Kabanata 36

235 21 0
                                    

Kabado ako habang naglalakad kami papunta sa sinasabi ni Kieran. Nakarating kami sa sinasabi niyang kubo. Ang tatlong batang prinsipe ay hindi rin makapaniwala kaya walang nagsasalita sa kanila.

Parang normal lang na kubo sa mundo ng mga tao. Maliit lang ito kaya maliit lang din ang pintuan. Napalunok ako at binalingan ang kakahuyan sa aming likuran.

Naagaw ni Kieran ang atensyon ko nang naglakad siya palapit sa kubo. Mabilis siyang kinwelyuhan ni Ismael at tinulak. Napasinghap ako nang malakas na tumama ang likod ni Kieran sa isang puno, halos mabali ang punong ‘yon.

"Gusto mo bang maglaban na tayo rito para magkatapusan na? Kung may problema ka huwag ka mang damay!" sigaw ni Ismael.

Tumawa si Kieran at muling bumalik sa kinatatayuan namin, "Sino nagsabing may problema ako? Tayo na, Solene."

Kinuha niya ang aking kamay pero pinigilan siya ni Ismael. Sinipat ko si Ismael at hinarap.

"Ako lang ang papasok. Huwag kang mag-alala."

"Alam mong Luan ang nakasulat doon. Anong pinagkaiba? Bakit gusto mo pang makita? Bumalik na tayo, naghihintay si Helios."

Umiling ako, "Basta gusto kong makita. Titingnan ko rin ang pangalan ni Helios at Stella."

Napasinghap siya, "Nahihibang ka na ba? Sasaktan mo lang ang iyong sarili."

Ngumiti ako, "Gusto ko lang makita. Kuryoso ako."

Hindi na ako naghintay pa ng pagtutol kay Ismael. Mabilis akong sumunod kay Kieran na pumapasok na ngayon sa kubo. Yumuko ako para makadaan sa pintuan dahil masyado itong mababa.

Walang gamit sa loob. Isa lamang lumang hapag na malapit na matibag sa sobrang kalumaan. Hinaplos ko iyon ng buong pag-iingat. Nagngitngit ang sahig sa bawat hakbang namin ni Kieran.

May isang salamin sa gilid ng hapag na may kalumaan na rin. Tumayo ako roon para makita ang sarili ngunit malabo dahil sa mga gasgas at alikabok ng salamin.

"Sa tingin ko nakapasok na rito si Kashro at Ashanti." Aniya.

Binalingan ko siya, "Sino ang mga ‘yon?"

"Kapatid ni Astro." tugon niya at inikot ang tingin sa buong lugar, nagtagal ‘yon sa mangkok na nakakalat sa baba, "Sila ang huling naglakas loob na pasukin ang ganitong lugar."

"Mali ka. Tayo ang huli, prinsipe."

Tumawa siya ng mahina at dumiretso ng lakad. Naupo ako at kinuha ang mangkok. Inamoy ko ‘yon. May mabangong amoy na hindi ko matukoy kung ano.

Sinundan ko siya ng tingin at kalaunan ay sumunod din sa kanya. Tumigil siya sa paglalakad kaya natigilan din ako, at doon nakita ang makapal na libro na nakatago sa lumang kahon.

Kinuha niya iyon. May kakaibang enerhiya ang libro, mabigat na enerhiya kaya hindi pwedeng ipagsawalang bahala. Napalunok ako nang inilapag iyon ni Kieran sa hapag at binuksan.

Wala siyang pagdadalawang isip habang natatakot naman ako sa ginagawa niya. Walang nakasulat sa unang pahina. Purong puti na papel lang iyon.

"Nais kitang tanungin. Gusto mo bang makita?" tiningnan niya muna ako.

Tumango ako, "Gusto ko."

"Ilagay mo ang iyong kamay sa libro." utos niya, "Para sa mga bampira lang ang librong ito pero gumagana ito sa mga mortal kapag ang kapareha nila ay isang bampira."

Huminga ako ng malalim. Tinitigan ko muna siya. Ang kanyang mga mata ay nagsasabi ng "magtiwala ka."

Mas lumapit ako. Umatras siya ng bahagya. Ipinatong ko ang aking palad sa pahina at naghintay ng ilang sandali. Pigil ko ang aking paghinga nang biglang uminit ng husto ang palad ko. Sa gulat ay napaatras ako ng dalawang beses at mabilis na inilayo ang kamay sa librong iyon.

Tears Of The Sun (Mortal Series #3)Where stories live. Discover now