Kabanata 43

301 25 1
                                    

Kabanata 43

Halos mapapikit ako nang malakas na ibagsak ni Ginoong Leonardo sa lamesa ang aking mga palaso at pana. Mahigpit din ang pagkakahawak niya sa kamay ko at bakas sa mukha na hindi niya lubos nagustuhan ang kaniyang napag-alaman.

"Anong kalokohan ito, Carlos?!" Dumagundong sa buong mansyon ang sigaw na iyon ng Ginoo. Nang muli akong magmulat ay nakita ko ang dali-daling pagtatakbuhan ng mga katulong upang saraduhan ang buong hacienda. Maging si Agnes na nasa gilid ni Señor Carlos ay tila nataranta at napatayo mula sa sana ay taimtim na hapunan.

Sa lakas ng pagbagsak ng Ginoo roon ay nagkabasag-basag ang mga plato na pinaglalagyan ng mga pagkain. Gayunpaman ay nanatiling nakangiti lang ang Señor na tila hindi narinig ang Ginoo at sa akin lang nakatuon ang atensyon.

"Mabilis na nakaabot sa akin ang balita na nagtagumpay ka, Olivia. Mula sa hukbo, binabati kita." Tila naaliw pa na wika nito. Bilang tugon ay bahagya akong yumuko rito at pilit na hindi pinahalata sa kaniya na ako ay nasasaktan na sa pagkakahawak ni Ginoong Leonardo.

"Sumagot ka Carlos!" Halos mapatalon kami ni Agnes sa kinapepwestuhan dahil sa hiyaw na iyon. Sa puntong iyon tuluyan nang nawala ang mga ngiti sa labi ng Señor. Binitawan na rin nito ang kubyertos na hawak matapos ay ibinaling ang tingin sa Ginoo.

"Hindi mo ba nakikita Leonardo na isa itong pagsubok para kay Olivia? Pasasaan pa at mangyayari rin ito. Ganito rin lang naman ang gagawin niya, hindi ba? Bakit pa natin patatagalin?" Doon na napaamang si Leonardo. Maging ang paghigpit ng kaniyang kapit sa aking kamay ay lubos kong nararamdaman.

"Subalit hindi ninyo man lang ako kinunsulta sa pangyayaring ito! Paano kung nahuli si Olivia? Maililigtas ninyo ba siya? Maililigtas mo, Carlos?" Sa unang pagkakataon nasaksihan ng dalawa kong mata ang pag-a-away nila na simula nang ako ay tumira sa kanila ay hindi ko man lamang nasaksihan. Ang turingan nilang dalawa ay higit pa sa magkadugo at pamilya. Hindi ko inaasahang darating ang araw na ito at ako pa pala ang magiging mitsa niyon.

Nang magtama ang mata namin ni Agnes ay mukhang kaniyang napansin ang aking pagdaing sa higpit ng hawak sa akin ni Leonardo kung kaya naman hindi na nakapagpigil ang aking kaibigan at tuluyan na siyang nakisabat.

"Paumanhin Ginoong Leonardo, subalit nasasaktan na si Olivia sa—" Gayunpaman ay hindi na niya iyon tuluyang natapos nang sumigaw muli ang lagi lamang kalmadong si Leonardo. Mukhang galit talaga siya at nararamdaman ko ang panginginig niya.

"Tumahimik ka!" Lahat ay tuluyang natahimik dahil doon.

"Huwag mo siyang sigawan Leonardo, nasaan ang iyong respeto!" Tuluyan na ring napasigaw si Carlos at tumayo sa kaninang pagkakaupo.

"Respeto? Hindi ba at ikaw ang unang nawalan niyan Carlos? Simula pa lang ng isugo mo si Olivia roon ay tuluyan mo nang binastos ang pangako natin sa mga magulang niya!" Talagang napaturo pa kung saan ang galit na galit na si Ginoong Leonardo. Wala akong nagawa kung hindi ang mapalunok doon.

"Pangako nga lang ba Leonardo? Lubos mo naman yatang pinoprotektahan si Olivia? Hindi ba nga at kaya siya sumali sa ating hukbo ay para rin lumaban? Anong gusto mong gawin niya? Ang mabulok dito sa hacienda? Pinapatawa mo naman yata ako. Hindi kaya ay tama ako na may—"

Sa puntong iyon ay hindi na ako nakapagpigil pa.

