Kabanata 50

117 11 0
                                    

Kabanata 50

"Hayop kayo! Pakawalan niyo siya! Mga hayop kayo! Hayop!" Sa nanlalabong mata ay pinilit ko pa ring tumawa sa pinaka malakas na paraang aking magagawa. Humalakhak ako ng husto na siyang ikinatigil nila.

"Hindi nyo g-gugustuhing.." Naghabol ako ng hininga bago muling nagpatuloy. "A-Ako ay m-makalabas pa ng buhay sa seldang ito..." Naputol ang aking sasabihin nang sumigaw ang umiiyak na si Agnes.

"Don Miguel hindi ito ang napag-usapan natin! Pakiusap, palayain niyo na po kami." Nanginig ang aking kalamnan sa binitawang iyon ni Agnes. Hindi ko matanggap at kailanman ay hindi ko matatanggap.

"T-Tonta.." (Fool..) Iyon ang aking huling nasabi sapagkat hindi rin nagtagal ay dumating na ang nagbabagang mga bakal na ngayon ay balak nilang ilapat sa sugatan ko nang hita.

"Umimik ka!" Tuluyan akong napasigaw ng sobrang lakas nang kaniyang idiit ang bagay na iyon sa aking hita. Galit at tila handa na akong patayin pa. Subalit hindi, mananatiling tikom ang aking bibig at hindi kailanman iimik.

"Mabuhay ang Cagabong!" Buong lakas kong isinigaw iyon sa harapan nila. Nagtutuluan ang hindi lang mga luha maging ang aking pawis ay sumasama na rin. "Katapatan!" Doon na ako muling sinampal ng Gobernadorcillo na siyang ikinabagsak na ng aking upuan kasama ako.

"Manang-mana ka talaga sa iyong ina!" Galit na galit niya akong pinagsusuntok sa tiyan, sa binti, sa braso, sa dibdid, at sa kung saan-saan pa. Halos mamatay ako sa paghiyaw pero patuloy na lumalaban. "Sino ang pinuno ninyo? Sumagot ka!" Kung papatayin lang din naman nila ako. Mas gugustuhin kong isama sa hukay ang pangalang itinatanong niya.

Wala akong sasabihin, walang ibubunyag!

"P-Patayin mo man ako ay wala akong sasabihin, hangal!" nanginginig kong sigaw. Tuluyang nasira ang aking kinauupuan nang kaniya na akong sipain sa sikmura na siyang ikinatalsik ko sa kabilang gilid ng selda.

"Kung gayun ay wala ka naman na palang silbi." Mula sa halos singkit ko nang mata ay natanawan ko pa kung paano nito hinugot ang baril ng katabing gwardya sibil at ikasa iyon.

Napangiti na lang ako dahil doon. Handa na akong harapin ang patutunguhan ng lahat. Kung mamamatay ako ngayon, mamamatay akong naglilingkod ng tapat sa aking sinumpaan para sa kalayaan ng bayan. Walang pag-iimbot ni takot.

Nginisian ko ito.

Subalit bago pa man mangyari ang aking inaasahan, isang sigaw ang hindi ko kailanman napaghandaang maririnig na papailanlang mula sa selda ni Carlos ang aking napakinggan.

Ginimbal niyon ang buo kong pagkatao.

"Si Leonardo! Si Leonardo Gabrero! Siya ang aming pinuno! Tigilan niyo na si Olivia! H'wag niyo siyang patayin, pakiusap! H'wag ang kapatid ko!" Humahagulgol na ang Señor subalit halos takasan ako ng kaluluwa nang dahil doon.

Sinabi na niya, katapusan na ng lahat. Diyos ko!

Tila ang buong katawan ko ay biglang nanlamig. Umugong ang aking tainga na tila hindi mai-proseso ang biglaang nangyari. Hindi ko na alam kung saan o papaano pa ako nakakuha ng lakas upang isigaw ng malakas ang pangalan ni Carlos. Puno ng pait, hinagpis, poot at galit.

Nagtraydor siya, bumaliktad na rin siya. Bakit nila ito nagawa? Handa akong mamatay para sa bayan at sa pangalan ng aming alyansa. Ipinangako kong hindi ko kailanman bibiguin ang mga taong umasa sa amin. Paano na ngayon mangyayari ang lahat ng iyon kung tuluyan na niyang ibinunyag ang pagkatao ng pinuno!

"Nagsisinungaling siya! Nagsisinungaling siya! Patayin niyo nalang ako! Patayin niyo na ako! Patayin niyo na ako! Hindi si Leonardo! Sinungaling ka Carlos!" Halos gumapang ako sa sahig at buong lakas na isinigaw ang mga iyon. Kailangan ko silang pigilan na dakpin si Leonardo, hindi ito pwede!

"Nagsalita na ang bilanggo, maghanda kayo." Madilim ang mukha ng Gobernadorcillo subalit pinilit ko pa rin itong gapangin. Bagama't humahalo na ang dugo ko sa maputik na lupa. Nang mahawakan ko ang paa nito ay mariin kong sinabi bagama't nahihirapan ang katagang,

"Nagsisinungaling ang Señor." Subalit hindi ako nito binigyan ng pansin. "Makakalaya kayong tatlo kung ituturo ninyo ang ikinalulugaran ng erehe ngayon." Pilit kong hinihigpitan ang kapit sa paa nito. Nagsusumamo na mapakinggan at may magawa pa sa naturang sitwasyon.

Hindi! Hindi! Hindi ito pwedeng mangyari. Hindi ito ang pinlano naming magkakasama. Bakit sa isang iglap ay nagkaganito na?

Jusko!

"Sa gitna ng kagubatan ng San Fernando, sa Bundok Manaig." Tinig iyon ng halos pumiyok nang si Agnes.

"Vamos." (Let's go.) Sinipa lamang ng Gobernadorcillo ang aking kamay at sa isang iglap ay lumabas na sila ng aking selda. Naiwang tahimik muli ang buong paligid, subalit puno na ng sakit.

Akala ko ay pinatay na ako ng pagtatraydor ni Agnes subalit ang ginawang pagbaliktad ni Carlos ngayon ay higit pa sa kamatayan. Hindi ko ito halos masikmura. Tila muli akong pinatay sa kaniyang ginawa. Tuluyang nagpatakan ang mga luha kong may halo na ng dugo, pawis, at putik. Ang puso ko ay tila sinaksak. Sobrang sakit niyon na halos akalain ko na ring maging iyon ay nagdurugo.

"B-Bakit ninyo nagawa ito!" Pumaalingawngaw sa buong paligid ang sigaw na iyon bago ako lamunin ng kahimlayan.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon