Tulala ako sa mahabang kurtina na sinasayaw ng masuyong hangin. Kakagising ko lang pero hindi pa ako bumabangon. Ayaw kong bumangon. Naalala kong maglalaba pala ako pero mamaya na lang ‘yon.
Nanikip ang dibdib ko. Paulit ulit na bumabalik sa alaala ko ang nangyari kagabi. Hindi na ako umiiyak pero mabigat pa rin ang pakiramdam ko.
Tumahol ng malakas ang aso kaya napilitan akong bumangon. Binuhat ko siya at bumaba kami sa hagdan. Pinaupo ko siya sa sofa dahil panay siya tahol. Nagluto lang ako ng kakainin namin at naglaba na ako pagkatapos.
Kailangan ulit magtipid sa tubig, mabuti na lang at may poso na pinagawa si Auntie dati. Mas gusto niya kasing maglaba malapit doon.
Anong gagawin ko sa pera? Magagastos ko na iyon at hindi magtatagal ay mauubos na. Susubukan ko bukas mag-apply ng trabaho sa malapit lang.
Tumigil ako at pinunasan ang basang pisngi. Padarag kong binagsak ang damit ko at yumuko. Huminga ako ng malalim. Ayaw ko na magpanggap. Wala naman nanonood. Ipinatong ko ang dalawa kong kamay sa aking tuhod at doon umiyak.
"Auntie..." pinunasan ko ang luha ko.
Kumalma ako ng kaunti at tinitigan na lang ang mga damit ko. Ayos lang kaya ang lalaking iyon ngayon? Umiyak siya kahapon. Sinaktan ko siya.
Patawad. Ayaw ko iyon gawin sa ‘yo. Pero mas mabuti na lang na mawala ka sa akin huwag lang sa mundo.
Binasa niya ang sulat ko. Iyon ba ang dahilan kaya siya tumawid dito? Paano niya nalaman ang bahay ko? Sinabi kaya ni Astro?
Bumuntong hininga ako, "Tigil na, Solene. Magiging maayos ka rin. Para saan pa at Solene ang pangalan mo?"
Ngumiti ako at nagpatuloy sa paglalaba. Sinali ko na ang ibang kurtina kaya natagalan ako. Mabuti na lang at nag-agahan na ako kanina. Pagpatak ng alas onse y media ay nilapitan ako ng aso at nakipaglaro ito sa akin.
Nagsasampay na ako nang lumayo siya at parang may tinitingnan sa may halamanan. Kinuha niya ang bola sa gilid at nilaro iyon.
Tumawa ako at pinanood siya. Pagkatapos sa ginagawa ay pumasok na ako sa loob at uminom ng tubig.
Muntik ko na mabitawan ang baso nang namataan si Helios sa labas ng bahay. Pinunasan ko ang pawis sa aking leeg at noo, nilagok ko rin ang natitirang tubig bago binuksan ang pintuan at harapin siya.
"Hindi ba sinabi ko sa ‘yo na umalis ka na?" sinalubong ko siya.
"Pawis na pawis ka." aniya.
Sinipat ko siya at nagkunot noo.
"Masyadong malaki ang bahay para sa ‘yo." iginala niya ang tingin sa bahay namin.
"Anong gusto mong sabihin?"
Tumigil ang tingin niya sa akin at humakbang siya palapit. Kinagat ko ang labi ko nang naamoy kaagad ang bulaklak na ‘yon.
"Bumalik na tayo."
Umawang ang labi ko sa sinabi niya, "Ano ulit?"
"Bumalik na tayo sa palasyo." ulit niya, mas klaro ang boses.
Ngumisi ako, "Hindi mo ba naintindihan ang sinabi ko kahapon? Gusto mo bang ulitin ko pa?"
"Naintindihan ko."
"Ngayon? Bakit ka nandito ulit?"
Natahimik siya. Humakbang pa ulit palapit kaya napapikit ako. Nag-iwas ako ng tingin pero pinantayan niya ang titig ko.
"Dahil nangako ako." bulong niya, "Nangako ako na hindi kita iiwan, Solene."
Napalunok ako, "Hindi ako tumatanggap ng pangako galing sa isang bampira kaya hindi ako magagalit kung aalis ka ngayon."
YOU ARE READING
Tears Of The Sun (Mortal Series #3)
FantasyMortal Series 3: Helios Sadaham Crimson cover not mine.