"Ina," tinawag ni Helios ang kanyang ina na palakad lakad kung saan.
Bakas dito ang matinding pag-aalala. Lumunok ako, saktong dumating si Damian kaya lumapit kami sa kanila. Lumapit din si Lucas at Hugo. Pinapakalma naman ni Rosh si Catleya.
"Anong nangyayari?" tanong ni Damian.
"Nawawala si Kieran." tugon ng kanilang ina.
Napahakbang ako palapit. Nawawala?
"Baka naman lumabas lang ‘yon, ina. Alam niyo naman ang lalaking iyon." kunot noong sinabi ni Damian.
Umiling ang kanyang ina, "Hindi ganoon, iba ngayon. Mabilis siyang lumabas at hindi man lang nagpaalam."
Natigilan si Damian kaya mas lalo akong kinabahan. Kaninang panatag ang itsura niya kahit papaano ay napanatag ako pero ngayong pati siya ay nagulat, kakaiba na ‘to.
"Wala siyang sinabi sa inyo?" nagmadaling naglakad si Damian tungo sa pinto ng palasyo.
"Wala, Damian. Maaga siyang umalis kanina matapos makatanggap ng liham." Saad ni Catleya at doon na tumakbo si Damian.
"Damian!" tawag ni Rosh at sumunod din.
Lumabas naman si Lucas at Hugo.
Hinawakan ni Helios ang aking balikat at yumuko siya para magpantay ang tingin namin, "Dito ka lang. Susundan ko si Damian."
Sa kalagitnaan pa lang ng sinasabi niya ay umiiling na ako, "Sasama ako."
"Hindi pwede. Babalik din kami kaagad. Dito ka lang." hinaplos niya ang buhok ko at nagmadaling sumunod kay Damian at Rosh.
Narinig ko ang boses ni Stella at Achilles. Nang balingan ko ang gawi nila ay nakita ko ang likod ni Luan na bigla na lang naglaho, sumunod din siya kina Helios. Nakita ni Achilles ang mabilis na kilos ng kanyang ama kaya sumunod din siya.
Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang sarili. Wala namn sigurong masamang nangyari kay Kieran? Pero kung ganito ang kilos nilang lahat, nakakapagpabagabag.
"Anong nangyari kay Kieran? Bakit siya nawawala?" tanong ni Stella sa akin.
Si Catleya, ang kanilang ina, at ako na lang ang natira. Yumuko si Catleya at pinakalma rin ang sarili. Lumapit siya sa kanyang ina at kinausap ito.
"H-hindi ko alam."
Nangilid ang luha ko. Huling kita ko sa kanya ay kahapon lang. Tumatawa pa siya kahapon at inaasar kami ni Helios. Anong nangyari sa kanya?
Pabalik balik din akong naglakad habang pinapakalma ang sarili ko. Paulit ulit akong huminga ng malalim.
"Ina, hindi na ako makapaghintay. Susundan ko sila." deklara ni Stella pagkatapos ng kalahating oras.
Napatingin ako sa kanya, "Sasama ako, Stella."
Nanlaki ang mata niya at bumaling sa akin, "Manatili ka rito, Solene. Kailangan ko sundan ang mga anak ko."
"Pero si Helios... at si Kieran." hinawakan ko ang kamay niya, "Pakiusap, titingnan ko lang naman ang nangyayari."
"Magagalit si Helios. May bantay dito sa palasyo kaya hindi ka mapapahamak, sa labas baka makuha ka nila." saad ni Catleya.
Agad akong nawalan ng pag-asa ngayong si Catleya na ang tumutol. Nabitawan ko ang kamay ni Stella.
"Manatili ka na lang dito. Kami na ni Stella ang pupunta roon." dagdag ni Catleya at tinanguan si Stella.
Naiwan kaming dalawa ng inang reyna. Bagsak ang balikat ko at natulala sa kawalan. Ganito pala ang pakiramdam ng gustong tumulong pero walang magawa.
Gusto ko lang naman silang tingnan. Pero ayaw ko rin maging pabigat kaya sige na nga, dito na lang ako.
![](https://img.wattpad.com/cover/304489443-288-k87118.jpg)
YOU ARE READING
Tears Of The Sun (Mortal Series #3)
FantasyMortal Series 3: Helios Sadaham Crimson cover not mine.