na ako't lahat sa katawang ito at lumipas na ang halos walong taon ay hindi ko pa rin maintindihan ang nangyari. Gayunpaman ay sinubukan kong mag-adopt. Pinilit at nagawa ko naman ng maayos.

Pinag-aral ako ni Mommy at Daddy . Doon ko napag-alamang lumipas na nga ang napakaraming taon. Ilang digmaan na rin ang nagdaan at lubos kong ikinasaya nang malamang tinupad ni Jose ang aking pinag-uutos sa kaniyang ipagpatuloy ang kaniyang pasusulat. Hindi ko akalaing ang aming pagkikita sa Ilog Pasig ay kaniyang ilalathala sa kaniyang akdang El Filibusterismo. Bagay na hindi ko inasahan gayunpaman ay lubos kong ikinagagalak bagama't ako na lamang ang nakaaalam.

Kung aking susumahin napagisip-isip ko na mukhang ito ang next life. Subalit hindi ko naman maintindihan kung bakit dala ko pa rin ang alaala ko bilang si Leonardo. Ninais kong balikan ang dating San Fernando at San Ignacio. Nagresearch din ako patungkol doon bagama't nakatira kami sa Spain at umuuwi lamang upang bumisita sa Quezon City para sa mga kamag-anak ni Daddy at Mommy roon. Napag-alaman kong wala na ang San Fernando at ang lahat ay sinakop na ng Bayan ng San Ignacio. Napag-alaman ko rin ang mga pagbabago roon subalit ni minsan ay hindi ako nakauwi.

Pinoy man si Daddy ay mas pinili niyang manirahan kami sa Spain dahil nandito ang kaniyang negosyo. Si Mommy naman ay isang Filipino-Chinese. Trabaho nila ang magbenta ng lupa rito bagay na hindi ko inasahang mangyayari sa akin. Kung iisipin ay lubos ang aking pagkahindik sa mga dayuhang Espanyol noon. Subalit sa pagkakataong ito, isang bagay ang napagtanto ko. Hindi ang mga dayuhan ang pinakakalaban ng mga Pilipino noon. Dahil ang katotohanan ay ang sarili nila ang lubos nilang kalaban noong panahong iyon at magpasahanggang ngayon.

Sinubukan ko rin namang mangalap ng impormasyon patungkol sa nangyari sa amin. Umaasang masasagot ni Google ang lahat ng katanungan ko. Subalit wala kahit isang article akong nakuha patungkol doon.

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon