Tapat sa kanyang sinabi, paggising ay mukha niya ang unang bumungad sa akin. Awtomatiko ang naging pagngiti ko. Hindi siya ngumiti pabalik at huminga lang ng malalim. Madilim na ayon sa terasa.
Bumangon ako at hinawakan ang mukha kung may dumi ba bago umalis ng kama. Bumangon siya at sumandal habang pinapanood akong nagtatali ng buhok. Ngumiti ako sa salamin tsaka ako tumingin sa kanya. Namumungay ang mga mata niya, panatag din ang ekspresyon.
"Maliligo ako." paalam ko at dumiretso na sa paliguan pero natigilan lang sa paghakbang, "G-gusto mong sumama?"
Bumangon siya at nilapitan ako. Napalunok ako bago tuluyang pumasok sa loob. Sobrang tahimik niya kaya nakakailang maghubad ng damit. Pumikit ako ng mariin at agad na nagsisi na niyaya siyang sumabay. Ano ba ang pumasok sa isip ko?
"Maghuhubad ako kaya lumabas ka muna-" nahigit ko ang hininga nang mabilis niyang hinuli ang palapulsuhan ko at hinila ako palapit sa kanya.
"Niyaya mo ako. Hindi ako tumatanggi kaya sasamahan kita sa pagligo."
Napalunok ako, "Binabawi ko na. Lumabas ka na-"
"Ganyan ba ang sasabihin mo sa bumuhat sa'yo kanina?"
Umismid ako. Ngayon sinisingil niya na ako dahil sa pagbuhat niya.
"Sinabi ko ba?" sinamaan ko siya ng tingin.
Nilagpasan niya ako para lapitan ang paliguan. Hinubad niya lahat ng saplot sa kanyang katawan kaya pumunta ako sa gilid. Lumusong siya sa tubig at tiningnan ako. Dapat pala nakisabay ako sa paghuhubad. Ngayon nasa akin na naman ang tingin niya.
"Lumapit ka." utos niya.
Nilagay niya ang kanyang kamay sa magkabilang gilid at binigay ang buong atensyon sa akin.
"Tumalikod ka." utos ko naman.
Nag-iwas siya sandali ng tingin na parang nauubusan na ng pasensya sa akin.
"Maliligo ka ba o tatayo ka na lang diyan?" bumalik sa akin ang tingin niya.
Huminga ako ng malalim at kinalas ang laso sa aking likod. Hindi ako tumingin sa mga mata niya. Hindi ko kaya. Kahit na alam kong wala siyang reaksyon ay nahihiya pa rin ako.
Bumagsak ang damit ko sa sahig. Nang balingan ay lumunok siya at nag-iwas ng tingin. Mabilis akong tumapak sa tubig at naupo para matabunan ang katawan. Inabot niya ang langis at naglagay ng apat na patak sa kanyang palad.
Humalo ang bango no'n sa tubig. Bumagsak ang mga talulot ng bulaklak na pinaglaruan ko para malibang sa nakakailang na sandaling ito.
Natigilan ako nang lumapit siya sa akin dala ang langis. Pinatakan niya ang kanyang palad at marahang kinuha ang kamay ko. Pinanood ko na lang ang ginagawa niya. Kinalat niya ang langis sa buo kong kamay pataas sa aking balikat at leeg.
Nasa kanyang dibdib lang ang tingin ko. Hindi ko kayang tingnan siya ngayong alam kong nakatingin siya sa akin. Pagkatapos ay sa kabila naman. Paulit-ulit lang ang ginagawa niya. Walang umimik sa aming dalawa hanggang sa natapos siya.
Hinila niya ako at siya ang pumunta sa likod ko. Umawang ang labi ko nang naramdaman ang paghawak niya sa aking buhok. Binasa niya iyon at naglagay din siya ng ibang langis. Pinapatingkad no'n ang buhok ko masyado kaya ayaw ko sanang gamitin pero hindi na ako nakatanggi.
"Wala bang shampoo rito?" binasag ko ang katahimikan.
"Sinisira lang ng mga 'yon ang iyong buhok." aniya.
Kumuha ako ng ilang buhok galing sa likod at tiningnan iyon. Inamoy ko ang langis. Sobrang bango nito.
"Saan galing ang langis na ito?" sinilip ko siya sa likod ko.
YOU ARE READING
Tears Of The Sun (Mortal Series #3)
FantasíaMortal Series 3: Helios Sadaham Crimson cover not mine.