Kabanata 30

272 18 0
                                    

Maingat akong tumagilid. Dumilat ako at nakita si Helios na nagdadamit. Ngumuso ako at bumaba ang tingin sa kanyang pang-upo. Tumingin siya sa akin at naabutan ang pagtitig ko sa katawan niya.

Sumampa siya sa kama at hinalikan ako ng isang beses. Ngumiti siya kaya ginantihan ko. Inangat niya ang kumot para matabunan ang aking kahubdan.

"Magpahinga ka. Sa labas lang ako." aniya.

Tumango ako at ngumiti, "Anong gagawin mo?"

"Magtitimpla ng tsaa."

Mahina akong natawa, "Iyon lang naman ang alam mong gawin."

Sinimangutan niya ako pero mas lalo akong natawa. Totoo naman. Lumabas siya ng silid. Tumihaya ako at naghanap ng komportableng posisyon. Wala pang araw at inaantok pa ako. Hating gabi na kami natulog na dalawa at alas sinko pa lang.

Parang binugbog ang katawan ko. Uminit ang pisngi ko nang naalala ang nangyari. Mahirap kalimutan kung paano ako dumaing sa bawat halik niya. Masuyo siya noong una pero habang tumatagal ay... kinagat ko ang labi ko at pumikit ng mariin.

Inaantok pa ako pero hindi ko magawang matulog dahil panay ako isip ng nangyari. Maingat akong bumangon. Sumasakit ang bandang gitna. Kagat labi akong naglakad papasok ng banyo nang nakakumot para makapaglinis ng katawan.

Umihi ako at doon ko siya parang gustong sakalin sa sobrang sakit. Tiniis ko iyon sa kaisipang mawawala rin ito. Pampawi sa sakit ay ang iniisip kong siya ang pinagbigyan ko.

Lumabas ako ng banyo saktong pumasok siya dala ang tsaa. Nilapitan ko ang bintana at hinawi ang kurtina kahit wala pang liwanag. Gusto ko lang tingnan ang kalangitan.

Sumunod siya nang naupo ako sa silya sa terasa. Inilapag niya ang tasa naming dalawa sa maliit na lamesa at naupo sa aking likod. Isiniksik niya ang sarili niya sa kumot na nakayakap sa aking katawan.

Tahimik ko lang na pinagmasdan ang langit habang umiinom naman siya ng tsaa. Kinuha ko ang akin at hinipan iyon. Kumalat ang init sa aking palad kaya nakaramdam ako ng ginhawa.

"Anong iniisip mo?" pukaw niya.

Huminga ako ng malalim, "Naisip ko bigla, paano kaya kung hindi ako ang naligaw sa kakahuyan dati? Marahil wala ka rito ngayon."

"Siguro nga. Pero alam kong may dahilan ang lahat ng bagay, Solene. May dahilan kaya hinabol ka ng mga lalaki at napunta sa kakahuyan noon. May dahilan ang paghaplos mo sa akin at ang muli kong pagkagising."

Bahagya ko siyang nilingon, "Ano naman ang dahilan?"

"Ito. Ang nangyayari ngayon ang dahilan." hinaplos niya ang singsing ko.

Bumagsak ang tingin ko sa singsing, "Nagsinungaling ka sa akin."

"Hmm?"

"Nalaman ko sa sulat mo na araw ang ibig sabihin ng iyong pangalan. Bakit noong tinanong ko dati sinabi mong wala?"

Hinalikan niya ang aking pisngi kaya bahagya akong lumayo para matingnan siya. Nagtaas ako ng kilay.

Ngumisi siya. Umirap ako at sumimsim sa tasa. Nakakagaan ng pakiramdam ang usok at amoy ng tsaa. Huminga ako ng malalim. Sumimsim din siya sa tasa niya. Ganoon lang kaming dalawa hanggang sa unti-unting tumatanaw ang liwanag.

Nakikita na ang mga puno sa tabi. Nagliliwanag na ang paligid. Nauubos ko na rin ang aking tsaa at ganoon din siya.

"Kailan tayo babalik sa palasyo?" binalingan ko siya.

Natigilan siya at tumitig ng matagal, "Gusto mo bang bumalik na?"

"Pinapabalik mo ako noong nakaraan tapos magtatanong ka ng ganyan ngayon?"

Tears Of The Sun (Mortal Series #3)Where stories live. Discover now