Kabanata 59

38 6 0
                                    

Kabanata 59

Namulat ako sa mundong ibabaw na kinikilala ang kalupitan at kawalang katarungan bilang isang bagay na hindi na kailanman mababago pa. Subalit, sa gitna ng dilim ng gabi noo'y ninais kong maging isang alitaptap na magbibigay liwanag sa lawang binabalot na ng dilim, bagama't panandalian lamang.

Ipinanganak akong walang Inang kinikilala dahil namatay ito nang ako ay isilang sa mundo. Namatay naman ang aking Ama nang ipag-utos na patayin ang lahat ng mga may lahing Tsino ng Gobernadorcillo ng San Ignacio. Nabuhay ako sa gitna ng kadiliman at hindi alam ang salitang liwanag. Ang lawa ang aking naging kanlungan at siyang lubos kong kinapapanatagan.

"Kumain kana hijo," nakangiting utos sa akin ng Señor na makailang ulit na rin lang akong binisita rito sa aking bahay. Marahan pang iniisod ng Señor ang sisidlan ng mga naglalakihang tinapay. Napatitig lamang ang aking mata sa kaniya, nagtataka at nagtatanong.

Ano kaya ang binabalak niya sa akin? Kagaya lamang din ba siya ng naunang lumapit sa akin? Ako ba ay balak niyang pagnakawan?

Pinilit ko ang sariling hindi matakam sa mga tinapay na nasa harapan ko. Dinala niya ang mga ito sa kubo na aking tinitirahan sa tabi mismo ng lawa. Siguro ay isa siyang mangangaso. Naghahanap lamang marahil siya ng masisilungan. Nanatiling tikom ang aking bibig at pilit na itinitikom iyon bagama't nalalanghap ang masarap na aroma ng tila bagong hango lamang na mga tinapay. Minasa ng may halong tamis at pagti-tiyaga.

Napalunok ako.

"Hindi mo ba nais tikman ito?" Nalungkot ang mukha ng Señor sa tanong niyang iyon. Sa hindi ko malamang dahilan ay talagang maging ako ay nadala sa kaniya kung kaya naman nagkusa na ang aking mga kamay sa pagkuha ng tinapay. Doon na ito natawa, subalit aking isinawalang bahala.

Masarap, matamis at napakalambot ng aking kinakain. Ito pala ang lasa ng tinapay. Matapos lumisan ni Tatay ay halos hindi na rin nakatikim ng kahit anong dayuhang pagkain ang aking kalamnan. Nabubuhay sa mga prutas at gulay na akin lamang namamasdan sa paligid.

Nang araw na iyon ay wala sana akong balak na patuluyin sa aking bahay ang Señor na nagpakilala sa akin bilang Manuel Ignacio. Sa kaniyang apelyido pa lamang ay alam ko nang kapahamakan lamang ang mangyayari sa akin. Lalo na at ang aking Ina't Ama ay namatay dahil na rin sa mahigpit na pamumuno ng kaniyang ama na siyang kasalukuyang Gobernadorcillo. Sa edad na lima ay naiintindihan ko na ang takbo ng mundo. Hindi maaaring makisalamuha ang mga Indiong katulad ko sa mga Espanyol na katulad nila. Karangyaan o kamatayan, sa dalawang pagpipilian ay ang kamatayan ang kanilang dala. Subalit ang aking balak na iyon ay akin din lamang natuptop nang umulan at tuluyan na siyang makapasok.

"Mag-isa ka lamang dito?" Pagtataka ang bumakas sa kaniyang mukha nang masilip ang maliit kong bahay. Tanging silid lamang iyon at ilang sisidlan na naglalaman ng tatlo kong kasuotan na aking pinagpapalit-palit lamang. Hindi ko siya inimikan at inabala ang sarili sa pagkain. "Kung gayon ay mag-isa ka nga lamang dito." Nahihinuha ko na ang kaniyang sarili ang kaniyang kinakausap. Hindi ko na lamang siya muling pinansin pa. "Leonardo, ano kaya kung ikaw ay sumama sa akin?" Naalerto ako nang tawagin na niya ang aking ngalan. Kanina pa akong nananahimik at ang banggitin niya ang aking ngalan ay iisa lamang ang ibig sabihin. Kilala na niya ako bago pa man siya maligaw rito. Sabi ni Ama ay huwag akong pakakatiwala sa mga taong kilala na ako ngunit hindi ko naman kilala. Kaya naman, bago pa niya ako maunahan ay mabilis ko ng binitawan ang tinapay at nakuha ang aking maliit na pana at palaso sa likod ng aming pintuan. Ginawa pa ito ni Ama para sa akin, para akin daw maprotektahan ang aking sarili. Itinutok ko ang mga ito sa kaniya na talagang ikinagulat naman niya bagama't bahagya.

Natigil ang ginoo sa paglilibot sa aking makipot na bahay na gawa lamang sa murang kawayan. Gayunpaman ay panandalian lamang iyon dahil nauwi rin ang lahat sa kaniyang pag-ngisi.

"Hindi mo maaaring hawakan ang iyong pana at palaso ng ganiyan Leonardo," nanunuya niyang saad. "Wala kang karapatang humawak niyan kung ganiyan naman ang iyong paraan." Sa isang iglap ang aking pana't palaso ay kaniyang kinuha ng walang kahirap-hirap sa akin. Bagay na mas lalong nakapagpasama ng aking loob. Kung kaya naman, sa unang pagkakataon ay umimik na ako.

"Ang palasong iyan ay akin at mananatiling akin lamang!" Sinubukan ko siyang sugurin subalit hindi kinaya ng maliit kong katawan ang biglaang pagbitbit niya sa kwelyo ng aking camisa. Walang kahirap-hirap niya akong inangat na naging dahilan ng saglit kong pagkakasakal.

"Nakatutuwang hindi naman pala ikaw isang pipi." Tumatawa pa ang ginoo na tila tuwang-tuwa sa akin. "Kung gayon ay humayo na tayo at dadalhin kita sa bago mong tirahan lalo at pagabi na rin." Patuloy ako sa pagpupumiglas subalit wala akong lubos na lakas higit sa kaniya.

Ano ba ang tinuturan ng Señor na ito? Ang akala niya ba'y ako'y basta na lamang sasama?

"B-Bitawan mo ako! B-Bitawan mo ako!" Panay ang pagpupumiglas ko bagama't nahihirapan na talaga.

"Bibitawan lamang kita bubwit kung ikaw ay mangangakong sasama." Tila nakikipagnegosasyon pa ito sa akin na mas lalo kong hindi nagustuhan.

"Hindi ako sasama! H-Hindi kailanman!" Muli itong tumawa na mas ikinainis ko. Nambubuska lamang ang Señor na ito. Pinagkakatuwaan niya ang aking paghihirap.

"Lubos mo akong pinapahanga. Ikaw nga ay anak talaga ni Marcelo at Magda." Tuluyan na akong natigilan sa pagpupumiglas nang kaniyang banggitin ang pangalan ng aking ama't ina.

"S-Sino ka?"

"Narito ako upang humalili sa kanila."

Hindi ko inasahang ang araw na iyon ang babago ng madilim kong pamumuhay. Kinupkop, binihisan at inaruga ako ni Señor Manuel. Itinuring niya akong nakababatang kapatid na malimit niyang isama sa pagdalaw niya sa kaniyang binibining sinisinta na si Binibining Geneva at gayundin naman ay tinuruan akong magbasa, magsulat, umawit, tumugtog, at magkumpuni ng mga gamit.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon