Kabanata 49

284 24 4
                                    

Kabanata 49

Sa gitna ng kadiliman may liwanag pa bang matatanaw? Sa dilim na tumataklob sa liwanag maaari pa kaya kaming mabuhay? May pag-asa pa ba kung kapwa nilalamon na kami ng takot at kasakiman. Mga bagay na siyang sumisira ng matatag na pundasyong na nililok ng kapalaran. Ano na lamang ang sunod na mangyayari? Sa kamatayan ba hahantong ang lahat? O may pag-asa pang matatanaw?

Maging ako ay hindi masagot ang tanong na naglulumikot sa aking isipan sa loob ng paglagi ko sa loob ng napakadilim na kulungan.

Ang maingay na tunog ng pagsarado ng bakal na humaharang sa aking paglabas ang siyang tanging nagsisilbing ingay sa paligid. Maaamoy sa buong paligid ang masangsang na amoy ng dugong tila binabalot ang kadiliman ng silid. Hindi nakaligtas ang mga daga na nagsisigala at agiw na siyang binubuo ng naglalakihang gagamba. Hilam ang aking mukha sa lantarang pagbuhos sa akin ng tubig sa mukha ng gwardya sibil na kalalabas lamang. Tila iyon ang ginawa niyang paraan upang ako ay gisingin at kaniya mismong ipaalam na oras na ng pagkain.

Sumasakit ang aking katawan dahil sa walang tigil na pagpaso ng nagbabagang bakal sa aking magkabilang binti nitong mga nakaraan. Subalit mas lubos ang sakit na aking nararamdam sa mga oras na ito. Naninikip ang aking dibdib sa aking sinapit, ni minsan ay hindi ko lubos inasahang darating ang araw na ito sa aking buhay. Gayunpaman ay mas gugustuhin kong tanggapin ang pagpapahirap at ang kamatayang kanilang unti-unting ipinapadama sa akin kung ang kapalit niyon ay ang kaligtasan ni Leonardo.

Tatlong araw na ang nakakalipas nang kami ay ipiit ni Señor Carlos sa piitan ng San Nicolas. Binibigyan naman nila kami ng makakain subalit matapos ay pahihirapan din upang magsalita kung sino ang pinuno ng aming alyansa. Isa na rin marahil sa dahilan kung bakit kami ay hindi pa hinahatulan ng kamatayan. Maging si Agnes ay hindi nakaligtas sa pagpapahirap. Hindi ko na tuloy alam kung ako ba ay maawa o kagagalitan siya.

Lubos pa rin ang aking pagdadamdam sa kaniyang ginawa. Dapatwat pilit ko pa rin siyang inuunawa. Subalit hindi ko talaga lubos maintindihan ang kaniyang naging desisyong pangta-traydor sa amin.

Sa pagkalampag ng rehas sa kabilang bilangguan alam kong pinipilit ni Carlos ang kaniyang sarili na makalabas sa pinagkakakulungan.

"De puta!" Napapitlag na lamang ako sa malakas na sigaw na iyon ni Carlos. Napapikit at pilit inaalis ang pansin sa pagkaing nakahain sa akin. Hinayaan ko ang sariling hindi gumalaw sa pagkakaupo sa gitnang parte ng bilangguan at inalala ang mga masasaya naming ala-ala ng magkasama. "Bakit mo ito nagawa sa akin Agnes! Paano mo nagawa ito!" Puno ng puot at galit ang ginoo na tila nais niyang humingi ng sagot sa babaeng nasa kabilang selda. Umiiyak lamang ito at tila sising-sisi sa kaniyang ginawa.

Naikuyom ko ang aking mga kamay upang sa ganoong paraan ay makalma ko ang nag-a-alab na galit sa aking puso. Hindi ko lubos mapagtanto na nakaya niyang ipagkanulo ang pagkakaibigan namin para sa pag-ibig niya sa Señor na tila hindi naisip ang aming mga pinagsamahan. Natatakot akong humantong ito sa kamatayan, subalit kung ang kamatayan lang ang tanging paraan upang mailayo ang pangalan ng Ginoo sa gusot na ito ay lubos kong ikagagalak. Hindi lamang para sa aking pag-ibig, bagkus ay para na rin sa buong Cagabong. Marami ang umaasang kami ay magtatagumpay at iyon din ang nais kong mangyari.

Natigil na lamang ang aking pag-i-isip nang tuluyan nang nagambala ng mabibilis na yabag ang pasilyo ng bilangguan. Hindi na ako nagtaka pa nang magsidatingan ang ilang gwardya sibil upang muli akong interogahin.

"Ano ang gagawin ninyo sa kaniya?" Halos kalampagin ni Carlos ang rehas ng kaniyang piitan sa nakikitang pagpasok ng mga ito sa aking kulungan. Napangisi na lamang ako nang ako ay damputin at paupuin sa isang upuan kasabay nang biglaang pagbuhos ng tubig. Mabilis nilang naitali ang aking mga kamay at maging ang paa ko kung kaya't hindi na ako nakagalaw pa. Akin namang halos malunok ang ilang tubig na ibinuhos sa akin mula sa napakalaking banga na kanilang bitbit. Dahil na rin siguro sa aking pagkabigla kung kaya't halos malunod ako sa tubig na kanilang ibunubuhos sa sugatan kong katawan. "Pakawalan ninyo siya! Mga hayop kayo!" Ang sigaw na iyon ay tanging narinig ko na lang nang maubos na ang tubig.

Jusko, ano ang nagawa kong kasalanan para ito ay aking danasin?

Habol ko ang aking hininga na tila hindi magtatagal ay mapapagaw na. Subalit patuloy ko iyong nilalabanan hanggang sa kahuli-hulihan. Kailangan kong lumaban hangga't kinakailangan.

Nangiwi ako nang hantarang higlatin ng gwardya sibil ang aking buhok na naging dahilan ng pagtingala ko. "O, ano na ngayon, binibini? Sasagutin mo na ba kami?" Bagama't nanginginig, nangangalumata at hirap nang huminga ay nginisian ko pa rin ito bilang sagot.

"W-Wala akong sasabihin sa iyo." Mas nilawakan ko ang aking pagkakangisi na mukhang lubos niyang ikinainis. Kung kaya naman hindi pa man ay lumipad na ang mabigat nitong kamay sa aking pisngi. "Tonta!" Marahas na napabaling sa gilid ang halos mamaga kong pisngi subalit pinilit ko pa rin mangiti.

"S-Sa oras na makalabas ako sa piitang i-ito, ipinapangako kong.. sa'yo unang lilipad ang aking palaso," may diing turan ko habang kinakatitigan ang halos manlaking mata ng Gwardya Sibil. Sa aking palagay ay mataas ang kaniyang rango, batay na rin sa kaniyang inaasta. Mukhang mas lalo lamang itong nainis kung kaya naman umakma itong muli akong pagbubuhatan ng kamay subalit mula sa labas ay may pumigil dito.

"Gregor, detente." (Gregor, stop.) Boses pa lamang nito ay napapikit na ako. Hindi ako maaaring magkamali ng hinuha, alam kong ang taong bagong dating ay ang kasalukuyang Gobernadorcillo ng San Ignacio. Narito na naman ito upang ako ay kausapin sa mga bagay na hindi ko naman na gusto pang alamin.

Noong nakaraang araw ay kaniya rin akong binisita. Hinawak-hawakan pa ng mahalay na Don ang aking mukha na tila may bahid ng pagnanasa. Nakasusuklam ang paraan ng kaniyang paghaplos sa aking balikat gayundin naman ang bawat pagbulong niya sa akin habang ikine-kwento kung papaano niya pinaslang ang aking mga kaawa-awang magulang.

Ito ay isa nang ganap na baliw. Nag-aral ako ng medisina sa loob ng limang taon kong pagbabalat kayo bilang si Ramiro at ang ipinapakitang agresibong ugali nito ay masasabi ko talagang wala ng lunas ang karamdaman niyang aking pinangalanan bilang kasakiman.

Tuluyan nang gumilid ang Gwardya sibil at pinadaan ang Don. Pumailanlang naman ang marahas na pagwawala ni Carlos na naging dahilan ng saglit na paghudyat ng Gobernadorcillo sa kaniyang mga tauhan. Hindi naglaon ay narinig ko na lamang ang marahas na pagbukas ng rehas, mga yabag hanggang sa maging ang impit na pagdaing ni Carlos ay akin na ring napakinggan.

Doon na ako tuluyang napamulat at akmang magpupumiglas nang sabunutan ako ni Don Miguel Ignacio. May riin iyon at mas masakit sa kaninang ginawa ng kaniyang tauhan. Subalit ang biglang paglapat ng labi nito sa puno ng aking tainga ay ang siyang ikinalunok at ikinanginig ko. "Manang-mana ka talaga sa iyong Ina, maging ang inyong lasa ay parehong-pareho na." Gusto ko siyang sakmalin at itarak sa kaniyang dalawang mata ang aking mga palaso. Wala itong konsensya, binaboy niya ang pagkatao ng aking Ina bago paslangin. Nagawa niya pa iyong sabihin sa akin nang hindi man lamang kumukurap noong isang araw at mukhang iyon ang balak niya sa akin. Nakakasulasok siya. "Sabihin mo lamang sa akin ang pangalan ng inyong pinuno ay maililigtas kita Olivia. Mamumuhay ka bilang aking ikalawang asawa, hindi ba at maganda iyon?" Tila naliligayahan pang turan nito. "Ang akala mo ba ay maitatago ng salakot ang iyong karikitan? Unang kita ko pa lamang sa iyo ay alam kong ikaw ang binibining mang-a-awit na aking nasilayan noong nakalipas na bagong taon." Hinawakan nito ang aking mukha at akmang hahalikan ang aking pisngi nang mabilis ko itong iiwas.

Sumpain nawa siya ng Diyos na maawain. Sunugin nawa ang kaniyang kaluluwa sa impyerno. Lubos kong isinusuka ang katotohanang ako ay kaniyang apo.

"I-Isusunod kitang papatayin, tandaan mo. Gagamitin ko mismo ang pang-ipit ng aking Ina at itatarak sa maitim na budhi mo!" matapang na turan ko habang mariing nakikipagtitigan sa kaniya. Dahil doon ay muli akong nakatanggap ng sampal na talaga namang dinig sa bawat kanto ng bilangguan. Tuluyan na rin akong napaluwa ng dugo ng isang malakas na suntok sa sikmura ang ibinigay nitong pasakit sa akin.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon