Kabanata 12

297 27 0
                                    

Sulat para sa aking bituin.

Stella, maaaring hindi makarating itong sulat sa'yo, o malamang sa sandaling binabasa mo ito'y wala na ako sa inyong piling. Lumaki akong inalay ang sarili para mapawalang bisa ang koneksyon nating dalawa, ngayon naman ay mawawala akong labis na nagsisisi sa aking ginawa.

Ganon pa man, mas pinili kong mawala na walang dalang alalahanin. Sa tuluyan kong pagtatapos ng ating ugnayan, baon ko ang alaala ng mga sandaling kasama kita.

Alam kong magagalit ka sa akin. Iniisip mo siguro na isa nga akong hangal. Mas pinili kong tapusin ang aking buhay kaysa kalimutan ka at humanap ng ibang mapapangasawa.

Pero ang ginawa kong ito ay hindi lamang para sa'yo, Stella. Patuloy akong magiging banta sa inyong dalawa ni Luan. At hindi na mawawala ang kakaibang iniisip ng aking angkan sa ating dalawa.

Tinapos ko ito hindi lamang para sa'yo kundi para sa ating lahat. Alam kong mas magiging payapa ang palasyo sa paglisan ko.

Hindi mababaling sa akin ang iyong pagtingin, alam ko na 'yon mula noong nakita kitang buhat ng aking kapatid.

Ang aking pangalan ay sinisimbolo ang araw na naghahari sa kalangitan, nagbibigay liwanag sa buong paligid. Ayaw ko nang maging ganoon, Stella. Ayaw ko na. Kaya minabuti ko na lang na maging isang bituin sa langit na palagi mong tinitingala. Nang sa gayo'y tuwing tumitingin ka sa kalangitan ay sasagi ako sa iyong isipan.

Sa susunod kong buhay, hinihiling kong makasama ka ulit. Kahit hindi na bilang iyong tunay na kapareha. Hinihiling kong sa susunod kong buhay, makilala ulit kita.

Lilisan akong walang ibang inaalala kundi ikaw, Stella. Maging masaya ka sana sa aking kapatid at sa inyong mga magiging anak. Paalam.

Helios

Tinupi ko ang papel at ibinalik iyon sa box. Inayos ko iyon ng mabuti para hindi mahalata ni Stella pagkatapos ay mabilis na lumabas ng kanyang silid. Kalmado akong naglakad papasok sa kwarto ko at nang naisara ang pinto ay napaupo na lang ako sa labis na panghihina.

Tumulo ang luha ko at naninikip ang dibdib ko. Doon sa kwento ni Kieran nakaya ko pa. Pero masyadong mabigat sa pakiramdam na mabasa ang sulat kamay mismo ni Helios. Iyon ang iniisip at nararamdaman niya.

Si Stella lang ang para sa kanya. Hindi na iyon mababago baliktarin man ang mundo.

Nagkamali ba ako? Dapat ba hindi ko na lang hinaplos ang burol? Nang sa ganoon ay hindi na ulit siya nasasaktan pa. Kapag dumating si prinsipe Luan, masasaktan na naman siya.

Yumuko ako at sinuntok ang dibdib ko. Literal ang sakit. Para itong pinipiga. Huminga ako ng malalim at nagpakawala ng isang hikbi.

Bakit ko ba ito nararamdaman sa kanya? Bakit siya pa?

Nakatulog ako sa silid at paggising ay gumagabi na naman. Natulala ako sa kama ko pagkatapos ng ilang minuto. Malinaw na sa akin ang lahat. Hangal ako dahil minsan inisip kong nag-alala siya sa akin.

Wala lang ako sa kanya. Si Stella ang importante. Baka nga galit siya sa akin dahil akala niya ginising ko siya.

Bumaba ako sa kama at nagpasyang maglakad lakad ngunit kalaunan ay dinala ako ng mga paa ko sa kanyang silid. Kumatok ako ng marahan bago buksan ang pinto. Naabutan ko siyang nakatayo sa terasa.

Tumindig ang balahibo ko nang naramdaman ang ihip ng panghapong hangin sa aking balat. Huminga ako ng malalim at naglakad para lapitan ang lalaking nakatayo at nakatalikod sa akin. Tinitingala ang mga bituin.

Palagi niya itong ginagawa sa tuwing nakikita ko siya. Ganoon kaimportante ang mga bituin para sa lalaking ito.

Marahil naramdaman niya ang presensiya ko dahil bigla siyang bumaling. Inilagay ko sa aking likuran ang dalawang kamay pagkatapos ay binigyan siya ng isang ngiti. Malabong tugunin niya ang ngiting iyon kaya nang nanatili siyang nakatitig ay hindi na ako nagulat.

Tears Of The Sun (Mortal Series #3)Where stories live. Discover now