"Tumigil kayong dalawa!" Buong lakas ko iyong isinigaw sa kanila. Halos habulin ko ang aking hininga para lamang makabawi sa malakas ng pagsigaw. Hindi sila titigil kung walang sasaway. Para pa rin silang mga bata kung magtalo. Hindi ako makapaniwala na malaki ang itinanda nila sa akin. "Para kayong mga bata!" Sa pagkakataong ito ay binalingan ko si Leonardo na ngayon ay nakatingin sa akin. Hindi ko naman magawang tumingin din sa kaniya. Masyado pang sariwa sa alaala ko ang mainit na halik na aming pinagsaluhan kanina. Isang bagay na magiging dahilan lamang ng aking biglaang pagkampi sa kaniya kung magkataon. Nanginginig man ang aking mga kamay ay pinilit kong tanggalin ang kaniyang pagkakahawak sa aking kamay.

"Ako ay iyo nang nasasaktan Ginoo. Mangyari man na ako nawa ay iyong bitawan," marahang saad ko nang hindi ko iyon matanggal. Mukhang doon naman na nagbalik sa kaniyang isip ang tungkol sa aking kamay kung kaya't agad niya iyong binitawan. Huminga ako ng malalim bago siya pagsalitaan. "Tumigil kana sa iyong ikinagagalit Ginoo. Ang nangyari ngayong araw ay aking sinang-ayunan." Naramdaman ko na siya ay aapila pa subalit ako ay talaga namang napapagod na. "Magpapahinga na ako." Matapos kong bitawan iyon ay agad ko na silang tinalikuran at nagtungo na ako sa aking silid. Naramdaman ko pa ang pagsunod sa akin ni Agnes na hinayaan ko naman.

Marahas kong binuksan ang pinto ng aking silid at dumiretso agad sa aking kama. Doon ako sumalampak ng higa bago napiling ipikit ang mga mata. Nang marinig ko ang marahang pagsarado ng pinto ng aking silid napagtanto ko na mukhang sinundan talaga ako ni Agnes. Nabigyang katibayan ang aking hinuha nang siya ay magsalita na kasabay ng paglubog ng kaliwang parte ng aking kama.

"Binibini.." Ang pagtawag niya sa aking ganon ay may kung anong bagay na tila humaplos sa akin. Ang kaniyang marahang tinig ay nanuot sa aking pandinig hanggang sa akin nang hindi namalayan ang sunod-sunod na pagpatak ng mga luha sa aking mata.

"A-Agnes.." Humihikbing tawag ko sa kaniyang ngalan. Mukhang siya ay naalarma at agad akong dinaluhan. Ang aking ulo ay marahan niyang inangat para iyon ay ipatong sa kaniyang hita.

"Jusko, Olivia.." Marahan niya akong niyakap at pinunasan ang aking mga luhang tuloy-tuloy sa pagpatak.

"Kaibigan, s-sa tingin mo ba ay karapat-dapat pa akong tawaging binibini matapos ang aking nagawa?" mahinang pagtatanong ko sa kaniya. Buo na ang loob ko sa aking ginawa kanina. Subalit hindi ko inaasahan na ganito pa rin pala ang pakiramdam. May parte sa akin ang tila naliligayahan dahil naipaghiganti ko ang kamatayan ng aking mga kapanalig na walang awang kinitilan ng buhay. Subalit may parte rin naman na ako ay lubos na natatakot. Lumaki akong may takot sa iisang Diyos. Ang pagpatay ay isang malaking kasalanan. Lubos akong natatakot na baka mayroon itong malaking kabayaran.

"Oo Olivia, karapat dapat ka pa ring tawaging binibini. Isa kang matapang na babae. Ang iyong pagkakakilanlan ay kikilalanin hanggang sa mga susunod na henerasyon bilang unang babaeng nagpasimula ng pagbabago ng ating bansa. Maraming salamat, Binibing Olivia Cartello Ignacio." Tuluyan akong napahagulgol sa sinabing iyon ni Agnes. "Pakatandaan mong hindi mo lamang sa akin maririnig ang bagay na iyan. Maging sa mga susunod na henerasyon ng bago at malayang Pilipinas.”

I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon