Napasimangot ako habang pinagmamasdan si Helios at ang prinsesa ng mga sirena na si Ghana. Ayaw pa rin tumigil ng babaeng ito kahit tinanggihan na siya ni Helios. Dumidikit pa rin siya kahit panay iwas na ang prinsipe.
Nakakainis.
Lumapit si Ghana kay Helios at nagtangkang hawakan ang balikat nito pero umiwas si Helios at may sinabi sa hari. Napairap ako sa hangin.
"Nguso mo nakaabot na sa palasyo ng kamatayan." umupo si Kieran sa aking tabi habang pinapaypayan ang sarili.
"Palagi ba si prinsesa Ghana rito sa palasyo?" hinarap ko siya.
Napatingin siya sa prinsesa at umiling, "Hindi naman... mga limang beses sa isang taon. Pwedeng limang beses sa isang buwan, depende sa pagdiriwang."
Limang beses sa isang buwan? Ngayon lang ako nainis na palaging may pagdiriwang.
"Hindi ko alam na selosa pala ang magiging asawa ni Helios." tumawa si Kieran, "Mag-iingat ka. Madalas na dahilan ng hiwalayan ay ang pagseselos, baka hindi matuloy ang kasal niyo."
Napalunok ako, "Si Helios ba... ayaw sa babaeng selosa? Nasasakal ba siya?"
Ngumuso si Kieran at pinaglaruan ang kanyang labi, "Base sa nakaraan niyang relasyon sa mga babae, wala siyang pakialam selosa man o hindi. Gusto lang niya pisikal na relasyon. Sa kama. Iyon, tapos na."
Inirapan ko siya. Tumingin ulit ako sa harapan at nakita ang prinsesa ng mga sirena na nakataas ang kilay sa akin. Alam niyang ako ang "asawa" dahil pinakilala ako sa kanila. Hindi ko alam kung mababa lang ang tingin niya sa akin o sadyang wala lang pakialam para ipagpatuloy ang paglapit kay Helios.
Hinahayaan ko naman siya pero minsan naiirita ako kapag lumalagpas na siya. Ayos lang na hangaan ang asawa ko, huwag lang hawakan o lumabis pa roon.
Tumango si Helios at may sinabi sa prinsesa. Malapad itong ngumiti kay Helios. Nag-iwas ako ng tingin nang naglakad si Helios palapit sa amin.
"Pero noon 'yon. Huwag kang magagalit, huwag mo rin sasabihin na sinabi ko iyon sa'yo." bulong ni Kieran bago tumayo.
Sumunod si Helios sa inupuan niya. Naupo ang hari sa dulo ng lamesa. Pahaba ang lamesa at malaki iyon kaya kasya kaming lahat. Lumipat si Kieran sa tabi ng kanyang ina na nasa tabi ni Ismael.
Si Catleya at Rosh ang katabi ko at si Anna at Apollo naman ang katabi ni Helios. Si Luan at Stella ay nasa harap namin kasama ng kanilang mga anak.
"Sayang at wala si Blad. Kompleto na sana." saad ni Damian.
Si prinsesa Ghana ay naupo sa tabi ni Damian sa dulo ng upuan nila Stella kasama naman ang isang prinsipe ng apoy na si Maru, prinsesa ng hangin na si Ariana, prinsipe ng nyebe na si Keano at si Astro.
"Isang taon pa na paghihintay at uuwi rin si Blad sa palasyo dala ang karangalan." sinabi ng kanilang ina.
"Ano na kaya ang ginagawa niya ngayon sa unibersidad?" nagtaas ng kilay si Kieran at pinaglaruan ang baso niya.
"Ano ba ang ginagawa sa paaralan? Edi nag-aaral." pabalang na sagot ni Ismael.
"Alam ko, pero imposibleng pag-aaral lang ang ginagawa ng isang iyon. Alam kong mayroon pa, nakatitiyak ako."
Nagtagal ang tingin ko sa isang babaeng maganda na nasa kabilang lamesa. Mukha siyang mahiyain at walang alam sa palasyo. Parang nandito lang siya dahil bigla siyang nahila at hindi naman talaga imbitado. Isang mortal.
"Huwag mong itulad si Blad sa'yo, aking kapatid. Kung babaero ka, siya hindi. Nagsisikap siya mag-isa sa unibersidad para makapagbigay ng karangalan sa ating pamilya. Kaysa hintayin ang babaeng wala na, dapat gayahin mo na lang siya."
YOU ARE READING
Tears Of The Sun (Mortal Series #3)
FantasyMortal Series 3: Helios Sadaham Crimson cover not mine.