Kabanata 58

112 13 0
                                    

Kabanata 58

Sakay sa kotseng dala ni Lizzette ay lumuwas kami ng Maynila at talagang dinayo pa namin ang Pasay. Dumiretso kami sa Mall of Asia kung saan isa sa mga bookstore roon ang venue. Hindi ko iyon inasahan, gayunpaman ay hindi na rin naman iyon naging imposible dahil talagang sa dami ng fans ni Ten imposibleng hindi siya yumaman. Actually, kinakabahan na ako kahit nasa kotse pa lang kami at kasalukuyang nagpa-parking. Hindi na ako umaasang makitang bata ang kaniyang mukha dahil ang makita lang siya ay isang malaking karangalan na.

Gayunpaman hindi pa rin mawala sa isip ko ang isipin kung ano nga bang itsura ng writer sa likod ng mga napakagaganda niyang akda. Hindi ko alam, subalit sa isiping iyon ay lalo akong na-excite.

"Wait lang naman Laveinna, excited na excited ka teh? Bata ka? Bata?" Napangiwi na lang ako nang pigilan ako ni Lizzette sa mabilis na paglalakad papasok. Napaka-intrimitida niya talaga kahit kailan.

"Hayaan mo na siya Zzette. Parang hindi ka rin excited ah!" pang-a-asar na lang ni Yannie. Pero hindi na namin siya pinansin at nagmadali na talaga kaming maglakad lalo nang matanaw namin na halos dagsain na ng tao ang event venue.

"Hoy! Hintayin niyo kami." Hindi naman na kami nakinig pa rito at dumiretso na kami sa loob. Talagang nakikipagpatayan kami ng siksikan para lang makapila at makabili ng librong papipirmahan.

"Gosh! Ang gwapo niya!"

"Hindi ko 'to ine-expect, ang bata niya pa!"

Halos matigil pa ako nang marinig ko ang mga katagang iyon. Hindi naman sa pagiging chismosa pero gusto ko talagang magka-clue sa mukha ni author. Sobrang layo pa kasi nito at halos hindi ko siya matanaw sa dami ng tao. Gayunpaman, nang turn ko na para bumili ng libro ay talagang natigilan ako nang makita ko ang pabalat nito.

Hindi lamang kasi ito basta book cover. Isang larawan ang naroon, larawan ng dalawang babae at dalawang lalaki. Nakasuot ng pang-ilustrado ang isang lalaki habang nakabarong naman ang isa. Color blue at yellow naman ang suot na saya ng dalawang babae sa gitna. Napalunok ako sa pamilyar na larawan. Ganitong-ganito kasi ang damit ng mga napapanaginipan kong mga tao. Pamilyar pati ang hawak na pocket watch ng lalaking nakapang-ilustrado at maging ang salamin nito.

Nakasulat sa bandang gitna niyon ang pamagat na Arrow Pen habang nasa baba ang pangalan ng sumulat.

Peter Einstein.

Doon na nanlaki ang mata ko. Kumabog ng malakas ang aking dibdib na tila lalamunin iyon ng kakaibang pintig. Biglang pinag-i-init ng kabang aking nadarama ang bawat gilid ng aking mga mata. Lubos ang aking pagkagalak na tila kaunti na lang ay sasabog na. Hindi ko maintindihan iyong feelings ko ngayon. Kakaiba na tila matagal ng nangulila.

"Miss, matagal ka pa ba?" Napapitlag na lang ako nang kulbitin ako ng aking nasa likuran. Mabilis naman akong umusog para makakuha na siya.

"L-Lizzette..." Hindi ko na natuloy ang sasabihin nang makitang wala na pala ang kasama ko. Jusko, asan na ba iyon?

Kasabay ng paglingon ko patungo sa upuan ng author na siyang dapat ay aking pilahan para magpapirma ay siya namang pagpailanlang ng kantang Pusong Ligaw by Jonah sa paligid.

♪Di kita malimutan sa mga gabing nagdaan♪

Kasabay rin niyon ay ang hindi inaasahang pagtatagpo ng mata ko at nang lalaking 'di kalayuan sa akin na kanina ay abala sa pag ngiti at pagpirma roon habang nakaupo.

♪Ikaw ang pangarap, nais kong makamtan
Sa buhay ko ay ikaw ang kahulugan♪

Tila nabitin ang lahat sa pagitan naming dalawa. Ang lalaking ngayon ay aking tinitingnan ay talagang pamilyar na pamilyar. Mula sa kaniyang makapal na kilay, matangos na ilong at mapula-pulang labi na bagama't nag-matured na ay natatandaan ko pa rin. Ang kaniyang ngiti na talagang sa tuwing inginingiti niya sa akin ay halos tunawin ako. Subalit nang unti-unti iyong maglaho ay ibang mukha na ang naalala ko.

