Simula

38.6K 762 241
                                    

Bulaklak ang unang pumapasok sa isip ng mga tao sa tuwing nakikita nila ako. Mula sa aking postura, pananamit, at pagsasalita. Tinitingnan nila ako bilang isang espesyal na tao. Dahil 'yon ang gusto ng ama ko.

Iyon ang gusto niyang paraan kung paano ako nakikita ng ibang tao. Ang maging mahinhin, ma-awtoridad, malamyos, at respetadong babae.

Namuhay ako sa loob ng palad ng ama ko mula nang ipinanganak ako hanggang sa inabot ako ng aking ika-26 na taon sa mundong ito. Walang kahit na anong tinig ang nais marinig mula sa akin.

Nararapat lang na sumunod ako palagi sa utos at kagustuhan niya. Kahit na minsan ay hindi ako nagkaroon ng karapatan para ipangalandakan ang gusto ko. Ang gusto kong marinig nila.

Binuo nila ako ng ganito, at wala akong nagawa kung hindi hayaan silang gawin 'yon. Wala akong kapangyarihan. Wala akong kayang gawin.

Bawal ako maghugas ng plato. Bawal ako magluto. Bawal ako magwalis o mag-ayos ng kama. Ang maluwag lang sila sa akin ay ang nais kong suotin at kung ano ang gusto ko sa aking kwarto.

Maliban do'n ay lahat sila na ang nagdedesisyon. Pati ang kursong tinapos ko ay hindi ko gusto. Karamihan sa mga marangyang pamilya, tungkol sa business ang gusto nilang ipatapos sa kanilang mga anak.

Pero sa akin... gusto nila akong mag-tourism. Bagay raw ito sa akin. Mahinhin, magalang tingnan, masarap sa tainga ang boses, at magaling sa pronunciation.

Kahit na kailanman ay hindi ko na-imagine ang sarili ko na sasakay sa eroplano at maging stewardess. Ayaw ko ng eroplano. Ayaw ko ng matataas. Paano ko gugustuhin mapunta ro'n?

"Yulia, pinapasabi po ni Madam na bumaba na daw po kayo para kumain..." Napatingin ako sa malapit na kasambahay sa pamilya namin.

Si Gina. "Sige, bababa na ako, Gina." Ngumiti ako at nilingon ang sarili ko sa salamin bago bumaba.

Mula sa hagdanan ay naririnig ko na ang boses ng tatay ko at gano'n din ang nanay ko. Mukhang abala sila sa pag-uusap tungkol sa mga plano ng kapatid kong lalaki.

Maluwag sila kay Henry, mas maluwag pa sa loose-thread na screw. Ni hindi na nila kailangan bantayan o ihatid parati si Henry. Malaya siyang gawin kung ano ang gusto niya.

Samantalang ako ay bawal.

"Yulia, halika na at kumain dito. Pag-uusapan pa natin ang birthday mo bukas." Ngumiti si Daddy.

Tiningnan lang ako ni Henry. Habang si Mommy ay tipid lang din na ngumiti sa akin. Ayaw kong mag-isip parati tungkol sa trato sa akin ni Mommy pero hindi ko maiwasang isipin na hindi niya ako gusto.

"Ipapakilala ko na sa 'yo bukas si Logan, ang anak ng Chairman dito sa Resita. Siya ang gusto kong mapangasawa mo," maligaya niyang bungad.

Na para bang masayang bagay 'yon ibalita. Si Logan na naman. Mula noong high school, college hanggang ngayon ay puro si Logan. Walang tigil na Logan.

Matagal na nilang pinipilit sa akin si Logan. E ayaw ko sa kaniya. Ayaw ko sa ugali niya. Ayaw ko sa mga ginagawa niya. Insensitive rin siyang lalaki. Walang modo at puro kalokohan.

"Dad, hindi ko po gusto si Logan. Masyado po siyang malayo sa ugali ko..." Sa ugaling binuo niyo sa akin.

Kung gusto pala nila na mag-asawa ako ng gano'ng klaseng lalaki... e 'di sana ay hindi nila ako ginawang ganito na mukhang babasaging plato na nakabalot sa libo-libong bubble wrap.

"Kasing edad mo si Logan, Yulia. Bagay kayo. Noong panahon nga namin ay ang tatay namin ng Tita Carmila mo ang namili ng magiging asawa niya at tingnan mo sila ngayon... masayang nagsasama." Proud pa siyang sinabi 'yon.

The Ravels (Published under PSICOM Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon