Umabot pa ng isang linggo ang pagtira niya sa bahay. Hindi ko siya pinapansin, hindi rin naman siya nagsasalita at hinahayaan lang ako. Noong una gusto ko ‘yon, pero ngayon nakakairita na. Hanggang kailan siya magiging ganito?
Tapos ko na ilaba lahat ng damit niya at ngayon ay kumakain na lang ako. Hindi siya marunong magluto kaya pinahabol ko pa ‘to sa oras. Nakalimutan ko na prinsipe pala ng masaganang kaharian ang kasama ko sa bahay. Nakakairita.
Kita ko siya rito. Namimili siya ng babasahin niya mula sa tambakan namin ng libro. Mahilig mangolekta si Auntie kahit hindi niya naman binabasa. Hindi rin ako mahilig magbasa kaya ginawa niya na lang collection.
Hindi ko pa pala nalilinisan ang silid na ‘yon. Nakabukas ang pinto kaya kita ko siya mula rito. Kumuha siya ng isang libro at hinipan ‘yon. Napangiwi ako nang nakita ang lumipad na makapal na alikabok.
Napatingin siya sa akin. Nag-iwas ako. Nakakahiya.
Pero nakikita niya naman. Ako lang nagtratrabaho sa bahay dahil panay lang siya basa ng kung anong libro na nakikita niya.
"Bakit kasi isa kang prinsipe? Mas gusto ko pa ‘yong Helios na nakilala ko sa kakahuyan." pananalita ko habang hinuhugasan ang plato.
"Handa akong isuko ang pagka prinsipe kung nais mo, Solene." biglaang ani niya.
Mabilis ko siyang sinilip. Pababa na siya sa hagdan at ang mata ay nasa libro na. Pumasok siya sa kusina at naupo sa silya. Umawang ang labi ko.
"Tsismoso." bulong ko at inirapan siya.
Ngumiti siya habang nagbabasa. Hindi ko tuloy alam kung sa akin ba siya ngumiti o baka sa binabasa niya. Hinugasan ko na lang ang pinagkainan habang sinusulyapan siya. Natahimik siya kalaunan.
Masyado sigurong maganda ang binabasa niya. Ganito naman siya lagi. Kung maganda ang kwento ng libro, wala siyang pakialam sa mundo.
Kinagat ko ang labi ko at lumapit. Naupo ako sa kabilang dulo ng lamesa. Malayo sa kanya kaya hindi kami magdidikit na dalawa. Tiningnan niya ako, parang alam niyang may gusto akong sabihin.
"Mahilig ka talaga magbasa." puna ko.
Tumango siya. "Nakasanayan na."
Pinaawang ko ang labi ko at tumango, "Kung gano‘n, mahilig ka rin ba sa babaeng nagbabasa?"
Naibaba niya ang libro at binigay ang buong atensyon sa akin. Kumurap ako at hinintay ang isasagot niya. Ngumiti siya, nagbaba ng tingin, pero agad din ibinalik sa akin.
Tinagilid niya ang ulo niya, "Depende..."
"Depende kung?"
"Depende kung ikaw ‘yon." pagtatapos niya.
Tinitigan ko siya. Nahalata niya ang pagtitig ko kaya bilang siya, imbes na mag-iwas ay pinantayan niya pa ang titig ko. Tumayo siya at naupo malapit sa upuan ko. Ipinatong niya ang libro sa lamesa.
Huminga ako ng malalim at tumayo pero mabilis niyang hinawakan ang palapulsuhan ko at hinila ako para umupo ulit. Napasinghap ako at binawi ang kamay pero mahigpit siya.
"Huwag mo akong hahawakan." sinamaan ko siya ng tingin.
"Masyado kang mailap." puna niya.
Hindi niya ako binitawan. Sa tuwing igagalaw ko ang kamay ko ay hihigpitan niya ang hawak doon. Nagpatuloy siya sa pagbabasa. Hindi ko maiwasang titigan siya ngayong ganito siya kalapit.
Naglakbay ang tingin ko sa bawat detalye ng kanyang mukha. Sa kilay, ilong, pisngi, labi, leeg, at sa kwintas. Kumurap-kurap ako para pigilan ang nagbabadyang luha.
YOU ARE READING
Tears Of The Sun (Mortal Series #3)
FantasyMortal Series 3: Helios Sadaham Crimson cover not mine.