♪Pag-ibig ko'y walang kamatayan
Ako'y umaasang muli kang mahagkan♪

Mula sa kaniyang kakaibang hawi ng buhok ngayon. Ang kaniyang suot na salamin at ang kaniyang walang emosyong pagtingin hanggang sa pocket watch na ngayon ay kaniyang hawak. Isang tao ang aking naalala. Isang tao na siyang magbubukas ng napakaraming ala-alang bumuhos at bumalik sa mga oras na ito.

♪Ikaw pa rin ang hanap ng pusong ligaw♪

Simula sa simula. Ang aming pinakaunang pagkikita sa gubat nang ako ay kaniyang iligtas. Ang alaala ko sa San Fernando, mga alaalang kasama siya, pag-a-aklas at ang lahat-lahat ay muling bumalik sa akin sa simpleng pagtatama ng aming mga mata.

♪Ikaw ang patutunguhan at pupuntahan♪

"L-Leonardo.." Nang sambitin ko ang pangalang iyon ay tila kaniya akong narinig na naging dahilan ng muli niyang pag ngiti.

♪Pag-ibig mo ang hanap ng pusong ligaw
Mula noon, bukas at kailanman♪

Nagpatakan ang aking mga luha nang bumalik maging ang paglalakbay kong muli sa nakaraan. Mga naiwang katanungan. Kung paano iyon nangyari o kung paano niya iyon nagawa. Subalit ang mga alaala ng pagkamatay at pagkawala. Pagtatraydor at paghihirap. Pagmamahalan at pag-a-alaga. Pag-a-aruga at pagkalinga. Kasinungalingan at katotohanan. Pagpatay at pagpapakamatay, ang siyang mas nagpatindi ng aking pag-iyak.

Hindi alintana ang napakaraming tao ay napaupo na ako sa aking kinatatayuan at nag-i-iyak habang yakap ang librong kaniyang ipinangako. Librong ipinangako niyang tatapusin na ngayon ay nagawa niya nga. Si Peter at si Leonardo ay.... iisa. Bakit ngayon ko lang naalala?

After almost 8 years. Ngayon lang bumalik. Ngayon lang muli.

Bakit ba ang tanga-tanga mo Laveinna? Bakit ngayon ka lang naka-alala?

Umiyak ako nang umiyak doon at walang sinuman ang makakaawat sa akin. Sobra-sobra ang sakit na aking nararamdaman. Sobra-sobra rin ang saya na muli siyang makitang buhay at ngayon ay ngumingiti na. Ang aking pinakamamahal ay tinupad ang aming pinagkasunduan. Lubos ang aking pagkagalak.

Nagulat na lamang ako nang mapansing mayroon nang pares ng rubber shoes sa harapan ko. Hindi ko na lamang sana papansinin ang taong iyon nang maramdaman ko ang marahang paghaplos nito sa ulo ko.

"Naghintay ako ng matagal, mahal ko." Ang tinig pa lang nito ay alam kong siya ito. Si Peter, ang lalaking minahal ko noon at minamahal ko pa rin ngayon.

Mugto ang matang nag-angat ako ng tingin. Nagkakagulo ang mga tao sa paligid namin at maraming kumukuha ng larawan, bagay na hindi namin nagawa noon. Maging ang ngiti niya ngayon sa akin ay talagang bago sa paningin. Ang buhay na buhay niyang mukha ay ang lubos kong ikinasasaya. Hindi pa rin mawala sa aking alaala ang kaniyang bangkay na katawan. Iyon din siguro ang dahilan ng aking biglang pagtayo at pagyakap ko ng mahigpit sa kaniya.

"Mahal ko!" Sinuklian naman niya iyon ng isa ring mahigpit na yakap. Ang katawan niya ngayon ay malayong-malayo sa Peter 8 years ago pero kahalintulad lang ng kaniyang katawan, 156 years ago. "T-Tinupad mo nga. Tinupad mo, Leonardo."

"Nangako ako, Olivia. Nangako ako, mahal ko." Lalo akong napaiyak nang yakapin na rin niya ako ng mahigpit sa gitna ng dagat ng tao sa aming paligid. Hindi rin nakalampas ang marahang paghalik niya sa ulo ko na nakapagpapikit sa akin ng lubos.

Sa simpleng yakap at halik tila pinawi niya ang lahat ng sakit at pighating aking naramdaman. Lahat ng hirap at pagtitiis, galit, poot at pangungulilang hindi ko napansing aking dala magpasahanggang ngayon. Sa pagkakataong ito ay muli kaming pinagtagpo ng tadhana. Tadhanang siya ring nagtagpo sa amin taong 1870.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon