"Saan tayo pupunta? Alam niyo ba ang lugar na ito?"
Nang walang nakuhang sagot ay inirapan ko silang dalawa. Kanina pa kami naglalakad at kanina pa sila walang imik. Hindi nila ako pinapansin kahit na sumigaw ako ngayon. Wala silang pakialam sa akin. Bakit pa kasi ako sumama sa mga ito?
"Hindi niyo ba ako sasagutin? Pinipilit niyong sumama ako sa inyo pero hindi niyo naman ako kinakausap." sinamaan ko ng tingin ang likod ni Helios.
Nauuna siya at nasa gitna ako. Si Crisanto sa likod namin at panay ito lingon sa paligid. Tumingin ako sa kanya at umirap.
"Pamilyar ba sa'yo ang lugar na ito? Dito ba iyong sinasabi mong bahay? Sagutin mo nga ako!"
Nagpatuloy ang paglalakad namin at panay sipa na ako sa mga dahon na nadadaanan. Nakakainis! Para akong kumakausap ng rebulto.
"Kumakausap ba ako ng hangin dito? Hindi ka ba pwedeng magsalita o kahit tango o iling man lang? Pinilit mo ako kanina na sumama sa'yo tapos ngayon ayaw mong sagutin kahit simpleng tanong ko! Ang problema-
Napatili ako nang biglang hinawakan ni Helios ang aking kamay at hinila ako palapit sa kanya. Hinawakan niya ang aking baywang para hindi ako makagalaw.
"Ang problema, masyado kang madaldal. Sumasakit na ang ulo ko at hindi ako nakakapag-isip ng tama dahil kanina ko pa naririnig ang boses mo. Tahiin ko kaya 'yang bibig mo?"
Tinikom ko ang labi ko. Nang natahimik ay mabilis niya akong binitawan at naglakad na ulit siya na parang walang nangyari. Nangangatog ang binti ko. Hindi ako nakagalaw dahil sa ginawa niya.
"Tayo na, binibini." boses ni Crisanto na nanatili sa aking likuran.
Huminga ako ng malalim at sumunod na kay Helios. Nakanguso ko siyang sinundan. Nakatingin na lang ako sa dinadaanan namin. Halos ayaw na magsalita.
Tumikhim siya at tumigil. Muntik na akong bumangga sa likod niya, mabuti na lang at kaagad na napigilan ni Crisanto. Nag-angat ako ng tingin kay Helios at naabutan siyang nakatingin sa akin.
"Marunong ka naman palang sumunod." aniya.
Tahiin ko rin kaya 'yang bibig mo? Kinagat ko ang labi ko at umingos.
"Pupunta tayo sandali sa bahay nila Stella. Nandoon ang kanyang kapatid."
Kanina pa siya panay Stella. Bahay nina Stella, pamilya ni Stella, anak ni Stella.
Tiningnan ko siya at tinaasan ng kilay nang napansing hindi pa rin siya kumikilos. Nakatingin lang siya sa akin pero may kislap ng kapilyuhan ang mga tingin niya.
"Wala kang sasabihin?" tanong niya.
Suminghap ako. Ano ba ang problema nito? Pinapatahimik niya ako kanina tapos ngayon naman na tahimik na ako magtatanong siya ng ganoon?
Nag-iwas na lang ako ng tingin. Saktong nabalingan ko ang maliit na bahay na nasa aming harapan. Napalunok ako nang nakaramdam ng kakaibang takot. Mga tao ba ang naninirahan sa bahay na ito?
Napaka-imposible naman kasi. Walang kuryente at kakahuyan na ang lugar na ito. Paano sila dito nabubuhay?
Tinuro ko ang bahay tsaka ako napatingin kay Helios, "Mangkukulam ba ang nakatira sa bahay na 'yan?"
"Tayo na, Crisanto." pag-iignora niya sa akin at nilapitan na ang bahay.
Umatras ako habang tinitingnan ang kabuoan ng lugar. May batis sa gilid na sobrang linaw. Ang likuran naman ng bahay ay may hardin na punong puno ng gulay at prutas, may alaga rin silang manok.
May lumabas sa loob ng bahay kaya naging alerto ako. Pero natigilan lang nang nakakita ng isang dalaga. Maamo ang mukha nito at mas maliwanag pa kaysa sa sikat ng araw. Mangkukulam ba siya? Ang ganda naman niyang mangkukulam kung ganoon.
![](https://img.wattpad.com/cover/304489443-288-k87118.jpg)
YOU ARE READING
Tears Of The Sun (Mortal Series #3)
FantasiMortal Series 3: Helios Sadaham Crimson cover not mine.