Bumungad sa amin si Damian, Catleya, Rosh, ang kanilang ina, ang hari at reyna, mga anak nila, si Stella, mga anak din niya, at si Helios. Nilapitan ni Kieran si Ismael saka naupo sa tabing upuan nito.
Naglakad ako palapit kay Helios at naupo rin sa bakanteng upuan katabi niya. May tipid na ngiti sa labi ang kanyang ina nang balingan ko, gumaan ang dibdib ko at ginantihan siya ng ngiting kaya ko.
"Nakikiramay ang buong angkan ng bampira sa pagkamatay ng nag-alaga sa‘yo, Solene." panimula ng hari.
"Salamat, kamahalan." tugon ko.
Malamang nasabi na ni Helios sa kanila ang lahat kaya wala na akong dapat pang ikwento. Huminga ako ng malalim at binalingan ang dugong iniinom nila. Kumuha si Helios ng mga prutas at inilagay iyon sa aking harapan.
Umangat ang kamay kong may suot ng singsing at halos lahat ng tingin nila ay natuon doon. Natigilan ako at unti-unting ibinaba ang aking kamay.
"Kailan naman kayo magpapakasal, Helios? Gusto ko na ng apo mula sa‘yo, anak."
Halos mabilaukan ako sa sinabi ng inang reyna. Sunod-sunod ang pag-ubo ko kaya tinakpan ko ang aking labi. Naglahad si Helios ng tubig na agad kong nilagok. Hinaplos niya ang likod ko habang hinihintay ko naman na umayos ang pakiramdam ko.
Ang bilis naman. Hindi pa nga namin napag-uusapan ang tungkol sa bagay na iyon.
"Ilan ang gusto niyo, ina?" tanong ni Helios na parang handa niyang pagbigyan ang isasagot ng ina niya.
Lumapad ang ngiti ng inang reyna, "Ayos na ba ang lima?"
Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya. Suminghap ako at binalingan si Helios na ngumingiti sa reyna. Umiling iling ako. Ngumisi si Kieran at Ismael. Bakas naman ang pilyong tingin ni Damian at Catleya. Nasa baba ang tingin ni Stella pero may tipid siyang ngiti.
"Magkukulong na ba kayong dalawa? Uunahan niyo pa yata si Stella at Luan." tumawa si Kieran.
Umiling si Catleya, "Isang mortal si Solene. Baka mamatay siya kapag hindi kayo nag-ingat, Helios."
Natigilan ako at awang ang labi na napatitig kay Catleya. Hinawakan ni Helios ang kamay ko sa ilalim ng lamesa.
"Nag-iingat ako. Wala munang mabubuo." tugon ni Helios.
"Imposibleng wala pang nangyari." uminom si Damian sa kanyang baso.
Tumikhim ako at naalala ang gabing iyon. Delikado pala iyon? Shunga. Bakit hindi ko naisip ang ganoong bagay?
"Sa itsura ni Solene mukhang mayroon na." ani ni Kieran.
Gulat ko siyang binalingan na ikinalaki ng ngisi niya. Napainom ako ng tubig dahil sa kaba.
Bumuntong hininga si Catleya, "Hindi ka marunong mag-ingat, Helios."
Umiling ang inang reyna, "Hindi muna dapat ako humingi ng apo mula sa‘yo. Maging bampira muna si Solene, bago kayo magkaanak na dalawa."
Maging bampira? Ako? Parang bumaliktad ang sikmura ko nang inisip na iinom ako ng dugo gaya nila.
Natigilan silang lahat. Nagkatinginan si Kieran, Ismael, at Damian at sabay silang umiling na parang may parehong iniisip. Tumingin naman si Helena at Catleya kay Stella na tahimik lang.
"Si Luan lang ang makakapagpabago kay Solene, hindi ba?" parang wala sa sariling sinabi ni Damian.
Nabitawan ko ang prutas at natulala sa kawalan. Humigpit ang hawak ni Helios sa aking kamay. Nanikip ang dibdib ko sa paraan ng pagkakahawak niya sa akin at sa sinabi nila.

YOU ARE READING
Tears Of The Sun (Mortal Series #3)
FantasyMortal Series 3: Helios Sadaham Crimson cover not mine.