Kabanata 40

238 20 0
                                    

"Mahahati sa apat na pangkat ang mga bantay ng hari. Ang unang pangkat ay lalaban sa mga kyran sa pangunguna ni Damian. Mas maganda kapag kayo ang sumalakay. Upang hindi agad maubos, kailangan niyong gumawa ng patibong, huwag puro salakay. Tingnan niyo kung ang pangkat ba nila ang sasakalakay sa inyo tsaka lang kayo magtago at hintayin na mahuli sila sa inyong bitag. Mas simple, malinis, at pulido."

Tumango ang hari sa sinabi ni Helios, "Kailan sasalakay ang pangalawang pangkat?"

"Mas maganda kung si Damian at Crisanto ang mamumuno sa unang pangkat para hindi sila agad maubos. May tiwala ako sa'yo, kapatid." binalingan ni Helios si Damian at tinanguan, sunod ay si Crisanto na magalang na tumango, "Si Kieran ang mamamahala sa pangalawang pangkat, si Luan sa pangatlo, at ako sa panghuli."

Umawang ang labi ko sa sinabi niya. Umiling ako pero hindi niya binalingan ang gawi ko. Inikot niya ang buong tingin sa kanila at iniwasan ako.

Kinagat ko ang aking labi. Alam kong sinabi ko na hindi ko siya ipagkakait sa kanyang pamilya subalit delikado ang gagawin niyang ito. Parang hindi ko kaya. Parang ayaw ko siyang pakawalan at gawin ang gusto niya. Gusto kong maging maka-sarili. Kahit ngayon lang.

"Helios," tinawag ko siya sa mababang boses.

"Malaki ang pag-asa natin manalo kapag nabibigla sila dahil hindi sila nakakapag-isip kaagad ng susunod na plano. Kaya gumawa kayo ng maraming bitag."

Tumingin siya sa akin ng ilang segundo. Nangungusap ang mga mata ko at tiyak akong alam niya kung ano ang iniisip ko, pero nag-iwas lang siya ng tingin.

"Ang ibang natira, sa palasyo muna habang naghihintay ng utos. Kasama ni Luan ang heneral at sila ang susugod sa kuta ng kalaban, susunod ako kapag natibag namin ang kanilang puwersa sa likuran."

Nagbaba ako ng tingin. Naglakad siya ng pabalik balik habang matamang pinapaintindi ang planong inisip niya ng ilang araw. Nagbibigay naman ng suhestiyon ang iba niyang kapatid at pinakikinggan niya iyon. Kapag naisip niyang may punto sila ay hindi siya nagmamataas.

Sasabihin niyang nagkamali siya at hahayaang ang ibang ideya ng kanyang kapatid ang gawin nila.

Pagkatapos ng pagpupulong na 'yon ay nauna ako sa kanyang lumabas ng bulwagan. Tinawag ako ni Stella pero dire-diretso ang tingin ko sa daan. Nang nakapasok sa silid at naupo lang ako sa kama ng ilang sandali ay nakita ko na ang pagbukas ng pinto at pagpasok ni Helios.

Mabagal niya akong nilapitan. Nanatili ang titig ko sa aking repleksyon sa salamin. Natabunan lang iyon ng katawan niya dahil tumayo siya sa harap.

Hinawakan niya ang magkabila kong balikat at yumuko para magpantay ang tingin namin. Kung mananatiling diretso ang tingin ko iisipin niyang tinititigan ko ang kanyang pagkalalaki kaya nag-angat ako ng tingin.

"Nabigla ka ba?"

"Ano sa tingin mo? Titigan mo ako ngayon para masagot mo ang sarili mong katanungan." kinagat ko ang labi ko at inis na nag-iwas ng tingin.

Bumuntong hininga siya at mas lumapit, "Walang ibang lalaban sa mga kyran kundi kami rin, Solene. Dahil kalahi namin sila at kasali sila sa aming nasasakupan."

"Pero masyadong mapanganib. Alam kong lahat kayo pupunta pero sa tingin ko kaya na iyon ng mga bantay niyo. Palagi silang nagsasanay kaya alam kong mananalo sila-"

"Hindi mo ako naiintindihan. Gusto kong lumaban hindi para sa karangalan, gusto kong lumaban para protektahan ka."

Umangat ang kamay niya para haplusin ang aking pisngi. Hinawakan ko iyon, nagbabakasakaling mababago ang isip niya.

"Helios..."

Ngumiti lang siya sa sinabi ko, "Hayaan mo ako. Ginagawa ko ito para sa aking pamilya, at lalo na sa'yo."

Tears Of The Sun (Mortal Series #3)Where stories live. Discover now