Kabanata 44

103 11 1
                                    

Kabanata 44

Tatlong araw ang lumipas matapos ang nangyari. Kumalat sa iba't-ibang bayan ang pagkamatay ng Gobernadorcillo ng aming bayan. Nagkaroon ng mabilis na halalan at pinalitan ito ng kaniyang kapatid na si Fransisco Fernando na hindi na namin ikinataka. Malaki ang aking pasasalamat na naging maayos din si Ginoong Leonardo at Señor Carlos kung kaya naman mabilis naming napagplanuhan ang susunod na pagsugod at iyon ay sa mismong Munisipyo na ng San Fernando. Muling susugod ang hukbo namin doon at sa pagkakataong ito ay balak nilang sakupin ang buong San Fernando upang gawing himpilan. 

Iyon ay gagawin namin sa mismong selebrasyon ng pagkahalal ng bagong Gobernadorcillo sa susunod na Linggo. Ika-labing anim ng Pebrero taong kasalukuyan. 

Ang planong iyon ay marubdob kong isinulat sa aking talaarawan. Bago ako nagpasyang lumabas ng aking silid upang ngayong araw ay ipagdiwang ang Bagong Taon ng mga Tsino. Marami ang mga may lahing Tsino rito sa San Fernando. Kalimitan sa kanila ay mga negosyante at kabilang ako sa kanila, bilang ang aking Ina ay isang Tsinay.

Masaya ako dahil ang bagay na ito ay hindi kinaligdaan ni Señor Carlos. Nagpahanda siya ng mga pagkain bilang alay na rin sa aking yumaong magulang at para sa aming pagdiriwang.

"Kumain ka pa ng marami Olivia." Wala na ang pagpapanggap na wika ni Carlos habang inaabot sa akin ang niluto ni Agnes na kaldereta. Malugod ko iyong tinanggap at kumain. Wala na ang mga katulong sa bahay at tanging si Manang Lucia na lamang ang naroon. Isang tapat na tagapaglingkod ng mga Laong. Tahimik lang ito at nakangiting kami ay pinagmamasdan.

Sinubukan namin siyang imbitahan na kumain na rin subalit siya ay hantarang tumanggi. Kagaya ng palaging kaganapan ay tahimik na naman muli si Ginoong Leonardo habang kami nila Agnes ang siyang nag-i-ingay sa hapag.

"Agnes, kainin mo ito masarap 'to," anang ko habang inaabot sa kaniya ang pagkaing natikman ko.

Kumain lamang kami ng gabing iyon na tila walang iniintindi. Kinalimutan namin panandalian ang mga bagay na nakaatang sa aming likuran at kumain kami ng may mga ngiti sa labi.

Nagpatugtog ng magiliw na kanta si Agnes na amin namang taimtim na pinakinggan nang kami ay matapos ng hapunan. Naroon lamang kami sa silid pahingahan at kapwa nakangiting pinakikinggan ang pagtugtog ni Agnes ng kaniyang bandurya.

"Napakagaling mo talaga sa larangang ito Agnes!" Tuwang-tuwang puna ni Carlos dito. Magpapatuloy pa sana ako sa aking pakikinig nang mapansin ko ang Ginoong Leonardo na lumabas ng mansyon. Nang makitang abala naman sa pakikinig si Señor Carlos ay walang pasabi ko nang sinundan si Ginoong Leonardo kung saan man siya pupunta.

Naging mahaba ang paglalakad ng Ginoo na umabot pa ito sa pinakang hangganan ng Hacienda. Madilim at ang tanging tanglaw namin sa dilim ngayon ay ang kalahating buwan. Sinundan ko lamang siya hanggang sa kami ay makarating sa lawa kung saan kami ay huling nagkasama-sama nila Paulita.

"Alam kong kanina mo pa ako sinusundan, Binibini. Lumabas kana riyan." Natigilan ako sa pagtatago sa malaking puno ng mangga nang marinig ang sinabing iyon ni Ginoong Leonardo. Bagama't nanginginig ay taas noo ko siyang hinarap. Masyadong nananariwa sa isipan ko ang huli naming pagsasama-sama nila Paulita. Tila gusto ko na lamang maiyak sa isiping iyon.

Ngumiti ang Ginoo at iginiya ako na lumapit sa kaniya kung kaya naman ay agad ko iyong sinunod.

"B-Bakit ka nagtungo rito, Ginoo?"

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon