Kabanata 60

95 13 2
                                    

Kabanata 60

"Nardong, ano iyang ginagawa mo?" Ako ay muntik nang mahulog sa aking pagkakaupo sa may balkonahe ng mansyon ng Heneral Ignacio dahil sa gulat nang siya ay bigla na lamang sumulpot sa aking likod habang ako ay abala sa aking isinusulat. Naglulumikot ang kaniyang mata habang aking pilit itinatago ang kwaderno. Hindi ko hahayaang makita ni masilip niya iyon. Sa edad na nwebe, noon ko na lamang natutunang mahiya. Ilang taon na rin akong nanunuluyan sa ngayon ay Heneral na Señor subalit ito ang unang beses na ako ay umakto ng ganito.

"Layuan mo ako, Señor! Wala lamang ito!" Naningkit ang kaniyang mata at lalong inabot ang aking itinatago. Kung kaya naman ay tumakbo na ako papasok sa loob.

"Señora! Ang Señor!" Hindi pa man nagtatagal ang aking sigaw na iyon ay dumungaw na ang Señora Geneva mula sa silid pahingahan na mukhang katatapos lamang tumulong sa mga katulong na maglinis. Salubong ang napakagandang kilay ng Señora habang mariing pinagbabantaan ang Señor gamit ang tingin. Ilang taon na rin ang lumipas nang sila ay magpakasal, naroon at mayroon na rin silang supling na siyang lumabas mula sa loob ng saya ng Señora.

"Ama!" sumigaw ang tatlong taong gulang na batang nakasuot ng kulay rosas na saya at patalong dinamba ang kaniyang ama. Sa liit niyang tingnan ay parang gusto ko na lamang siyang tirisin ng buhay subalit alam kong hindi iyon magugustuhan ng kaniyang ama kung kaya naman nagpasya akong talikuran na sila upang mabigyan sila ng pribadong oras. Subalit mukhang hindi iyon ang gusto ng Señor. Akin na lamang ikinagulat nang bigla na lamang niyang kunin ang hawak kong kwaderno at binasa iyon.

"Señor!" Iyon na lamang ang huli kong naisigaw dahil talagang wala na akong nagawa. Bakas ang prustrasyon sa aking mukha at mukhang iyon ang naging dahilan ng biglang pagpalahaw ng malakas na tawa ng anghel ng mansyong ito. Lahat kami ay natigil at napalingon dito.

Mula sa kaniyang naniningkit na mata dahil sa pagtawa at ngiti. Matatabang pisngi at mamula-mulang labi. Maliit na katawan at napakagandang tinis ng tawa ay halos ako ay pamulahan. Bitbit siya ng kaniyang Ina habang ang mga mata ay nakatutok lamang sa akin. Tawang-tawa na tila natutuwa habang panay ang banggit sa salitang "Hermano."

Maging ang bata ay ginagawa akong katatawanan.

Napabuntong hininga na lamang ako at bahagyang napakamot ng ulo bago nagbalik sa dating walang emosyong ekspresyon. Hindi ko na muling ipahahalata ang aking pagkapahiya.

"Tingnan mo at maging ang aking anghel na si Olivia ay tinatawanan ka." Hindi ko na lamang ito pinansin at mas piniling kunin mula sa kaniya ang aking kwaderno. Akma sana akong lilisan na at muling babalik sa hardin upang tapusin ang aking ginagawang pagtatanim ay natigil ako sa huling sinabi ng Señor. "Kung ikaw ay gagawa ng nobela tungkol sa erotika, nawa ay lawakan mo pa ang iyong imahenasyon. Hindi puro lamang halikan, Leonardo." Napamaang ako sa sinabi ng Señor subalit hindi na nakasagot. Isang malakas na sigaw naman ng Señora ang pumainlanlang, mukhang narinig nito ang binilin ng asawa.

"Manuel! Nahihibang kana ba?" Napatikhim na lamang ako bago sila iwan. Alam ko na rin naman kasi na sila ay magtatalo muli na mauuwi lamang din naman sa nakabuburyong pagpapalitan ng mabubulaklak na salita.

Subalit hindi pa man tuluyang nakalalabas ng mansyon ay may kamay na humawak na sa laylayan ng aking camisa. Mabilis ko itong nilingon at doon ko natagpuan ang batang si Olivia na ngiting-ngiti sa akin.

"Ako gutom na." Hindi pa man tuwid ang pagsasalita nito at mas lalong hindi pa ito pulido subalit madali ko naman itong naiintindihan. Sa tatlong taon kong kasama ang bata, dadalawang bagay lang ang kaniyang sinasabi sa akin. Iyon ay ang salitang gutom na siya o 'di naman kaya ay kuya. Walang imik na binuhat ko na lamang siya at nagtungo sa kusina upang siya ay ipagluto ng kaniyang paboritong lugaw na mayroong saging mula sa nakubra kahapon na itinabi ko sa kamilig ng mansyon.

Mabibilang lamang sa kamay ang tauhan ng mansyong ito at halos kami lamang din ang mga nagsisikilos.

Nang matapos kong maipagluto ang bata ay agad ko na siyang ipinaghanda. Walang imik at marahan ang aking mga kilos. Habang ang batang si Olivia ay nakamasid lamang sa akin sa paraan kung paano ako masdan ng kaniyang ama. Hindi talaga maipagkakaila na siya ay anak ng matinik na Heneral. Hindi ko tuloy mapigilang isipin kung ano ang kaniyang magiging itsura kung siya ay mag-siyam na taong gulang na rin.

"Binibining Olivia, masarap ba ang iyong kinakain?" tanong ko sa kaniya habang halos hindi na magpapigil ang aking kamay sa paghimas sa kaniyang may kanipisang buhok. Bagama't tango lang ang ibinalik niya sa akin ay lubos na ang aking naging ngiti. Maging ang kulot na buhok ng batang ito ay talagang napakalambot at tila kay sarap hawakan. Lalo tuloy akong naligayahan. Subalit agad ko iyong naibaba at dumistansya sa batang binibini nang pumasok sa kusina ang ngayon ay balot ng itim na kasuotan na si Señora Geneva Cartello. Sa unang tingin ay hindi ninuman aakalaing isa itong binibini. Ni ina ng isang napakagandang anghel at asawa ng Heneral. Malayo na rin kasi ang hitsura nito sa hitsura nito kanina lamang. Mula sa saya ay napalitan ng itim na kasuotan at may dala rin itong pana at palaso. Handang lumaban, handang makipagpatayan.

Ilang taon ko na ring nakasama ang mag-asawa. Simula nang sila ay magkasintahan pa lamang o ni halos hindi pa nga nagkakakilala ay alam ko na ang tungkol sa lihim na alyansang ang Señorang aking kaharap ang siyang nagtalaga. Dahil sa likod ng maamo nitong mukha nagkukubli ang nag-aalab na damdamin niya bilang isang tapat na mamamayan sa kaniyang bansang sinilangan.

"Ina!" Alam kong maging ang bata ay nagtataka sa hitsura ng kaniyang Ina. Hindi nito iyon nakasanayan subalit hindi naman ito makapagsalita ng ayos bukod sa paisa-isa o dala-dalawa lamang.

"May dadalawin lamang si Ina sa pamilihan," nakangiting saad nito, ni hindi lumapit sa anak. Takot na makita nito ang itinatagong mga palaso sa likod at maging ang pana. "Nardong, ikaw na muna ang bahala sa aking anak. Dumito lamang kayo, mayroon lamang naging malaking problema sa aming kampo sa San Nicolas." Walang imik na siya ay aking tinanguan. Ngumiti lamang ang Señora ng matamis sa akin. Bagay na hindi ko alam kung akin bang hahangaan o katatakutan. "Hindi mo gugustuhin ang aking gagawin sa iyo kung mapahamak ang anak ko." Hindi ko na lamang dinamdam ang huli niyang binitawan at itinuon na lamang sa maliit na binibini ang aking atensyon.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon