Hindi naman siya ipinahiya ng nanay niya sa pamilya Herrera kaya nakahinga siya ng maluwag. Kahit alam naman niya na pakitang tao lang lahat ng ikinilos nito, nagpasalamat talaga siya na hindi nito sinamantala ang pagkakataon na kumain sa malaking bahay nila Thomas. In fairness bumilib siya dito. Kaya pala nitong kumilos ng mapino kung gugustuhin nito pero hindi rin naman siya tiwala na mapapanindigan nito ang pagpapanggap kung nagtagal pa sila. Ilang beses silang inalok ni Mrs. Herrera na kumain pero nagdahilan na lang siya na kailangan na nilang umuwi. Pero hindi na siya nakatanggi nang ipinahatid sila sa family driver ng mga ito. Nagkataon na may lakad si William at si Thomas naman daw ay may web meeting na ikinatuwa na rin niya. Baka kasi kung ano-ano pa ang sabihin ng nanay niya kung sakaling si Thomas ang kasama nila. Gusto sana niyang tanungin ng ina kung ano ang sinabi nito kay William pero siyempre hindi niya ginawa. Muntik na niyang tapikin ang noo nang mapagtanto niya na malaking sakit ng ulo ang kapalit ng ibinayad na pera sa kanya ni Thomas. Gaano man kalaki ang halaga nito, malakas talaga ang pakiramdam niya na hindi niya dapat tinanggap ang alok nito.
Pagkababang-pagkababa nila sa tapat ng bahay nila, nag-umpisa na ang nanay niya. Naikot na lang niya ang mata at binilisan ang lakad.
"Para naman akong ibang tao sa'yo Kim. Kailan ka pa nag-umpisang maglihim sa akin?" may hinanakit sa boses na tanong nito.
Huminga siya ng malalim pero hindi niya sinagot ito. Ang hirap mag-isip ng magandang sasabihin dito.
"Ate? San kayo galing ni nanay?" kunot ang noong tanong ni Wesley na mukhang kakagising lang.
"Sa mansyon ng mapapangasawa ng ate mo anak! Naku ang ganda-ganda at ang laki-laki! Sa wakas nag-uumpisa na ang daloy ng swerte sa pamilya natin!"
"Ate mag-aasawa ka na? Ang sinasabi ba ni nanay na mapapangasawa mo 'yong mayabang na sumundo sa'yo kagabi?" gulat na gulat na tanong ng kapatid niya.
"Teka lang ha? May sumundo sa ate mo kagabi pero wala kang sinabi sa akin?"
"Eh 'Nay! Alam ko naman po na malalaman niyo rin kay Maritess at pihado may dagdag pa kaya hindi ko na sinabi sa inyo," nagkakamot ang ulo na sabi ni Wesley.
Tila pagod na napaupo na lang siya sa sofa.
"Hindi pa kami nagkausap ni Maritess! At iba naman kasi ang paalam sa akin ng magaling na ate mo! Pero hayaan na natin 'yon! Ang importante ay huwag kang patumpik-tumpik Kim! Dapat makasal kayo agad! Ngayon mo mas dapat gamitin ang utak at ganda mo! Susmaryosep anak! Kapag hindi ka nagmadali maagaw sa'yo ng iba si Thomas! Hindi lang ubod ng yaman, napakaguwapo pa! Mabait na bata 'yang si Ryan pero sinasabi ko sa'yo..."
"'Nay hindi ko ho boyfriend si Thomas!" naglakas ng loob na sinabi niya kahit alam naman niya na wala rin namang saysay .
"Hindi mo boyfriend? Bakit wala ni isa sa kanila kanina ang nag-react nang sabihin ko na mabuti at sinundo ako ng kapatid ng nobyo mo? Tigilan mo ako Kim ha? Hindi ko alam kung ano ang dahilan mo at idedeny mo pa!"
"Ayaw lang po siguro nilang ipahiya kayo. "
"Ah basta! Ke totoo o hindi na nobyo mo si Thomas tapos na ang usapang ito! Hindi na rin kita tatanungin kung ano talaga ang nangyari bakit nalasing ka raw kaya ka natulog sa kanila! Basta dapat maging asawa ka ni Thomas sa lalong madaling panahon!"may tigas sa tono na sabi nito bago tuluyang lumabas.
Napailing na lang siya at sumandal. Umupo sa tabi niya si Wesley.
"Ate ano ba ang nangyari? Sino ba talaga 'yong lalaki na 'yon?"
Lumingon siya dito, bago huminga ng malalim at dumiretso ng upo. Tinignan muna niya ang labas ng pintuan nila kung wala na talaga ang nanay nila. Alam naman niya na hindi siya isusumbong ng kapatid kaya nagdesisyon siya na sabihin ang totoo dito.
BINABASA MO ANG
Branding My Minx (COMPLETED)
RomanceTama nga ang kasabihan na kahit gaano man katinik sa babae ang isang lalake.. makakahanap din ito ng katapat. Kilalanin ang babaeng magpapatino sa isang Thomas Herrera.. *NOT SUITABLE FOR MINORS* ©All rights reserved Cover photo by Rey Joma...