Kabanata 41

249 18 0
                                    

"Nakatanggap ako ng ulat na plano nilang salakayin ang palasyo sa susunod na buwan. Tama si prinsipe Helios." saad ni Crisanto na nagpabaling sa akin sa gawi niya.

Ngumisi si Kieran at umiling, "Inaamin kong magaling siya mamuno, pero tuso."

"Gagamitin natin ang katusuhan niya upang mapabagsak siya." dagdag ni Catleya.

Bumuntong hininga ako. Wala si Helios ngayon dahil maaga silang umalis ng hari para tingnan ang hangganan. Nababahala ako dahil alam kong nagkalat lang ang mga kyran sa paligid.

Nagtagal ang tingin ko kay prinsipe Luan. Nilalaro ng daliri niya ang daliri ni Tala habang nakikinig siya sa sinasabi ni Crisanto. Sa kanyang tabi ay si Stella na nakikinig din. Bumaling sa akin si Luan at ngumiti siya.

Nagsalubong ang kilay ko at nag iwas ng tingin. Bakit parang may kakaiba? Nabahala si Kieran noong nalaman niyang nakita ko si Luan pero bakit ngayong nakikita na niya mismo nang harapan wala pa rin siyang reaksyon?

Bakit parang normal lang ang lahat? Hindi ba dapat mahulog ang loob ko kay Luan dahil nagtatama ang tingin naming dalawa?

Nalingunan ako ni Crisanto kaya binigyan ko siya ng ngiti. Tipid siyang ngumiti at agad na ibinalik ang tingin sa lahat para ipagpatuloy ang kanyang sinasabi.

Siniko ako ni Kieran kaya napatingin ako sa kanya. Umiinom siya ng dugo sa kanyang baso habang nakahalukipkip ang kamay. Pinagtaasan ko siya ng kilay.

"Bakit, prinsipe?"

"Marahil naguguluhan ka. Nakikita ko sa iyong mga mata." aniya.

Umawang ang labi ko, "Anong sinasabi mo?"

"Kanina ka pa tumitingin kay Luan at Stella."

Napatingin ako kay Stella na nakatingin sa amin ni Kieran. Magkahawak kamay na sila ngayon ni Luan. Binalingan ko si Tala na binibilang ngayon ang kanyang daliri. Masyado ba akong halata?

Bumalik ang tingin ko kay Kieran para umiling, "Wala lang ito."

Ngumisi siya, "Hindi na magtatagal ay magiging isa ka ring bampira."

Gulat akong napatingin muli sa kanya, "Paano mo nalaman ang bagay na 'yan? Sinabi ba ni Helios?"

Tumawa siya ng mahina, "Hindi siya magsasabi ng ganoong bagay sa akin. Nahulaan ko lang. Sa nalaman ni kuya, tiyak akong hindi na niya patatagalin pa ang lahat."

"Ipaliwanag mo."

Kagat labi siyang umiling at nag-iwas na ng tingin. Uminom siya sa kanyang baso kaya hindi ko na siya kinulit pa. Bumuntong hininga ako at sumandal sa upuan.

Nalaman ni Helios? Anong bagay iyon? Ano ang hindi niya patatagalin?

Nakakainis. Bahala na nga. Malalaman ko rin iyon kung gusto ng langit na malaman ko. Kung hindi, hindi.

"Punta tayo sa taniman ng lotus?" anyaya ni Kieran pagkatapos ng pulong.

Agad akong umiling, "Hindi maaari. Hindi na ako pwedeng pumunta roon. Ikaw din dahil mapanganib sa lugar."

"Kaya ko ang aking sarili, at kaya rin kitang protektahan kung sakaling may manambang sa atin. Matagal na mula noong huling bisita ko sa mga halaman."

Ngumiwi ako, "Pasensya na, prinsipe, pero nangako ako kay Helios na hindi na magpapasaway ulit. Kapag natagpuan tayo ng mga kieran tiyak malaking problema iyon."

Umismid siya, "Ang mga kyran... wala naman silang laban sa amin. Totoong umiinom sila ng dugo ng tao kaya malakas sila kumpara sa aming nabubuhay na lang sa dugo ng hayop subalit alam kong higit pa rin ang aming nalalaman sa pakikipaglaban. Sa tulong ni Helios, matatalo ang mga kalaban."

Tears Of The Sun (Mortal Series #3)Where stories live. Discover now